Quantcast
Channel: Pinoy Weekly
Viewing all 2319 articles
Browse latest View live

Ang Filipinas ayon sa Bourne Legacy

$
0
0

rebyu ng Bourne Legacy (Tony Gilroy, direktor, 2012)

 

Nakataas ang kilay at tila quizzical ang tiyan kapag sinabing may malaking dayuhang produksyon na kinunan sa Filipinas.  Hindi naging mabuti ang Hollywood sa bansa.  Sa An Officer and a Gentleman (Taylor Hackford, 1982), ang teenager na karakter ni Richard Gere ay binugbog ng mga siga sa gilid ng isang U.S. base sa bansa.  Sa Apocalypse Now (Francis Ford Coppola, 1979), ang Pagsangjan ay naging surrogate para sa Vietnam, at sa The Year of Living Dangerously (Peter Weir, 1982), surrogate naman para sa Indonesia.

Sa panayam kay Claire Danes para sa Brokedown Palace (Jonathan Kaplan, 1999), sabi nito na ang Manila ay “ghastly and weird city.”  Siempre ay pusong mamon ang mga Pinoy pag dating sa ganitong representasyon ng kanilang syudad at bansa, na parang pinipilas at niyuyurakan ang kanilang pambansang pride.  Kaya matapos ng matagaltagal na panahon, dumating ang Bourne Legacy.

Ang espionage na pelikula ay ukol sa mga genetically enhanced na mersenaryo na naturukan ng virus, at ang gamot ay dine-develop sa Filipinas.  Pupunta rito ang espiya, pati ang babaeng syentista, at iinog ang kanilang adbentura sa tatlong klimaktikong susing eksena sa Manila:  ang high-tech na pabrika, ang bubong ng mababang gitnang uring komunidad, at ang matrafikong kalsada pagkakarerahan ng nagtutunggaling motor.

Ang unang eksena ay ang pagtukoy ng nagtatagong couple sa pabrika ng gamot, na kahit high-tech ito ay liga ang kinakailangang nakaunipormado’t nakatakip ang mga mukha na manggagawa.  Dito ay mahahanap nila ang gamot, pati ang stem na pinagmulan ng virus, at mabubuo ang planong sirain ang strain na ito.  Ang eksena ay nagsimula sa gabi, na patungkol sa 24/7 operasyon ng mga kompanyang multinasyonal, at ang pangangailangan ng supply ng mga magkakahalintulad na katawan at pangangatawan ng paggawa para sa hindi natutulog na operasyonalisasyon ng pharmaceutical na kompanya.

Ang ikalawang eksena ay ang epekto ng naudlot na pagpigil sa stem strain, na matagpuan ang espiya na patuloy na nagkakasakit sa isang masikip na mababang gitnang uring komunidad.  Na ang tanging rekurso para makatakas sa mga pulis sa ibaba ay sa pamamagitan ng transformasyon ng bubong bilang masibong eskinita’t pasilyo, ang lunsaran tungo sa kaligtasan.  Nakita na natin ito sa Kubrador (Jeffrey Jeturian, 2006) at para sa parehong dahilan pa rin, para maiwasan ang entrapment ng pulis.  Sa Bourne Legacy, nag-level up, pati na rin ang anti-hero ng bida ay nakadagdag ng impetus at balakid sa pagtakas.

Ang pangatlong eksena ay ang karerahan ng mga nakaw na motor (at marunong mamili ng high powered na modelo ang bida at ang kontrabida) sa siksikang kalsada ng Manila.  Sinasaad nito ang matagal na nating alam, at tinuturing na panganib at peligro sa gitnang uring may kotse at abang uri na namamasahero, na tanging motor ang makakadaloy sa trafiko ng syudad.  Na tinatangkang udlutin ng Metro Manila Development Authority sa pagtalaga ng motorcycle lane na efektibong naglimita sa kanilang kapangyarihang manahi ng kalsada.

Ang bida ng Bourne Legacy na sina Jeremy Renner at Rachel Weisz, sa isang eksena sa Pilipinas. `

Ang bida ng Bourne Legacy na sina Jeremy Renner at Rachel Weisz, sa isang eksena sa Pilipinas.

Walang skwater at indie-cinema na kahirapan na natunghayan sa Bourne Legacy.  Sa katunayan, walang in-your-face na orientalismo, gaya ng naunang pagkatalaga sa Filipinas bilang exotiko pero pejoratibong espasyo ng quintessential maldevelopment, bilang substitute para sa mas masahol na Third World national chaos, o bilang bukal ng inosensyang nawala na sa pagkaunlad ng First World.  Ang bagong isinasaad na representasyon ng Bourne Legacy ay ang sirkulasyon ng bansa sa integral pero laylayan ng global na kapitalismo.

Heto ang subnaratibo ng Filipinas ayon sa pelikula:  dahil may penetrasyon ng kapital sa multinasyonal na kompanya, umangat mula sa komunidad ng squatter tungo sa mababang gitnang uring pamamayanan ang mga sityo ng syudad, at ang kagyat na epekto nito, ang siksikan ng pedestrian overpasses, kalsada at populasyon ng syudad.  Kung nasinsin ng global na kapital ang mga tirahan at pamayanan, ang susunod na mapapaunlad nito—in due time—ay ang literal na infrastruktura (kalsada, pedestrian walk, highway system), higit na conducive sa kapitalismo.

Kumbaga, kinagat na ng bansa ang bala ng kapitalismo at heto ang kanyang kasalukuyan, ang estado na nakamit at maari pang makamit sa patuloy pa ng higit na penetrasyon ng kapital.  Ang isinasaad ng pelikula ay paborable ang bumubulwak na population growth sa bansa:  ito ang magtitiyak ng regular at murang supply ng manggagawa sa pabrika ng multinasyonal na kompanya.

Paborable rin ito sa tumatakas na couple.  Kundi dahil sa dami ng tao at manggagawa—at ang inverse nito, kundi dahil sa unti ng kalsada at infrastruktura—ay hindi sana sila makakatakas.  Ang habulan sa bubungan ay nagsasaad din ng hindi pa natutunghayan na posibilidad:  na ang tanging espasyo ng karagdagang pag-unlad ay vertikal na lamang, lalo na sa limitadong pisikal na espasyo ng syudad.

At siempre, ang subnaratibo ay nakaangkla sa kontrast sa dalawang pambansang espasyo:  ang Kanluran na bundok at gubat sa winter pero nananatiling high tech; at ang Seoul na ultra-modernong iba (hindi Kanluran pero hindi na rin Asyano).  Sa pagtatapos ng pelikula, tutungo ang bangka na pinagtakasan ng couple mula Palawan sa Vietnam, isa pang sityo ng global na kapital.

Ang espionage film ay compass ng transnasyonal na operasyon, hindi lamang para sa paghahanap sa katotohanan at ng katarungan, kundi sa global na negosyo.  At ito ang idinadambana na bagong representasyon ng bansa:  ang maging importante—kahit pa substitutable—na node ng kapital, na may kakatwang pagka-penetrasyon at kung gayon, ang kakatwang pagkaremapa ng syudad, bansa, tao, paggawa at populasyon para sa akomodasyon ng global na kapital sa lokal na kondisyon.  Ito ang Filipinas—ang tinukoy sa checklist ng bagong reconditioning sa rehimen ng global na kapitalismo—ayon sa Bourne Legacy.

Ito ang bagong exotisismo, ang bagong erotisismo.  At tayong nakapanood ng pelikula ay natunghayan ang ating masikip na syudad at bansa sa kinetikong antas, tulad ng pagkalulan at pagkalunan ng mga bida sa pelikula.  Tayong gitnang uring manonood-mamamayan ay nais ding takasan ang abang uring kondisyon at makapag-move on na sa susunod na yugto ng kapitalismo:  kailangan nang mag-level up, tulad sa Seoul sa pelikula.

Inilulugar ng pelikula ang ating pinagmulan, kasalukuyan at maaring patunguhan alinsabay sa pagtahak sa global na kapitalismo.


Ang bagong kahulugan ng ‘Katas ng Saudi’

$
0
0
Evelyn Banez, asawa ni Danilo na isa sa tinaguriang Saudi 200++. (Darius Galang)

Evelyn Banez, asawa ni Danilo na isa sa tinaguriang Saudi 200++. (Darius Galang)

Pampasaherong dyipni. Mga alahas. Bahay at lupa. Ito ang dating nabansagang “Katas ng Saudi” dahil marami sa mga migranteng Pilipino na nagtrabaho sa Saudi Arabia noong dekada ’70 at ’80 ay nakapagpundar ng mga ito matapos magbanat ng buto sa isa sa pinaka-represibong bansa sa buong mundo.

Pero ngayon, tila iba na ang kahulugan ng “Katas ng Saudi.” Para sa mga manggagawang Pinoy na pinagkaitan ng karapatan ng mga employer nila, saka pinabayaan ng gobyerno ng Pilipinas, pawis at dugo – ibayong paghihirap nang walang kapalit na ginhawa – ang “Katas ng Saudi.”

Isa sa naghihirap na mga Pilipino si Danilo Bañez. Ang kanyang asawang si Evelyn, magkahalong lungkot at inis ang naramdaman tuwing naiisip ang sinasapit hanggang ngayon ng kanyang asawa na nasa Saudi pa, di pa makauwi.

Lungkot, dahil alam niya ang hirap na kasalukuyang nararanasan ni Danilo sa pinagtatrabahuhang bansa. At inis, dahil batid niyang dapat na may pananagutan at may kapasiyahan ang pamahalaan ng Pilipinas upang mapauwi sila.

Isa lang si Evelyn sa mga kaanak ng tinaguriang Saudi 200+, mga manggagawang hindi makalabas ng naturang bansa – pinagkaitan ng kanilang mga benepisyo, karapatan, pati ng serbisyo ng sariling gobyerno.

Katas ng Saudi?

Isa si Danilo sa 88 manggagawa ng Al-Suwayeh, isang kompanyang kontratista ng mga manggagawa sa Saudi. Natapos na ang ikatlong kontrata ni Danilo sa naturang bansa bilang tile setter, pero sa salaysay ni Evelyn, nag-iba ang designasyon ng kanyang asawa pagkatapos nito.

Natapos na ang kontrata niya noong Marso pa ng nakaraang taon. Hindi maibigay ang ilang benepisyo sa mga manggagawa dahilan ng pagka-bangkarote ng kumpanya. End of service benefits na lang ang hinihintay nila, marami pang hintayan ang naganap.

“Kung baga, sa asawa ko, ikatong contract niya na, kaya bale anim na taon na ang hinahabol niya roon. ’Yung iba, may 18 taon, 20 taon, ang pinakamatagal na ay 30 taon. So yung mga taong iyon, sila yung malaki-laking hahabulin na end-of-service benefits. Konsuwelo na nila iyon. Isa iyon na dapat binabayaran ng kumpanya, na nakakapagpabigat sa bayarin niya.”

Ngayong nakapagpahayag na ng pagkabangkarote ang kompanya, hindi na ito maibibigay, kundi man mugmog na lamang ang maibibigay na mga benepisyong ito.

“Sa ngayon, hindi pa rin mabigyan si Danilo ng exit visa,” saad ni Evelyn. Kasama ng asawa niya ang ilan ilan pang kasalukuyan ay walang trabaho at walang kabuhayan sa Saudi. Isa lamang ang Al-Suwayeh sa anim na kompanyang nagsaad ng pagkabangkarote.

“Isa lang ang Al-Suwayeh pero dito ang pinaka-malaking ratio ng mga Pilipinong nawalan ng trabaho,” paliwanag ni Evelyn.

Sa hinaba-haba ng kanilang pagdurusa, naisip nilang gumawa ng ingay. Nagsagawa sila ng hunger strike, maging ang pag-okupa sa embahada, upang pukawin ang pansin ng gobyerno ng Pilipinas.

Ang naglaon na desisyon naman ni Bise-Presidente Jejomar Binay ay dahil na rin sa ilang kakilala ng ilang trabahador sa Saudi sa istap ni Binay. “Na-try niyang kontakin ’yung isang malapit na istap ni Binay,” kuwento ni Evelyn.

“Noong mga panahon na rin na iyon, nasa sasakyan daw si Binay (at iyung istap niya). ’Yun ’yung panahon na sinabihan siya na ‘sige bigay mo ‘yung buong detalye, thru text.’ Kaya ibinigay naman nung isang kasama namin. That day rin, tinawagan siya, na magbigay ng detalye ng kaso ng Al-Suwayeh, at i-fax the following day,” aniya.

Tagumpay man na naipaabot ang kaso, Al-Suwayeh lang ang nabanggit sa pahayag ni Binay. Sa inilabas na press statement ni Binay, sinabi niyang pauuwiin na raw ang mga manggagawa ng Al-Suwayeh bago matapos ang Oktubre.

Pero hindi kumbinsido si Evelyn sa mga interbensiyon ni Binay at ng embahada sa Saudi. “Kuwestiyonable pa nga sa akin na magagawa nila iyan,” sabi ni Evelyn, “kasi may holiday ang Saudi ng Oktubre.”

“Kung nag-pertain lang siya sa report ng embassy (na aasikasuhin nila ang pag-uwi nina Danilo), eh malabo,” anas ng ginang. “Noong gabi kasi na iyon, kaka-text pa lang ng asawa ko, na nag-meeting sila ni Labor Attache Valenciano, at sinabi daw (ni Valenciano) na ‘yung covered ng (recruitment) agency na Nawras na 15 OFWs ng Al Suwayeh ay inaasikaso personally ng liaison officer ng Nawras (hindi ng embahada). Napilitan na gawin iyon (ng liaison officer ng Nawras) dahil sarado na ang recruitment agency nila rito sa Pilipinas.”

Ang tanong nga ng kanyang asawa kay Valenciano: “Paano naman kaming mga balik-manggagawa? Anong gagawin namin, sino ang hihintayin naming aasikaso?” Sinagot naman umano ng labor attache na “baka puwede munang paratingin sa nakatataas” at “tignan natin”.

“Hindi pa pala umaabot sa taas ’yung real score, kung baga,” inis na salaysay ni Evelyn.

Gobyernong PH: Usad-pagong

Diin ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, dahil dokumentado ang mga manggagawa na ito, inisyatiba na ng gobyerno dapat ang mamuno sa kanilang paglikas sa bansa, kasama man ang nag-empleyo sa kanila.

“Nagdedepende kami pa rin mismo sa kakayanan ng employer kasi na mag-release ng exit visa. Laya matagal na ’yung panawagan namin na immediate intervention ng Philippine Government dito sa usapin ng exit visa. Dahil unang una, ang mga kompanya, partikular sa Al-Suwayeh, ay sarado na. Pangalawa’y suspended na ’yung mga agency dito,” paliwanag ni Martinez.

At nakita ni Martinez ang kabagalan ng gobyerno, bukod pa sa tila inutil nitong pagkilos kung titignan ang mga rekurso na nasa kamay nito.

“Dapat nga nang nawalan ng trabaho (ang mga manggagawang Pinoy sa Saudi), nang sinabi nang natalo na ’yung kompanya, bankrupt na, dapat automatic na ginagawan nila kaagad ng paraan at hindi dapat iasa sa mga recruitment agency. (Tutal) narito naman sila sa Maynila. Dapat immediately nahanap ’yan ng accommodation,” sabi pa ni Martinez.

Pangalawa, ayon pa sa lider-migrante, dapat na isahanda ang mabilisang pagsasaayos ng exit visa. Paliwanag ni Martinez, dapat na ginawa ng embahador na inutusan ang kanyang labor attaché – na siya naming nag-apruba ng job order – na agad na magbigay ng exit visa para makauwi na ang naistranded na mga migrante.

“’Yung mabagal na aksiyon na ganito ng gobyerno ang nagpapatagal,” sabi pa niya.

Nagkaroon man ng ilang pahayag ang panig ng pamahalaan, lalo na ang pahayag ni Binay, na magpapauwi sila ng mga manggagaling sa Saudi, hindi pa rin kuntento ang mga kaanak nila. Kung makakauwi man sila, hindi pa ito dahil sa pana-panahong pahayag ng mga pulitiko, kundi sa pagpepresyur pa ng mismong mga manggagawa at Pinoy sa Saudi.

“Sana naman ay hindi maliitin ang mga pagkilos ng mga pamilya nila,” dugtong ni Martinez.

Karapatan ng mga manggagawa

Martsa/karaban ng mga migrante patungong Mendiola para simbolikong bigyang ng subpoena si Pangulong Aquino para sa MIgrants Tribunal sa Nob. 28-29. (Kontribusyon)

Martsa/karaban ng mga migrante patungong Mendiola para simbolikong bigyang ng subpoena si Pangulong Aquino para sa MIgrants Tribunal sa Nob. 28-29. (Kontribusyon)

Hindi bulag si Evelyn sa usapin kung may karapatan ang mga manggagawang tulad ng kanyang asawa, tulad na lamang sa Repatriation Fund, na mismong mga overseas Filipino workers (OFW) ang nagbabayad.

Binalikan pa nga ni Evelyn na binabayaran nila ng tama ang mga bayarin bago pa makaalis ng bansa ang kanyang asawa. “Bakit hindi kayang sagutin ng OWWA ‘yung gastusin? Kung blood money nga – para sa nakapatay – ay naipo-provide, so how come sa mas mababang halaga lang na para doon sa pauwi lang naman ay hindi nila ma-provide?”

“Ibig sabihin (lang nito), wala pala kaming mahihitang tulong sa inyo?” patuloy na inis ng ginang.

Inubos ni Evelyn ang rekurso ng kanyang pamilya. Humingi siya ng tulong kahit sa ilang media outfits para maisapubliko ang kanyang hinaing, hindi lamang para sa kanyang asawa, ngunit para rin sa daan pang hindi makauwi sa bansa. Hanggang sa humingi na siya ng tulong sa Migrante International.

Patuloy na umuugong ang pagkilos at protesta ng mga kaanak ng mga nasa Saudi.

“Ang mas masakit lang sa kanila, mula noong nanawagan silang gusto na nilang mapauwi, at naniniwala sila sa sinasabi ng embahada, pinanghahawakan nila ’yung ganyang salita. Pero ngayon, dismayado sila lalo na noong mag-decide na silang mag-hunger strike, nang mag-occupy ng embassy aytalagang lalong nadagdadagan ang sama ng loob nila ngayon,” sabi pa ni Evelyn.

Kakatasin?

Ang siste, hindi pa nga napapauwi ang lahat ng mga Pilipinong tulad ni Danilo, patuloy pa rin ang pagpasok ng mga Pilipino sa Saudi.

Nakapasok sa isang kasunduan ang Pilipinas at ang kaharian ng Saudi Arabia. Unang lumutang ang PH-Saudi Unified Contract noong dekada ’90 at umani agad ito ng disgusto mula sa hanay ng mga OFW maging sa recruitment agencies. Kahit pa dinagsa ito ng batikos kasama ng mga protesta, maging ng isang temporary restraining order mula sa korte, ipinatupad ito noong 2003 sa ilalim noon ni Labor Secretary Patricia Sto. Tomas.

Sa ilalim ng kasunduang ito, maraming paglabag sa kontrata ang malayang magagawa at magiging lehitimo ng mga kompanya at recruitment agencies sa Saudi.

“Ibig sabihin, kahit na compliant sa POEA terms ang kontratang pinirmahan dito ng OFW, malayang baguhin ito ng mga kompanya o ahensiya sa Saudi, ayon sa nakasaad sa unified contract,” paliwanag ni Martinez.

Hindi naman panig, ayon kay Sec. Rosalinda Baldoz ng DOLE, ang kanyang kagawaran sa ganitong patakaran. Pero inamin niyang mayroon ngang unified contract. At wala pa siyang ginagawang hakbang para matigil ito.

“Samantala, 800 hanggang 900 OFWs ang lumalabas ng bansa patungong Saudi araw-araw, na walang malinaw na interbensiyon na ginagawa ang DOLE o ang Department of Forteign Affairs para ihinto ang tahasang paglabag sa labor rights. Patunay lamang ito na nagbubulag-bulagan ang pamahalaan upang hindi masira ang Saudi job market,” dughtong ni Martinez.

Sa isang press conference sa tanggapan ng Migrante International nitong Oktubre, nagtipon-tipon ang ang ilang nakauwi na mula sa Saudi, maging ang mga kaanak ng hindi pa, upang ipanawagan na sagutin na ng gobyerno ang kanilang mga hinaiing.

Bukod pa ito sa dagliang pagpapauwi na ng tulad ni Danilo. Natanto at nagkaisa na rin ang mga kaanak ng mga istranded na OFWs na may seryosong problema ang isang sistemang nangangalakal ng lakas-paggawa ng mga Pilipino para sa ibang bansa – nang halos walang proteksiyon mula sa gobyernong nangangalakal sa kanila.

Noong Oktubre 24 hanggang 25, dinala nila sa tarangkahan ng DFA at DOLE, hanggang paanan ng Mendiola, Manila, ang “Katas ng Saudi”: nagkaraban ang mga kaanak nina Danilo para iharap sa madla at sa gobyerno ang paghihirap ng Saudi 200++.

Sa Mendiola, simbolikong nagbigay sila ng subpoena sa Malakanyang para panagutin ang pangulo, hindi lang sa kaso ng Saudi 200++, kundi sa polisiya nitong pag-eksport sa lakas-paggawa para sa kapakinabangan ng dayuhang mga interes. Sa Nobyembre 28-29, isang Migrants’ Tribunal ang gaganapin sa Maynila para husgahan ng mga migrante ang labor-export policy ng mga bansang tulad ng Pilipinas. Ilalantad din sa tribunal na ito ang kalupitang dulot ng naturang polisiya sa mga tulad nina Danilo at Evelyn.

Ilalantad nila ang bagong “Katas ng Saudi.”

Pamilya ni Ericson Acosta, tinatakot at hinaharas ng militar

$
0
0
Ericson Acosta (Larawan mula sa Free Ericson Acosta Campaign)

Ericson Acosta (Larawan mula sa Free Ericson Acosta Campaign)

Inirereklamo ng pamilya ng bilanggong pulitikal na si Ericson Acosta ang pananakot at pagbabanta sa kanila ng diumano’y mga ahente ng militar.

Inihayag ni Isaias Acosta, ama ni Ericson na nakatanggap ang kanilang drayber ng  magkasunod na  text messages noong Oktubre 24 at 25.  Nakasaad sa unang text message: ericson acosta is in danger he might get killed on all souls day please spread the news”.  Sinundan umano ito ulit ng pagbabanta sa wikang Pilipino: “please spread the news ericson acosta plano patayin sa araw ng patay. kung ndi man siya ay ang kanyang magulang n nktra sa anapolis cubao… Anonymous UST…”

“Wala kaming kaaway. Matatanda na kami. Marami na kaming sakit. Mag- ootsenta anyos na ang asawa ko ngayong Linggo. Magbi-birthday siya na nakakulong pa rin ang aming bunso. Ito pa ba ang ireregalo nila sa kanya?  Ani Isaias na 79 taong gulang na din.

Paniwala ng pamilya Acosta na ang pananakot at pagbabanta ay nanggaling sa mga ahente ng militar, dahil si Ericson lamang ang bilanggong pulitikal na nakapiit sa Calbayog Sub-provincial Jail na binabantayan ng  militar.

“Dapat isang civilian facility iyon, pero sa katotohanan nasa military detention si Ericson,” ani Isaias Acosta.

Dagdag pa ni Acosta, humingi sila ng pahintulot para sa kagyat na atensiyong medikal para sa sakit sa bato ni Erickson. Pero matapos ang tatlong buwan mula nang maisumite ang kanilang mosyon, hindi  pa rin ito naaksyunan.

Kahit umano ang pribadong mga doktor ay tumatangging bigyan ng atensiyon si Ericson. “Naiintindihan namin na natatakot sila dahil napapalibutan ng mga militar si Erickon,” pahayag ni Acosta.

Dismayado rin ang nakatatandang Acosta sa mga pahayag ni Pangulong Aquino hinggil sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, na ‘leftist propaganda’ lamang.

“Biktima ng tortyur ang anak ko at matagal na ang ilegal na pagkakakulong. Ang petisyon namin sa Department of Justice (DOJ) ay mahigit nang isang taong nakabinbin, samantalang dapat ay 60 days lamang para mag-isyu ng resolusyon,” aniya.

Tanong pa ni Acosta, “Bakit naghahamon ng tulong ang Presidente para maresolba ang mga kaso ng pang-aabuso, gayong nasa kanya na nga ang lahat ng kapangyarihan?”

“Gusto ko pong tanungin ang Pangulo: Sino ang magiging responsable kapag may masamang nangyari sa anak ko habang siya’y nakakulong at hindi gumugulong ang hustisya? Paghahamon ni Acosta.

Sabi pa ni Acosta, sa halip na katarungan, insulto at pananakot ang tinatanggap ng mga pamilya ng mga biktima.

Ganito rin ang hinanakit ng iba pang biktima ng paglabag sa karapatang pantao na naghamon sa pangulo na ilabas niya ang rekord sa pagresolba sa mga kaso.

“Kung makapagsalita si Pangulong. Aquino, para bang may nagawa na siya para sa mga biktima. Hindi siya o ang kanyang administrasyon ang tumugis sa mga maysala, kundi kami mismong mga biktima. Kung ako sa kanya, dapat niyang itigil ang pag-angkin sa mga ginawa namin para kamtin ang hustisya at magtrabaho siya,”  pahayag ni Concepcion Empeño, ina ng nawawalang estudyante ng UP na si Karen Empeño.

Para naman kay Edita Burgos  ina ni Jonas Burgos,  kawalan ng pagmamalasakit sa mga biktima ang mga pahayag ng pangulo.

“To call this propaganda and to label it leftist is the height of insensitivity to a mother who continues to search for his missing son. I stand before the Lord, who is truth Himself, in witness of this truth,” pahayag ni Burgos.   

Pangamba ni Burgos na maaring maging katwiran ang mga pahayag ng pangulo para magpatuloy ang nagaganap na mga pag-abuso.

“Dahil sa pahayag ng Malakanyang na leftist propaganda ang mga paglabag. Ibig sabihin ba nito’y hindi ko na makikita ang aking anak?”  Aniya pa.

Sa huling datos ng Karapatan, mayroon umanong 114 biktima ng  extrajudicial killings (EJK), 127 biktima ng bigong pagpatay, 70 biktima ng tortyur at 12 sapilitang pagkawala sa ilalim ng dalawang taon panunungkulan ng administrasyong Aquino.

 

Mangingisda, makakalikasan nanawagan ng moratoryo sa reklamasyon

$
0
0

Nanawagan ang mga mangingisda, makakalikasan at mga eksperto mula sa 50 organisasyon sa buong bansa na itigil ang lahat ng proyektong reklamasyon sa ilalim ng National Reclamation Plan (NRP).

Napagkaisahan ng mga grupo ang panawagan sa pamamagitan ng People’s Summit on the Impacts of Reclamation na ginanap sa Quezon City kamakailan.  Napagkasunduan din ng mga dumalo sa naturang summit na magbuo ng isang pambansang kampanya na kinabibilangan ng mga indibidwal, institusyon at mga pormasyon na naglalayong palahukin ang mga taong apektado gayundin ang lokal at pambansang pamahalaan sa isyu ng reklamasyon at pagsasaayos ng mga baybayin.

Sa kanilang unity statement, nanawagan ang mga grupo ng 10 taong moratoryo sa NRP at iba pang proyektong reklamasyon sa labas nito. Layon umano nito na mabigyan ng sapat na panahon at masusing pag-aaral ang sosyo-ekonomikong epekto ng mga naturang mga proyekto.

Idinagdag pa nila na napapanahon ang moratoryo dahil sa maraming mga pag-aaral tulad ng ginawa sa Panglao, Bohol, sa Cordova, Cebu at sa Manila Bay ang nagpapakita kung paanong nakakaapekto sa kalikasan ang mga kasalukuyang proyekto.

Hinamon din ng grupo ang Philippine Reclamation Authority at Department of Environment and Natural Resources na agad na kanselahin ang mga proyektong reklamasyon na mahigpit na tinututulan ng mamamayan

“Kailangang suportahan natin at itaguyod ang alternatibo at istratehikong pamamahala sa mga baybayin at iba pang pamamaraan na magtitiyak ng malaking pakinabang sa mga mamamayan at kalikasan”, ayon pa sa grupo.

Ang naturang summit ay inorganisa ng Center for Environmental Concerns – Philippines, PAMALAKAYA Pilipinas, Institute of Environmental Science and Meteorology sa UP Diliman, Kalikasan People’s Network for the Environment, Alliance for Stewardship and Authentic Progress, Kalikasan Party-list, Advocates of Science & Technology for the People (AGHAM), Philippine Earth Justice Center at Central Visayas Fisherfolk Development Center, Inc.

Demolisyon ‘para sa negosyo ni Ayala’, muling naantala

$
0
0

Tinangka ng mga guwardiya ng Trinoma na pigilan ang protesta ng mga taga-San Roque (Macky Macaspac)

Tinaguriang tagumpay ng mga maralita ng Sitio San Roque, North Triangle sa Quezon City ang muling pagkaantala ng demolisyon sa kanilang komunidad, matapos magbarika kaninang umaga.

Kahapon, nakatanggap ng ulat ang mga residente na itutuloy ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang matagal nang nakaambang demolisyon sa ekta-ektaryang lupain na ipapagamit ng gobyerno sa Ayala Land Corp. Mula kaninang madaling araw, binantayan ng mga residente at kanilang mga tagasuporta ang komunidad, subalit hindi dumating ang inasahang mga demolition team. Sa halip, ilang police mobile lamang ang nakitang rumoronda sa EDSA Ave. at Agham Rd.

Pagbato sa tarpaulin ng Vertis North, ang itatayong commercial establishment sa North Triangle (Macky Macaspac)

Nagmartsa ang mga residente sa Trinoma, katabing mall na pagmamay-ari ng mga Ayala, at doon nagprotesta para ikondena ang nagpapatuloy na banta ng demolisyon. Sinabuyan din nila ng pulang pintura ang tarpaulin ng Vertis North, isang commercial complex na itatayo sa Sitio San Roque. Sinisimulan na ng Ayala ang konstruksiyon ng Vertis North sa mga lugar na napilitan nang lisanin ng ilang residente.

Hinamon ni Jocy Lopez, lider ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap) sa North Triangle, si Department of Interior and Local Government Sek. Mar Roxas na tuparin ang kanyang pangako na ipatitigil ang demolisyon hangga’t hindi natitiyak ng gobyerno ang maayos na malilipatan ng mga residente.

“Wala namang nagbago sa alok na relokasyon gobyerno sa mga residente…nanatiling walang kabuhayan at malayo sa trabaho ang inaalok na pabahay sa Rodriguez, Rizal,” aniya.

Nangako si Roxas sa mga residente ng Sitio San Roque noong Oktubre 1, kanyang unang araw bilang kalihim ng DILG.

Sa ilalim ng Public-Private Partnership, ipahihiram ng gobyerno sa Ayala Land Corp. ang lupa sa Sitio San Roque (Macky Macaspac)

Taong 2010 nang unang tangkain ang malawakang demolisyon sa North Triangle, na pinigilan ng mga residente sa isang komprontasyon sa pulisya at mga demolition team. Simula noon, maraming pamilya na ang lumikas sa Rodriguez, Rizal; ngunit marami rin ang nagsibalikan sa Sitio San Roque dahil sa kawalan ng kabuhayan sa relokasyon.

Ayon sa Kadamay, “halos malinis na sa mga kabahayan” ang espasyong sinasaklaw ng 54-metro mula sa EDSA Ave. dahil sa panunuhol at pananakot ng National Housing Authority at Ayala sa mga residente simula 2010. Ngunit libu-libong pamilya pa rin ang nananatili sa lugar at nangakong hindi aalis hangga’t walang disenteng relokasyon.

Lider ng mga vendor sa North Triangle sa protesta sa harap ng Trinoma (Macky Macaspac)

Lider ng mga vendor sa North Triangle sa protesta sa harap ng Trinoma (Macky Macaspac)

Kumprontasyon ng mga residente at pulisya (Macky Macaspac)

Hidwaang Smartmatic-Dominion maaaring makagulo sa halalang 2013

$
0
0

PCOS machines na pumapalya noong nakaraang halalan, gagamitin pa rin umano ng Comelec (PW File Photo)

Naglabas ng agam-agam ang isang grupo ng mga migrante na baka mabalam ang halalang 2013 dahil sa hidwaan ng mga kompanyang magpapatakbo ng automated na pagboto.

Ayon kay Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng Migrante Partylist, naghapag ng balidong concern ang electoral watchdog na Automated Elections System Watch (AES) nang sabihin nitong maaaring humantong na paggamit ng piniratang software ang Smartmatic, ang kumpanyang nagluwal ng kagamitan para sa nakaraang halalan. Ito’y bunsod ng hidwaan ng kumpanya sa Dominion Voting Systems, ang may-ari ng software na ginamit ng mga makina ng Smartmatic.

May legal na tunggalian ang dalawang kumpanya bunsod ng termination of contract ng Dominion.

“Kailangang siguruhin ng Smartmatic at ng Commission on Elections (Comelec) sa atin bilang mga botante na makakagawa sila ng mga hakbang at mga resolusyon,” pahayag ni Bragas-Regalado. “Hindi dapat balewalain ito ng Comelec at maghayag na lang basta na matutuloy ang eleksiyon tulad ng kanilang pinlano. Ilang buwan na lang tungo sa eleksiyon, ngunit hindi pa rin naglilinaw ang Comelec kung anong software ang gagamitin ng Smartmatic.”

Dugtong niya, gagamitin ng Comelec ang mismong mga PCOS (Precinct Count Optical Scan) machines na ginamit noong halalang 2010. May mga napunang technical glitches ang mga manunuri sa paggamit ng mga makinang ito. “Anu ano ang mga maaaring mangyari sa mga makina at sa proseso ng halalan kung sakaling patuloy na hindi magbibigay ng software ang Dominion?” tanong ni Bragas-Regalado.

Dagdag na kritisismo ng Migrante Partylist ang “business-as-usual” na postura ng Smartmatic sa kanilang kasalukuyang sigalot, at ang maaaring maging mga epekto nito sa halalan.

“Karapatan ng mamamayang Pilipino ang pagkakaroon ng malinis na halalan. Magsimula tayo sa pamamagitan ng paghingi ng paglilinaw (transparency) at isang alternatibong balangkas mula sa Comelec sa isyu na ito,” pagtatapos ni Bragas-Regalado.

Tuluy-tuloy ang 2012 Reel Gate International Film Festival ni Jowee Morel sa London

$
0
0

Wala nang makakapigil pa sa pagdaraos ng kauna-unahang Reel Gate International Film Festival sa London na inorganisa ng kontrobersyal at nakakaintrigang Fil-Briton filmmaker na si Jowee Morel ng mga obrang “Moma,” “Ec2luv,” “Mga Paru-Parong Rosas (Pink Butteflies),” “Mona, Singapore Escort,” “When a Gay Man Loves,” “Latak (Residue),” “HiStory,” “Moving Dreams,” “Strictly Confidential” at ng katatapos lang na “Leona Calderon” ni Pilar Pilapil kasama ang premyadong British at Hollywood actress na si Virginia McKenna.

Siyam na pelikulang Pilipino ang ipapalabas sa st Reel Gate International Film Festival tulad ng “Happyland” at “Tribu (Tribe)” ni Jim Libiran, “Bisperas (Trespassers)” ni Jeffrey Jeturian,” “Ang Babae sa Septic Tank (The Woman in the Septic Tank)” ni Marlon Rivera, “Rindido (Rage)” ni Noriel Jarito, “Ang Bangka Ha Ut Sin Duwah Sapah (The Boat Between Two Rivers)” ni Sigfreid Barros-Sanchez, “Manila Kingpin The Asiong Salonga Story” ni Tikoy Aguiluz, “Thelma” ni Paul Soriano at “MNL 143” ni Emerson Reyes.

***

Sa short films naman ay nand’yan ang “Balut ni Mang Roger (Mang Roger’s Balut)” ni Thop Nazareno, “Ang Paghihintay ng Bulong (Waiting to Whisper)” ni Sigrid Andrea P. Bernardo, “Pasahero (Passenger)” ni Mario Celada, “Choices” ni Djonny Chen, “Sikreto (Secret)” ni Ronald Batallones, “Ulian (Senility)” ni Chuck Gutierrez, “Hidden Thoughts” ni Mustafa Boga, “Kanluran (The Dusk)” ni Silver Belen, “Can’t Get Past” at “Underwear” ni Iva Madeira.

Talagang pinagpaguran namin ni Jowee ang pangangalap ng mga pelikulang ‘yan para ihatid sa mga manonood sa London.

Ang inyong lingkod ang Philippine Registrar ng proyekto kaya naman nagpursigi kami ni Morel na magtagumpay ang simulaing ito.

“Sa mga international film festival kasi, mas madalas, walang kinikita ang mga producer at filmmaker.

“Dito sa Reel Gate, gusto ko namang kumita ang mga tulad ko kasi alam ko kung paano magprodyus ng pelikula,” wika ni Jowee.

***

Mabuti at may mga taong tumutulong sa pagtatanghal na ito ng Reel Gate at ilan lang d’yan si Yvonne Benavidez, kilala rin sa tawag na Tita Mega C.
Gayundin, ang Habagat Band na magkaka-show sa ika-25 ng Nobyembre, 2012 sa Metro Bar at ang Hello Philippines sa London at ang Pinoy Radio UK na namamayagpag ang palatuntunan namin ni Jowee na “Well, Anyway” tuwing Sabado ng gabi, alas nuwebe hanggang alas onse.

Nagkaproblema nga si Morel ilang araw bago ang pagtatanghal ng mga pelikula sa Riverside Studios sa Hammersmith sa London.

Alam ba ninyong nang panoorin ni Jowee sa Riverside bilang pagti-testing ng mga pelikula ang obra ni Jeffrey na “Bisperas” ay may “violator” ito.

Ano ang “violator”?

Ang violator sa kopya ng pelikula ay ang watermark o yaong mga teksto na karaniwan ay nagsasaad na “For Special Viewing Only” o “For International Film Festival Viewing Only” o “For Special Preview Only.”

Nakakahiya ito pag ipinalabas dahil hindi malinis at parang nanloloko ng mga manonood dahil nagbabayad naman ang mga ito.

***

Ayon kay Jowee, nag-panic siya dahil ilang araw din ang gugugulin para ipadala ang bagong kopya ng pelikula sa London?

Hindi agad napanood ni Morel ang obra ni Jeturian dahil masyado siyang abala sa paghahanda sa London samantalang wala naman siyang katulong sa preparasyon ng isang international film festival na tulad nito.

Kung may tumutulong man ay ilan lang at depende sa oras at pagkakataon.
Nag-panic muli si Jowee.

Mabuti na lamang at may handa ang Quantum Films na malilinis na kopya ng “Bisperas” at “Ang Babae sa Septic Tank” at hindi na namin ipina-courier ni Morel kundi ipinalabit na lamang namin kay Tita Mega C at kay Randy Nonato na nakatakda ring pumunta sa London upang makiisa sa pagdiriwang.

Pag-alala sa desaparecidos

$
0
0

Kahit hindi nila tiyak kung buhay o patay na ang kanilang mga mahal sa buhay, ginunita ng mga kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala o desaparecidos ang araw ng mga kaluluwa.

Sa loob ng bakuran ng simbahan ng Baclaran nagtipon-tipon sila, dala ang mga larawan ng mga biktima, nag-alay ng bulaklak, panalangin at nagtulos ng kandila. Bukod sa panalanging makita ang kanilang nawawalang mga kaanak, panalangin din ng mga kaanak na mabigyan ng katarungan ang sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay.

“Wala kaming mapupuntahang libingan, na pag-aalayan ng bulaklak at kandila para sa aming mga mahal sa buhay, dahil hindi namin sila makita,” ani Lorena Santos, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Desaparecidos, isang grupo ng mga kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala.  Anak si Santos ni Leo Velasco, isang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines  (NDFP) na dinukot noong 2007 at hanggang sa ngayon’y nawawala.

Binatikos din ng mga kaanak ang tila pagsasawalang-bahala ni Pangulong Aquino sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, matapos sabihin ng pangulo na “propaganda lamang ng kaliwa” lamang ang mga paglabag.  “Tinalikuran na nga kami ni Noynoy, ininsulto pa niya,” sabi ni Santos.   Sinabi rin ni Santos na walang katumbas na sakit ang mawalan ng mahal sa buhay at hindi makita, laluna’t taon ang binibilang ng mga kaanak na naghahanap sa kanilang mga kaanak.

“Masakit mawalan ng kamag-anak, pero mas masakit na wala kaming mapuntahan kundi ang mga kapwa kaanak ng iba pang biktima.  Wala kaming ibang pagsusumbungan, dahil  iyong mga militar at pulis sila mismo ang dumukot sa aming mga kaanak,” sabi pa ni Santos.

Taun-taun tuwing undas, nagtitirik ng kandila ang mga kaanak ng desaparecidos sa harap ng larawan ng kanilang nawawalang mga mahal sa buhay. (Macky Macaspac)

Taun-taun tuwing undas, nagtitirik ng kandila ang mga kaanak ng desaparecidos sa harap ng larawan ng kanilang nawawalang mga mahal sa buhay. (Macky Macaspac)

Isa si dating heneral Jovito Palparan sa itinuturong mga salarin sa pagkawala ng mga estudyanteng sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno.  Malaya pa rin ang dating heneral sa kabila ng pabuyang inilaan ng Department of Justice (DOJ) para sa paghuli kay Palpara, at patuloy na umaapela ang heneral sa mga korte para patigilin ang pagdinig sa kasong kidnapping na isinampa ng mga kaanak sa Bulacan.

“Dini-deny niya lahat ng akusasyon sa mga militar, pero alam namin na siya ang berdugo,” sabi ni Concepcion Empeno, ina ni Karen.  Nalulungkot din si Empeno dahil lumalaki ang kanilang organisasyon, na ang kahuluga’y pagdami ng miyembro ang  pagdami rin ng biktima.

“Sa isang organisasyon tama lang na dumami ang miyembro. Pero sa amin po, please mabawasan ang mga dinudukot at pinapatay,” ani Concepcion.  Kasabay kasi ng kanilang paggunita ang ikatlong pangkalahatang asembliya ng Desaparecidos at nilahukan ng mga kaanak ng mga biktima mula sa Panay, Caraga, at mga rehiyon ng Timog at Gitnang Luzon.

Hamon ng grupo  kay Aquino na agarang lagdaan ang Anti-Enforced Disappearance Bill. “Titiyakin namin sa pangulo na hindi kami titigil sa aming ‘propaganda’ para iparating sa publiko na ang sapilitang pagkawala ay patakaran ng gobyerno. Gayundin, patuloy kaming maghahanap sa aming mga mahal sa buhay para ibigay ang katarungan na hindi nagawa ni Aquino,” sabi pa ni Santos.


Bakit hindi pwede ang retro na musical sa pelikulang Filipino?

$
0
0

rebyu ng I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila! (Chris Martinez, 2012)

 

Mahirap ang musical na genre dahil ito ay may self-reflexive na naratibo: ang mga musical scene ay tutungo sa paggawa ng grand musical production number sa pagtatapos ng pelikula.  Ito ang kanyang cause for being, at ganito dadaloy ang kanyang mga kaganapan, tungo sa climactic closure.

Ang problema sa I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila! ay mas halaw sa television show na Glee na nagpalaganap ng musical format na bigla na lamang magsi-sing-and-dance routine nang walang probokasyon dahil assumed na mangyayari ito sa akulturasyon ng manonood sa mismong palabas.  Novelty ang Glee at fade-out na ito dahil nga naumay na ang manonood, kahit pa tinangkang magkaroon ng akesoryang reality TV na magtutuklas ng bagong losers para sa palabas.

Kaya ang I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila! ay may look-and-feel na small screen. Walang grand panorama na inaasahan sa musical, maging sa Chicago (Rob Marshall, 2002), Evita (Alan Parker, 1996), o ang napipintong pagbabalik ng Les Miserables (Tom Hooper) ngayong taon. Ang scope ng mga Hollywood musical ay malawak at breathtaking.  At hindi rin masama na nagkaroon na ng matagumpay at kritikal na Broadway run ang mga natransformang dula sa pelikula.

Ayon sa release, ang peg ng producer, si Tony Gloria, ay Mamma Mia! (Phyllida Llyod, 2008) na humalaw sa musika ng ABBA.  Ang I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila! ay tila mayroon ganoon ding potensyal, pero walang campy-ness na sambit sa Mamma Mia! at ABBA—na ang magsintang irog na pinaghihiwalay ng kanilang mga magulang ay papaloob sa alam-mo-namang-fake na musical interludes para isiwalat ang akwardness at fit ng kanilang pinagdadaanan.

Ang nangyari sa I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila! ay serye ng kontextual na retro pero walang retro (camp) na pakiwari. Una, ang musika ng Apo Hiking Society ay isang pangunahing daluyan ng wholesome variety na OPM (Original Pilipino Music). Ang musika nito ay hummable young love, sweet love exploits at growing up, kontrapuntal sa rock scene na trippy, degeneratibo at wazak lang.  Paano gagawing campy ang ballads, na kumbaga sa karaoke, wala kang maiisip na variation sa pagpasok ng kulay sa lyrics at sapilitang pagsabay sa kumpas at tono ng inaawit?

Ikalawa, ang popularidad ng Hollywood musical film at theater ay pumasok sa bansa para sa regular na manonood nito, ang Class AB na may abominasyon sa pelikulang Filipino, lalo na ang komersyal na pelikula. Ang pagpasok pa ng musical theater ay sa panahong pasarado na ang mga ito sa Broadway at West End. Ibig sabihin, ang maykayang niche audience sa bansa ang inaasahan ng global na kultural na produkto na bigyan ng after-life ang mga bangkay na kultural na relik ng Kanluran.

Eugene Domingo sa musical na pelikulang "I Do Bidoo Bidoo"

Eugene Domingo sa musical na pelikulang “I Do Bidoo Bidoo”

Ikatlo, ang cast (ang magkatunggaling magulang na ginampanan ng marahil, pangalawang henerasyon ng OPM artists, Zsazsa Padilla, Gary Valenciano at Ogie Alcasid) na tila nagpapahiwatig ng self-reflexive na patungkol sa OPM history ay hindi naman nabigyan ng komplexidad maliban sa pagiging pangunahing hadlang sa juvenilia love.  Sa katunayan, maging ang cameo ng tatlong kasapi ng Apo sa katapusan ng pelikula ay wala rin namang rehistro dahil kulang ang rekognisyon ng mga ito sa kabataang manonood.

Ang potensyal ng komersyal na pelikulang Filipino ay nakapagdaragdag ito ng lokal na idioma sa global na medium ng pelikula.  Nagawa ito sa paglipana ng OCW (overseas contract worker) film noong 2000s, o ng romantikong komedi sa kasalukuyan, maging ng mga orihinaryong lokal na horror film (hindi ang sapilitang pa-Asian horror mode).  Kung tutuusin, ang anumang pagtatangka na mag-peg sa matagumpay na Hollywood o Asian cinema na genre o pelikula ay “always already” retro—dated na ito, walang katiyakan na maililipat ang komersyal na reprodyusebilidad  sa lokal na bersyon.  Relatibong mas matagumpay ito sa free television na hindi kailangang magbayad ng mayoryang manonood nito, ang Class CDE na walang lubos na kakayahang manood ng sine.

Kapag isiniksik pa ang lahat ng pwedeng magbigay ng referensiya sa tinutumbok ng pelikula, naiibsan hanggang sa malusaw ang self-referentiality nito, na integral lalo na sa musical genre.  Tulad ng pagkasiksik ng lahat ng pwedeng maisiksik na hits ng Apo, hindi nostalgia ang dating kundi pagkamanhid sa panahon, espasyo at pagkataong nais masambit ng pelikula.

“Charming” ang karaniwang polite na remark kapag tinanong kung ano ang palagay sa pelikula, na marami naman ang pakahulugan: small, tight, pero hindi umangat.  Ang integral sa charm ay ang kakayahang makapagpaunlad ng imahinaryong pagsasamahang hindi pa nasilayan sa maraming pelikulang natunghayan.  Hindi nga ba’t sinabi na rin ng lyrics ng Apo (“Awit ng Barkada”) na siya pa ring tagline ng pinakapopular na Pinoy na global na produkto, ang San Miguel Beer:

Kung hahanapin ay kaligayahan
Maging malalim o may kababawan,
Sa iyo ay may nakalaan
Kami’y asahan at huwag kalimutan
Maging ito ay madalas o minsan
Pagkat iba na nga ang may pinagsamahan

Gawin nating print ang broadcast entertainment news copy tungkol kay Vilma Santos atbp.

$
0
0

Ang mga sumusunod ay ang hindi namin nagamit na entertainment news na babasahin sana namin sa pagkahalili kung sakali sa kontrobersyal at nakakaintrigang Fil-Briton filmmaker na si Jowee Morel sa Pinoy Radio UK, isang cyberspace radio station sa programang “Well Anyway” na isinasahimpapawid tuwing Sabado, alas nuwebe hanggang alas onse ng gabi sa Pilipinas pero naririnig sa iba’t ibang panig ng mundo sa iba’t ibang oras at araw din:

Magandang araw, world…

Kung saanman kayo naroroon, mga kaibigan, happy listening po sa inyong lahat…

Araw man o gabi sa kinalalagyan ninyo, welcome kayong lahat sa programang ito ni Jowee Morel kasama ang inyong lingkod, si Boy Villasanta po, sa “Well, Anyway”…

At sa mga pangunahing ulat po natin sa mundo  ng showbiz sa Pilipinas at sa buong daigdig…

Narito na po ang “Top of the Week”…

Narito po ang mga nangungunang balita…

Vilma Santos, nagdiriwang ngayong araw na ito ng kanyang birthday sa Hong Kong…

Pagbubukas ng 2012 Reel Gate International Film Festival sa London, matagumpay…

Delegasyon ng pelikulang “Leona Calderon” para sa 12th Gwangju International Film Festival sa Gwangju City, sa South Korea, handang-handa na…

Paggunita sa mga artistang namayapa, isinagawa ng buong Pilipinas…

At Cristine Reyes, kaaway umano ang isa pang kapatid nang dahil sa utang?…

At sa mga kabuuang ulat po natin, mga kaibigan…

***

Sa mga sandaling ito ay ipinagdiriwang ni Vilma Santos ang kanyang kaarawan sa Hong Kong…

Lumipad ang aktres sa Chinese territory noong All Saints Day kasama ang kanyang mister na si Ralph Recto, isa ring senador ng Pilipinas at ang kanilang anak na si Ryan Christian…

Maraming movie press ang nanghinayang dahil nais pa naman nilang sorpresahin sa pagdalaw nila sa Batangas ang nag-iisang Star for All Seasons sa kaarawan nito ngayon…

Isa ang beteranang peryodistang pampelikulang si Alice Vergara sa naghangad na mapuntahan at batiin ng Happy Birthday si Vilma sa Batangas pero napag-alaman nga ni Alice na nasa Hong Kong ang aktres…

Matagal nang balak ni Santos na sa Hong Kong naman magdiwang ng kanyang kaarawan pero wala siyang panahon nang dahil sa dami ng trabaho sa showbiz at sa kanyang pamamalakad sa buong Lalawigan ng Batangas…

Gayunman, nang matunugan niyang apat na araw ang bakasyon ngayong unang linggo ng mga araw ng Nobyembre, nagpasya ang aktres na tumungo sa Hong Kong at magpahinga kahit sandali…

Isang pampamilyang pagtitipon lang ang gagawin ni Ate Vi sa Hong Kong para ipagdiwang ang kanyang ikalimampu’t siyam na taon sa mundo…

Pero pagbalik niya sa Pilipinas ay maghahanda rin siya para sa kanyang mga kababayan sa Batangas at kung may pupuntang mga taga-showbiz ay kanyang bukas-palad na tatanggapin…

***

Samantala, matagumpay ang pagbubukas ng 2012 Reel Gate International Film Festival sa London kagabi…

Nagsimula ang pagdiriwang sa takdang oras sa gitna ng mga problema sa okasyon kabilang ang hindi malinis na kopya ng pelikulang “Bisperas” ng premyadong direktor na si Jeffrey Jeturian…

Nadiskubre kasi ng Festival Organizer at Director at ang main host ng programang ito na si Jowee Morel ilang araw bago ang opening night na may “violator” o “watermark” ang DVD copy mula sa Quantum Films ni Atty. Joji Alonso sa Pilipinas…

Nang i-testing na ni Jowee ang lahat ng pelikulang kalahok, at nang isalang na ang “Bisperas” sa DVD projector sa Riverside Studios sa Hammersmith sa London ay natuklasan niyang may nakasulat ditong “For International Film Festival Viewing Only”…

Nag-panic noon si Morel pero nagawan naman ng paraan at naipagbigay-alam agad sa amin sa Pilipinas ang problema kaya nakipag-ugnayan kami sa Quantum Films at nabigyan kami ng mga bagong kopya na walang “violator” at “watermark” ng pelikula kasama ang kopya ng pelikulang “Ang Babae sa Septic Tank”…

Gayunman, hindi pa rin nakahinga nang maluwag si Jowee nang wala pa sa kanyang mga kamay ang mga DVD copy…

Naibsan lang ang kaba ni Morel nang dumating na sa London sa araw mismo ng 1st Annual Reel Gate International Film Festival ang isa sa mga sponsor ng proyekto na si Yvonne Benavidez, kilala rin sa tawag na Tita Mega C kasama ang cohost ni Marissa del Mar sa AksyonTV na si Randy Nonato…

Sinalubong pa ni Jowee sina Tita Mega C at Randy sa London Heathrow Airport at doon lang nakahinga nang maluwag ang kontrobersyal na Fil-Briton filmmaker…

Si Tita Mega C ang Ambassador of Charity ng Reel Gate na magbibigay ng mga donasyon sa mga social welfare institution sa London at sa iba’t ibang bahagi ng mundo…

Ngayon ay patuloy pa ang pagdiriwang ng Reel Gate International Film Festival hanggang sa ika-4 ng Nobyembre…

Samantala, nanghihinayang ang prodyuser ng Scenema Concept International na si Maylyn Villalon Enriquez dahil hindi niya naasikaso ang visa para sa London para makibahagi sa Reel Gate bilang prodyuser ng “Manila Kingpin The Asiong Salonga Story” na ipapalabas bilang closing film sa November 4…

***

Hindi naman magkandaugaga si Pilar Pilapil sa paghahanda para sa kanyang pagpunta sa ikalabindalawang taon ng Gwangju International Film Festival sa Gwangju City sa South Korea…

Ngayon pa lang ay abala na si Pilar sa paghahanda sa makasaysayang paglahok ng kanyang pelikulang “Leona Calderon” na tungkol sa isang Overseas Filipino Worker sa London na nagkasakit ng uterine cancer pero hindi malaman ang gagawin kung uuwi sa Pilipinas para makapiling ang kanyang mga mahal sa buhay pero mauubos ang kanyang naipong pera o mananatili siya sa London dahil sa libreng medikasyon sa pamamagitan ng national insurance bagamat mangungulila siya sa kanyang pamilya…

Papunta si Pilapil sa Gwangju sa Biyernes, ika-8 ng Nobyembre kasama ang direktor ng pelikula na si Jowee Morel at ang isa pa sa mga prodyuser ng pelikula na si Andy Villalba…

Opening film sa Gwangju ang “Leona Calderon” kalaban ang iba pang sampung pelikula mula sa iba’t ibang panig ng daigdig…

Ginawa lahat ng Programming Supervisor ng Gwangju International Film Festival na si Cho Pock-rey ang lahat para maging opening film ang “Leona Calderon”…

Ang isa sa mga makakatunggali ni La Pilapil sa pag-arte bagamat walang timpalak na Best Actress ay ang isa sa mga bida ng pelikulang “The Joy Luck Club” na si Kieu Chinh para sa pelikulang “Pearls of the Far East” mula sa Vietnam at Canada sa direksyon ni Cuong Ngo…

May igagawad na parangal at ito ay ang Kim Dae-Jung Nobel Peace Prize Film Award sa natatanging pelikula at direktor na sumasalalim sa pangangalaga ng karapatang-pantao, kalayaan at demokrasya at pagmamahal sa kalikasan…

Ang parangal ay pagkilala at paggunita sa pakikipaglaban ni Kim Dae-Jung sa military dictatorship ni Park Chung-hee…

Naging presidente ng South Korea si Kim Dae-Jung noong 1999 samantalang iginawad naman sa kanya ang Nobel Peace Prize noong year 2000…

***

Ginunita naman sa buong Pilipinas ang All Saints Day at bahagi nito ay ang pagbibigay-puri sa mga kaluluwa ng mga yumaong bituin sa pelikula…

Maaga pa nga ay dumalaw na si Susan Roces sa libingan ni Fernando Poe, Jr. sa Manila North Cemetery kasama ang kanyang anak na si Mary Grace Poe…

Mistulang mga matinee idols ang mag-ina dahil sa napakaraming nagmamahal sa kanila hanggang ngayon…

Punung-puno ng fans ang sementaryo sa kanilang pagdating…

Samantala, dumalaw naman si Lorna Tolentino sa puntod ni Rudy Fernandez sa Heritage Park and Crematory sa Taguig City samantalang ang kalapit na puntod ni Rudy na kay Mang Dolphy ay dinalaw ng kanyang mga anak at mga apo…

Nauna nang dumalaw noong Martes si Zsa Zsa Padilla para anya’y ligtas siya sa dami ng tao…

Nagtungo naman si Joseph Estrada sa San Juan Cemetery kasama ang kanyang mga kapatid kabilang si Jesse Ejercito para dalawin ang libingan ng kanilang kapatid na si George Estregan at ng kanilang magulang…

Nagtungo rin si ER Ejercito sa sementeryo bago niya tanggapin ang Gawad Amerika sa Estados Unidos kasama ang kanyang pinsang-buong si Jinggoy Estrada…

Bukod kina ER at Jinggoy, pinarangalan din ng Gawad Amerika sa Hollywood si Lance Raymundo dahil sa pagiging creative nito…

Sa lahat ng mga taga-showbiz na kumilala sa kanilang mga namayapa nang mahal sa buhay, mabuhay kayo…

***

Dumako naman tayo sa ibang balita…

Mukhang nababansagan na si Cristine Reyes na nakikipag-away nang dahil sa utang…

Hindi sa ibang tao kundi sa kanyang sariling mga miyembro ng pamilya…

Kalat na kalat ngayon ang balitang hindi lang si Ara Mina ang kanyang kagalit nang dahil sa utang kundi ang iba pa niyang kapatid…

Bagamat nais na ni Cristine na makasundo si Ara nang dahil sap era ay may isa pa silang kapatid na hindi umano kasundo ni Reyes nang dahil sa pera…

Magkakampi na umano si Ara at ang isa pang kapatid nila laban kay Reyes dahil naniningil na umano ng kanyang pautang ang mas nakababatang seksing aktres…

Hanggang ngayon ay hindi pa nagkakaayos sina Reyes at Mina nang dahil sa demanda ng huli sa kanyang kapatid na may kaugnayan din sa salapi…

Ayon sa malalapit sa dalawang aktres, hindi titigil ang dalawa para patunayang isa lang sa kanila ang nagsasabi ng totoo…

At ‘yan po ang mga kabuung kuwento sa ating Top of the Week…

Magkita-kita at magkarinigan po muli tayo sa isang linggo para sa mga pinakasariwa, pinakabago, pinakamaiinit na balitang panshowbiz sa Top of the Week…

At sigurado kaming kasama na natin sa mga pagkakataong ‘yon si Jowee Morel…

Malay Niya kay Maita

$
0
0

Love is chilled by the value
that the ego places on itself.
– Theodor Adorno

 

Gaya ng ipinakita ng kakatapos na Araw ng mga Patay, malaki ang pagpapahalaga nating mga Pilipino sa mga yumao na. Isang halimbawa rin ang pag-iwas nating magsabi ng mga negatibong bagay tungkol sa mga kakamatay lang – kahit pa nga, sa ilang pagkakataon, katuli-tuligsa talaga ang namatay.

Pero hindi kasama diyan ang mang-aawit na si Heber Bartolome, na sa “Music, Martial Law and Maita Gomez,” ay nagbitiw ng mga negatibong komentaryo tungkol sa dati niyang asawang nasa titulo ng artikulo. Hindi rin ang manunulat na si Eric S. Caruncho, na buong giliw na nagsulat ng sanaysay. At hindi rin ang Sunday Inquirer Magazine, na naglathala ng naturang mahabang artikulo nitong Setyembre, sa edisyong laan sa paggunita sa ika-40 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar.

Tawag-pansin ang pambungad ni Caruncho, ibang bagay pa kung makatotohanan. Inaamin na raw ng Communist Party of the Philippines ang pagbomba sa Plaza Miranda noong 1971 at ang mga “pagpurga” ng huling hati ng dekada ’80, kaya ang natitirang “misteryo” na lang ng Kaliwa ay kung paano nagkatuluyan sina Heber at Maita. Mariing itinatanggi at hindi inaamin ng CPP ang pagbomba, at nagpupuna ito sa sarili at hindi itinatanggi ang tinatawag ni Caruncho na “pagpurga.” Iba rin si Caruncho: para ibenta ang sariling sulatin, nakipagkoro pa sa paninira sa Kaliwa.

Pero agad ginawang tiyak ni Caruncho ang layunin ng sanaysay: hindi lang ang ikwento ang pag-iibigan at pagsasama nina Heber at Maita kundi ang pamosong paghihiwalay na kinahantungan nito. Inakusahan daw ni Maita si Heber ng “domestic abuse” – na maraming pakahulugan, simula pambubugbog hanggang pananakot at pandodomina – nang maghiwalay ang dalawa noong 1984. “Ngayon, pagkakataon na ni Bartolome na magsalita,” taimtim na deklarasyon ni Caruncho. Ngayon nga namang patay na si Maita at hindi na maipapaliwanag at maipagtatanggol ang sarili.

Kung makapagbida si Heber sa artikulo, akala mo, siya si John Lloyd Cruz. Nagkakilala raw sila ni Maita sa isang safehouse sa Bulacan kung saan nagtipon ang mga tagahanga niya. Sabi niya, “Iniwan [ni Maita] ang kabundukan para makasama ako. Naging instrumento ako para makabalik siya sa normal na buhay.” Nagseselos daw si Maita at nang minsang gumawa siya ng kanta para sa isang dating karelasyon, nagalit si Maita at tinapakan ang tanging nakarekord na kopya ng kanta. Kung bakit niya ginawa iyun noong mag-asawa na sila ni Maita, hindi niya ipinaliwanag.

Asal-mayaman si Maita, makamasa si Heber, at naapi si Heber. Ito ang isang paliwanag ni Heber kung bakit naghiwalay sila ni Maita. Kesyo de-uniporme ang mga katulong sa bahay ng nanay ni Maita at “señora” ang tawag nila kay Maita at “señorito” sa mga bata. Kesyo naglalagay ng pasas sa ulam sina Maita, bagay na hindi matagalan ni Heber dahil nakagawian niyang pampyesta lang ang mga ito – kahit pa ang totoo’y mura na lang ang mga ito. At kesyo nagbabasag ng gamit si Maita kapag nagagalit – na gawi lang ng mayayaman, hindi ng mahihirap ayon kay Heber.

May mabubuting salita naman si Heber tungkol kay Maita. Una, “matangkad na magandang babae” – bagay na alam ng lahat, nagpapakita ng paimbabaw na pagkilala, at pagpapakilalang kinabwisitan noon ni Maita. Ikalawa, para raw si Gautama Buddha si Maita, nagimbal sa karalitaan at nakipamuhay sa mahihirap. Marami nang pumuri sa pakikisangkot sa lipunan ni Maita bilang aktibista at gerilya, at mayroong mas magagandang paliwanag kaysa sa inihain ni Heber.

Pagdating sa pagiging asawa at ina ni Maita, bagay na aasahang may bagong masasabi si Heber, ganito ang pagsusuri niya: “May problema ang mga Gemini sa mga pigura ng awtoridad,” aniya, at “nagdulot ito ng kawalan [ni Maita] ng kakayahang magsustine ng mga relasyon sa mga lalake,” paliwanag ni Caruncho. Ipinapaalala ng pahayag nila ang kalakarang kasing-tanda siguro ng mga bituin at horoscope: ang lalake ang siyang awtoridad sa relasyon at ang babae ay dapat tumalima lang sa lalake. Malinaw ang pahayag ng dalawa: Si Maita ang may problema.

Umamin din naman ng kahinaan si Heber: “Ang isang pinakamalaking kabiguan ko sa buhay ay hindi ko napalaki ang dalawang anak kong lalake.” Pero ang kahinaan niya, gaya ng alam ng lahat, ay pinunuan ni Maita: Si Maita ang nagpalaki sa dalawang anak ni Heber, na ayon sa artikulo’y naging “mga alagad ng sining, manunulat at guro.” Pero sa bahaging ito, sa pagkilala sa pagpapalaki ni Maita sa kanyang mga anak, walang mabuting salita si Heber, lalong walang pasasalamat.

Sa dulo, sabi ni Heber, “Galing kami sa magkaibang uring panlipunan. Nagkapareho kami sa pagtatanggol sa mahihirap, pero pagdating sa pagrerelasyon, hindi kami bagay sa isa’t isa.” Nyutral ang pagtatapos sa artikulong negatibo ang paglalarawan kay Maita. Sa kabila nito, halos tatlong dekada matapos nilang maghiwalay ni Maita, nagagawa pa rin ni Heber na sabihin ang ganito, hindi maubos-maisip ang kahit anong kahinaan: “Hindi ko talaga makita kung bakit siya nagalit sa akin.”

07 Nobyembre 2012

Larawan: Panukalang batas para sa Filipino Sign Language, itinulak sa Kamara

$
0
0
Silent mob: Idinaan ng mga kalahok sa demonstrasyon sa pagpito ang kanilang panawagan para sa agarang pagpasa ng House Bill 6079 ng ACT Teachers Party-list. Layunin ng panukalang batas na gamitin ang wikang Filipino sa sign language sa mga eskuwelahan, ahensiya ng gobyerno at iba pang lugar. Ang raling ito ng mga may kapansanan sa pandinig ay isinagawa sa harap ng Batasan Pambansa sa muling pagbubukas ng Kamara noong Nob. 5. (Macky Macaspac)

Idinaan ng mga kalahok sa demonstrasyon sa pag-iingay sa pamamagitan ng kanilang mga pito ang panawagan nila para sa agarang pagpasa ng House Bill 6079 ng ACT Teachers Party-list. Layunin ng panukalang batas na gamitin ang Filipino Sign Language sa mga eskuwelahan, ahensiya ng gobyerno at iba pang lugar, sa halip na sign language na mula sa dayuhang mga bansa. Ang raling ito ng mga may kapansanan sa pandinig ay isinagawa sa harap ng Batasan Pambansa sa muling pagbubukas ng Kamara noong Nob. 5. (Macky Macaspac)

Nagmartsa patungong Batasan Pambansa ang iba't ibang grupo ng mga may kapansanan tulad ng Philippine Deaf Resource Center, Philippine Federation of the Deaf, Support and Empower Abused Deaf Children, DLSU-St. Benilde School of Deaf Education and Applied Studies, Philippine National Sign Language Interpreteers at iba pa, para itulak ang pag-apruba sa panukalang batas na House Bill 6079 o Filipino Sign Language Act na ipinanukala ni Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers' Party-list.  (Macky Macaspac)

Nagmartsa patungong Batasan Pambansa ang iba’t ibang grupo ng mga may kapansanan tulad ng Philippine Deaf Resource Center, Philippine Federation of the Deaf, Support and Empower Abused Deaf Children, DLSU-St. Benilde School of Deaf Education and Applied Studies, Philippine National Sign Language Interpreteers at iba pa, para itulak ang pag-apruba sa panukalang batas na House Bill 6079 o Filipino Sign Language Act na ipinanukala ni Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers’ Party-list. (Macky Macaspac)

Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa isyu ng mga may kapansanan sa pandinig at sa paggamit ng Filipino sign language, sumangguni sa sumusunod:

FAQs for the Deaf Rrally for FSL

DWDS Statement of Ssupport for Passage of HB for Deaf

APWLD Solidarity Statement

Online Petition para sa HB 6079

Teksto ng HB 6079 ng ACT Teachers Party-list

Myths and Misconceptions about Filipino Sign Language (mula sa DLS-CSB)

Gunitain

$
0
0

gunitain
silang binaril sa bunganga
silang pinutulan ng dila
dahil isiniwalat
mga lihim at hiwaga
sa palasyo ng mga pinagpala.

gunitain
silang minaso ang kamay
silang pinutulan ng daliri
dahil isinatitik
nanlilisik na katotohanan
sa bulok-inuuod na lipunan.

gunitain
silang dinukit ang mata
silang nilaslas ang tainga
dahil nakita mukha ng inhustisya
at malinaw na narinig
tinig ng pagsasamantala.

gunitain
silang nilagari ang tuhod
mga buto ay dinurog
dahil ayaw lumuhod
sa altar na maalindog
ng diyus-diyosang nabubulok.

gunitain
silang kinuryente ang bayag
silang nginatngat ang utong
silang pinainom ng ihi
sa inodoro’y inginudngod
dahil ayaw manikluhod.

gunitain
silang pinugot ang ulo
sinikaran-pinagulong
sa dalisdis ng kabundukan
dahil utak laging kumukulo
laban sa uring gahaman-palalo.

gunitain
silang isinimento sa dram
ipinalamon sa pusod ng karagatan
dahil di mapigilan sa pakikilaban
para sa isang mapayapa
maunlad-demokratikong lipunan.

oo, gunitain silang lahat
silang nagsipag-alay ng dugo’t buhay
sa panahon ng kanilang paglalakbay
silang “nangabuwal sa dilim ng gabi”
habang mga alitaptap ay naglalamay
at nananaghoy ang gaplatong buwan.

gunitain, oo gunitain
silang dalisay ang mithiin
silang busilak ang layunin
silang hagupit ng dusa’t panimdim
at unos at ulos ng dilim at lagim
sagradong ninasang ganap na pawiin.

lahat sila’y gunitain
mga alaala nila’y petalya ng apoy
malagablab na tatanglawan
puso natin at isipan
upang brilyanteng magluningning
bilyong mga bituin
sa landas nating tatahakin
hanggang matupok ang kumot ng dilim
at iluwal ng araw ang hustisya sosyal
progreso’t demokrasyang tunay
sa niwakwak na tiyan ng mga gahaman
sa la tierra pobrezang pinakamamahal!

Anak ng tagapagsalita ng CPDF inaresto, nawawala

$
0
0
Simon "Ka Filiw" Naogsan, tagapagsalita ng CPDF. (PW File Photo)

Simon “Ka Filiw” Naogsan, tagapagsalita ng CPDF. (PW File Photo)

Inaresto ng mga pulis sa Baguio City ang anak ni Simon “Ka Filiw” Naogsan, tagapagsalita ng Cordillera Peoples Democratic Front (CPDF), rebolusyonaryong organisasyon ng mga kautubo na kaanib ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Hanggang sa pagkakasulat ng artikulong ito, walang kampo o yunit ng pulis o militar ang umaamin na dumukot kay Grayson Naogsan.

Ayon sa Cordillera Human Rights Alliance (CHRA), inaresto si Naogsan habang nagkakape noong Nobyembre 5 sa  isang mall sa Baguio City.  Nagpakita umano ng warrant of arrest ang mga pulis habang palihim na tinututukan ng baril si Naogsan.

“Pinosasan siya at inihiwalay sa kanyang mga kasama at sinabing dadalhin nila si Naogsan sa Camp Allen,” pahayag ni Jude Baggo, pangkalahatang kalihim ng CHRA.

Sinabi pa ni Baggo na tumawag ang asawa ni  Naogsan sa cellphone niya at sinabing nasa labas na siya ng Baguio at dadalhin siya sa Camp Crame.

Isa umano sa mga umaresto kay Naogsan ang nagsabing hindi niya puwedeng gamitin ang kanyang cellphone. Huling nakausap si Naogsan ng kanyang asawa noong umaga ng Nobyembre 6 at simula noo’y hindi na siya makontak.

Dagdag pa ng grupo, pinuntahan ng grupong Karapatan at asawa ni Baggo ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ang opisina ng Complaints Referral Action Center (CRAC) sa Camp Crame. Pero sinabihan umano silang hindi alam ng mga pulis ang nasabing operasyon. Itinanggi din nilang nasa kustodiya nila si Naogsan.

“Mariin naming kinokondena ang pag-aresto at patuloy niyang pagkawala. Nag-aalala na ang kanyang pamilya, kung nasaan na si Naogsan at kung ano ang kalagayan niya,” sabi pa ni Baggo.

Aniya pa, bago ang pag-aresto, mayroong dalawang lalaking nagpakilalang mga kagawad ng CIDG at nagtatanong sa kanilang lugar. May pabuya raw aabot sa P500,000 para sa anumang impormasyon hinggil sa nakatatandang Naogsan.

Hiniling ng grupo na agarang ilitaw ng mga umaresto si Naogsan.

“Habang tumatagal na nakakulong siya sa hindi malamang lugar, mas lumalala ang paglabag sa kanyang mga karapatan. Panawagan namin na ilitaw si Naogsan at makita ng kanyang kaanak at abogado,” sabi ni Baggo.

Sinabi pa ni Baggo na inaatake na rin ang kaanak ng kilalang mga rebolusyonaryo sa ilalim ng programang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan, na gumagamit ng islogang “peace and development.”

Pagtapon ng kontraktor ng US ng nakalalasong kemikal, nagpapakita ng panganib ng VFA

$
0
0
Piket ng mga grupong maka-kalikasan at militanteng mga grupo sa harap ng embahada ng US para igiit ang pagpapanagot sa gobyernong US sa toxic wastes na itinapon sa Subic, Zambales. (Kontribusyon)

Piket ng mga grupong maka-kalikasan at militanteng mga grupo sa harap ng embahada ng US para igiit ang pagpapanagot sa gobyernong US sa toxic wastes na itinapon sa Subic, Zambales. (Kontribusyon)

Ipinakikita lamang ng sikretong pagtapon — na kalauna’y naibunyag sa publiko — ng nakalalasong kemikal sa Subic Bay, Zambales ang panganib sa Pilipinas ng presensiya ng armadong puwersa ng Amerika sa ilalim ng US-PH Visiting Forces Agreement.

Ito ang sinabi ng mga militanteng grupo na nagpiket sa harap ng embahada ng US noong Nobyembre 14. Ang giit ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), hindi lamang ang pribadong contractor ng US Navy ang dapat managot sa naibunyag na pagtapon ng toxic waste sa Subic, kundi ang mismong armadong puwersa ng US.

“Binibigyang diin ng mga ulat ng mga toxic waste sa Subic mula sa mga warship ng US ang panganib ng pangmatagalang presensiya ng tropa at barkong Kano sa Pilipinas,” sabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Sinabi rin ni Reyes na inaasahang dadami ang ganitong mga insidente sa hinaharap, lalo pa’t plano ng administrasyon ni Barack Obama na paramihin pa ang tropang Kano sa Asya-Pasipiko, laluna sa Pilipinas.

“Hindi lang ang private military contractor na Glenn Marine Defense ang dapat managot. Pangunahing dapat managot ang gobyernong US dahil dala ng mga warship nito ang mga (toxic) waste,” sabi pa niya.

Sinang-ayunan ito ng grupo ng progresibong mga siyentista, na nagsabing pinakikita ng insidente ang panganib ng madalas na pagbisita ng mga barkong pandigma ng US sa Pilipinas.

“Ang Subic Bay, at ang buong bansa, ay isa na ngayong birtuwal na base militar kung saan maaaring dumaong ang tropang US para magtapon ng kanilang dumi at para na rin magpahinga ang kanilang mga sundalo,” ayon kay Dr. Giovanni Tapang, tagapangulo ng AGHAM-Advocates of Science and Technology for the People at ikalawang pangulo ng Kalikasan.

Sinabi pa ni Tapang na ang itinapon ng Glenn Defense ay masyadong mapanganib at maaaring maging sanhi ng kamatayan, ayon na rin sa pagsusuri ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

Hinamon pa ni Tapang ang mga opisyal ng US Navy, Malakanyang, SBMA at Glenn Defense — na pawang nagsabing di raw nakalalason ang kemikal na itinapon — na “lumangoy sa Subic Bay” kung patuloy nilang igigiit na hindi mapanganib at nakalalason ang duming kanilang itinapon.

Matatandaang inakusahan ng SBMA ang Glenn Defense ng pagtatapon ng tone-toneladang kemikal sa Subic Bay. Pero sinabi rin ng ahensiyang ito na “hindi nakalalason” ang tone-toneladang mga kemikal. Sinabi ni Tapang na nakita sa mismong pagsusuri ng SBMA na 700 beses na lampas sa istandard ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang antas ng pagka-nakalalason ng tubig sa Subic na nasuri.

Itinanggi ng SBMA na may kinalaman ang VFA o ang militar ng US sa pagtapon ng naturang nakalalasong mga kemikal sa Subic.

Pero sinabi naman ng Bayan na pinatutunayan ng insidente na seryosong labag sa interes ng mga Pilipino ang VFA. Nakatadhana sa naturang kasunduan na di-maaaring inspeksiyunin ng gobyerno ang mga barkong pandigma ng US na dumadaong sa Pilipinas — kahit pa may armas nukleyar o nakalalasong mga kemikal ang naturang mga pasilidad.

“Ang ugat ng mapanganib na mga duming ito ay ang ehersisyong militar ng US na patuloy na isinasagawa sa bansa at ang walang tigil na pagbisita ng sasakyang pandigma ng US sa ating dalampasigan. Hindi lamang ito paglabag sa ating pambansang soberanya kundi direktang banta sa kaligtasan ng ating kalikasan,” sabi naman ni Tapang.

Binatikos din ni Reyes ang Malakanyang na agad na nagsabing di maaaring ibasura ng gobyernong Pilipino ang VFA, kahit na lantarang labag ito sa soberanya ng bansa.

“Kailangan lang ng written notice mula sa isang party patungo sa isa, at, pagkatapos ng 180 araw, ikokonsiderang terminated na ang kasunduan (sang-ayon sa Artikulo 9 ng VFA),” sabi ni Reyes.

Sinabi pa ng Bayan na maaalalang kahit noong may tuwirang base militar pa ang US sa Subic at Clark, Pampanga, madalas nang nagtatapon ng nakalalasong mga kemikal at basura ang tropang Kano sa bansa — at di sila napapanagot ng gobyerno ng Pilipinas.

“Kahit na walang pormal na baseng US, nagpapatuloy ang katulad na kriminal na pagkawasak ng kalikasan sa ilalim ng VFA,” sabi pa ni Reyes.


Larawan: Matapos 26 taon, hustisya para kina Olalia, Alay-ay di pa rin nakakamit

$
0
0
Ginunita ng mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang ika-26 taong anibersaryo ng kamatayan ni Atty. Rolando Olalia at Leonor Alya-ay.  Tagapangulo ng KMU si Olalia nang dukutin, tortyurin at paslangin noong Nobyembre 13, 1986 ng hinihinalang mga militar na kasapi ng Ram. (Macky Macaspac)

Ginunita ng mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang ika-26 taong anibersaryo ng kamatayan ni Atty. Rolando Olalia at Leonor Alya-ay. Tagapangulo ng KMU si Olalia nang dukutin, tortyurin at paslangin noong Nobyembre 13, 1986 ng hinihinalang mga militar na kasapi ng Ram. (Macky Macaspac)

Binatikos ng KMU at mga grupong pangkarapatang pantao ang anila'y napakabagal na pag-usad ng kaso. 26 taon matapos paslangin ang lider-obrero, noong Oktubre pa lamang nakuha ng National Bureau of Investigation ang kustodiya kay retiradong Lt. Col. Red Kapunan, isa sa pangunahing mga suspek sa pagpaslang kina Olalia at Alay-ay. Noong Oktubre 24, inaresto naman si  Sgt. Dennis Jabatan, isa pang suspek sa pamamaslang. (Macky Macaspac)

Binatikos ng KMU at mga grupong pangkarapatang pantao ang anila’y napakabagal na pag-usad ng kaso. 26 taon matapos paslangin ang lider-obrero, noong Oktubre pa lamang nakuha ng National Bureau of Investigation ang kustodiya kay retiradong Lt. Col. Red Kapunan, isa sa pangunahing mga suspek sa pagpaslang kina Olalia at Alay-ay. Noong Oktubre 24, inaresto naman si Sgt. Dennis Jabatan, isa pang suspek sa pamamaslang. Iginigiit ng mga kaanak ni Olalia at mga grupong pangkarapatang pantao na dapat panagutin ang iba pang opisyal ng militar, kabilang ang mga lider ng maka-kanang Rebolusyonaryong  Alyansang Makabansa o RAM, sa pamamaslang. (Macky Macaspac)

Guro, 5 iba pa, dinukot sa Rizal

$
0
0

Mariing kinondena ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang umano’y pagdukot ng militar sa isang guro. Kasamang dinukot ang lima niyang kasamahan na kapwa babae sa Rodriguez, Rizal matapos ang isang engkuwentro sa pagitan ng rebeldeng New People’s Army at Philippine Army noong Nobyermbre 7.

Iginiit ni Tinio na agarang ilitaw at palayain sina Lanie Latuga, guro ng mga kabataang Dumagat, kasama ang lima pang sibilyan na inaresto ng mga elementong 16th at 59th Infantry Battalions ng Philippine Army dahil umano sa suspetsang mga miyembro o tagasuporta sila ng NPA.

ACT Teachers Rep. Antonio Tinio (Macky Macaspac/PW File Photo)

ACT Teachers Rep. Antonio Tinio (Macky Macaspac/PW File Photo)

“Si Teacher Lanie at ang kanyang mga kasamahan ay pinakahuling biktima ng mga militar sa ilalim ng hindi makataong lohika ng Oplan Bayanihan. Hindi pinag-iiba (nito) ang mga armado sa mga sibilyan. Nagpapatunay ito na maraming pang tulad ni (retiradong heneral Jovito) Palparan na nambibiktima at nananakot sa mga komunidad,” ayon kay Tinio.

Tinutukoy ni Tinio si Palparan, itinuturong tapagpatupad ng madugong giyerang kontra-insurhensiya ng nakaraang administrasyong Arroyo.

Wala pang pahayag na inilabas ang mga opisyal ng militar tungkol sa naturang pagdukot sa anim na kababaihan, ayon sa ACT Teachers.

Nananawagan si Tinio sa mga opisyal ng 16th at 59th IB na ilitaw ang anim at agarang panagutin ang mga responsible. Binigyang-diin niya na ang nasabing mga unit ay notoryus sa mga residente dahil sa pagkakasangkot sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa mga lugar kung saan sila naitatalaga.

Noong Oktubre 16, 2011, tatlong miyembro ng 16th IB ang nag-imbita sa tatlong kababaihan sa kanilang kampo sa Rizal. Ayon sa naturang mga babae na pawang mga minor-de-edad, inabuso sila ng mga militar at ginasa ang isa sa kanila na si “Mutya,” 17-anyos.

Samantala, Hunyo 22 ngayong taon, nilapitan ang magsasakang si Eduardo Dela Pena ng mga elemento ng 59th at 74th IB noong nasa bukid siya. Doon, sinuntok at tinutukan ng baril si Dela Pena at pinaratangang miyembro ng NPA.

Napilitan siyang umalis kasama ng pamilya dahil sa patuloy na pandaras at pananakot ng mga militar.

Kaso ni Leonard Co, wala pa ring linaw matapos ang dalawang taon

$
0
0
Panawagan ng mga kaanak na resolbahin na ng Department of Justice ang dalawang-taong kaso ng masaker sa Kananga, Leyte. Nasa larawan si Lorna Co, kapatid ng botanist na si Leonard Co.  (Kontribusyon)

Panawagan ng mga kaanak na resolbahin na ng Department of Justice ang dalawang-taong kaso ng masaker sa Kananga, Leyte. Nasa larawan si Lorna Co, kapatid ng botanist na si Leonard Co. (Kontribusyon)

“Ang bawat araw na dumaan na hindi nareresolba ang kaso ay araw ng kawalang hustisya para sa mga kaanak ng mga biktima sa pagmasaker sa Kananga.”

Ito ang sinabi ni Giovanni Tapang, convenor ng Justice for Leonard Co Movement, sa isang piket-protesta sa harap ng  Department of Justice (DOJ) kaalinsabay ng ikalawang taon ng pagpaslang kina Leonard Co, isang kilalang botanist at mga kasamahan niyang sina Sofronio Cortez at Julius Borromeo.

Napatay ng mga elemento ng 19th Infantry Batallion (IB) ng Army ang tatlo noong Nobyembre 15, 2010.  Nag-iimbentaryo ng katutubong mga puno na bahagi ng programa ng Energy Development Corporation nang pagbabarilin ng mga sundalo ng 19th IB.
Sa kabila ng pagkakaroon ng indipendyenteng fact finding mission ng mga grupong makakalikasan at pangkarapatang pantao, imbestigasyon ng Commission On Human Rights (CHR) at pagdinig ng DOJ sa reklamong isinampa ng mga kaanak  ng mga biktima noong Enero 2011, di pa rin nasasampahan ng kaso ang mga sundalo.

Patuloy pa ring iginigiit ng mga militar na ang naganap ay isang lehitimong engkuwentro sa pagitan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at ng mga elemento ng 19th IB.

Clemente Bautista Jr. ng Kalikasan. (Kontribusyon)

Clemente Bautista Jr. ng Kalikasan. (Kontribusyon)

Iginigiit naman ng mga kaanak at iba’t ibang grupo na makakalikasan na walang engkuwentrong naganap. Bagkus, ang mga biktima’y napagkamalang rebeldeng NPA.

Ayon kay Tapang, hanggang ngayo’y di pa rin ipinapalabas ang resolusyon ng DOJ hinggil sa kaso at walang isinasampang kaso laban sa mga militar na nasasangkot sa kaso.

“Ginawa na namin ang lahat ng paraan para hikayatin ang mga ahensiyang humahawak sa kaso para mapabilis ang pagbibigay ng resolusyon,” aniya.

Sinabi pa niya na ang paglitis sa mga akusado ang tanging makakaluwag sa kalooban ng mga kaanak ng biktima.

Sinamapahan ng reklamo sa DOJ sina 1st Lt. Ronald Odchimar, 2nd Lt. Cameron Perez, Cpl. Marlon Mores, Private 1st Class Michael Babon, Private 1st Class Elemer Forteza, Private 1st Class Roger Fabillar, Private 1st Class Gil Guimerey, Private 1st Class Alex Apostol, at Private 1st Class William Bulic, kasama ang 28 iba pang miyembro ng 19th IB.

Kasabay ng protesta, ipinarating din ng grupo ang nakaka-alarmang bilang ng mga biktima ng pamamaslang, kasama na ang mga makakalikasan.

Ayon kay Cristina Guevarra, pangkalahatang kalihim ng Hustisya, aabot na sa 114 ang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Nangangamba din si Guevarra na ang pagkabinbin ng resolusyon sa kasong isinampa ay papabor sa mga militar.

8 taon ng masaker sa Luisita: Wala pa ring hustisya at lupa

$
0
0

Hustisya at tunay na reporma sa lupa sa Hacienda Luisita, pilit pang inaabot, walong taon matapos ang masaker (PW File Photo/King Catoy)

Walong taon matapos paslangin sa masaker sa Hacienda Luisita ang kanyang 20-anyos na anak na si Jhayvie, hindi humuhupa, at umiigiting pa nga, ang takot na nararamdaman ni Violeta Basilio.

“Maraming armadong naglilibot dito na naka-bonnet. Hindi umaalis ang mga sundalo, kaya lagi kaming takot,” ayon kay Violeta, residente ng Brgy. Mapalacsiao, isa sa 10 barangay na sakop ng pinakakontrobersiyal na asyenda sa bansa.

Wala pa ring ni isang salarin ang nakakasuhan sa korte at napaparusahan para sa masaker sa Hacienda Luisita. Gayundin, ipinagkakait pa rin sa mga magsasaka ang lupang matagal nang dapat napasakanila.

Pinal na nagdesisyon ang Korte Suprema ngayong taon na ipamahagi sa mga magsasaka ang asyenda ng pamilya Cojuangco-Aquino. Ngunit hindi kabilang ang pamilya Basilio sa preliminary list ng 5,365 na benepisyaryo sa lupa na inilabas ng Department of Agrarian Reform (DAR) nitong Oktubre 31. “Masakit iyon sa kalooban ko dahil siyempre, nagbuwis pa ng buhay si Jhavie,” ayon kay Violeta.

Aniya, orihinal na magsasaka noon sa Luisita ang kanyang mga manugang. Nagtrabaho bilang manggagawang-bukid sa asyenda ang kanyang asawa mula 1963 hanggang sa magkasakit noong 1975. Ang anak na si Jhayvie, nagtrabaho naman sa Central Azucarera de Tarlac bilang tagasala ng asukal.

Si Jhayvie ang pinakabatang biktima ng masaker noong Nobyembre 16, 2004 kung saan pitong manggagawang-bukid ang napaslang nang magpaputok sa piketlayn ang mga militar, pulisya at guwardiya ng asyenda.

Kuwestiyunableng listahan

Protesta sa Mendiola sa ika-8 na anibersaryo ng masaker sa Hacienda Luisita: litrato ni Pangulong Aquino at iba pang miyembro ng pamilya Cojuangco, sinunog (Ilang-Ilang Quijano)

Kahapon, ginunita ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita at kanilang mga tagasuporta ang ika-walong anibersaryo ng masaker. Hindi ito simpleng paggunita, kundi paniningil kay Pangulong Aquino.

“Hanggang ngayon, kontrolado pa rin nila (Cojuangco-Aquino) ang lahat,” ayon kay Violeta. Tinutukoy niya ang militar, korte, at ehekutibong sangay ng gobyerno na aniya’y nagkukutsabahan para ipagkait ang hustisya at tunay na reporma sa lupa.

Sang-ayon dito si Lito Bais, tagapangulo ng United Luisita Workers Union (ULWU). “Ang daming naisama na hindi talaga manggagawang-bukid, at marami rin sa tunay na benepisyaryo ang wala doon sa inilista (ng DAR). Kaya maigiting na paglaban pa rin ang kailangan dito,” aniya sa panayam ng Pinoy Weekly.

Bukod sa mga benepisyaryo na nasa preliminary list ng DAR, mayroon pang 1,222 na nasa provisional list na umano’y kulang pa sa mga dokumento. Ayon pa kay Bais, mayroong mahigit-kumulang 50 na benepisyaryo na wala kapwa sa preliminary at provisional list.

Kabilang dito ang pamilya Basilio, na ani Violeta ay hindi nakasama sa listahan dahil ayaw siya bigyan ng Social Security System (SSS) ng rekord ng pagtatrabaho ng kanyang asawa sa asyenda. “Eh kahit naman ‘yang SSS kontrolado nila,” himutok niya.

Sa kabilang banda, mayroong kuwestiyunableng mga pangalan sa listahan ng DAR. Umano’y isinama ang mga tauhan ng pamilya Cojuangco-Aquino na hindi naman magsasaka o manggagawang-bukid sa lugar, kundi taga-alaga lamang ng kanilang mga kabayo o manok. Tinatanya ng ULWU at  Ambala (Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita) na aabot sa mahigit-kumulang 1,000 ang di-tunay na mga benepisyaryong ito.

“Ang dami naming ipa-file na for inclusion at for exclusion,” ayon kay Bais. Aniya, hindi sila binigyan ng DAR ng advanced copy ng listahan sa kabila ng paulit-ulit na rekwes, samantalang binigyan lamang sila ng hanggang katapusan ng buwan para i-file ang mga mosyon hinggil sa listahan. Dagdag niya, “Ang tanong ko, binigyan nila kami ng deadline, sila kailan ang deadline para i-resolve yung usapin? Hindi naman sila makasagot.”

Para sa ULWU at Ambala, sadyang pinatatagal ng DAR ang pagpapatupad sa desisyon ng Korte Suprema. Maging ang inutos ng korteng pamamahagi sa mga magsasaka ng P1.3 Bilyon na mula sa ibinentang bahagi ng Hacienda Luisita, hindi pa umano napag-uusapan.

Lito Bais, tagapangulo ng United Luisita Workers Union (Ilang-Ilang Quijano)

Sa halip, ang gusto nang pag-usapan ng DAR, ayon sa mga grupo, ay ang amortisasyon ng lupa. “Hindi pa nga napapamahagi ang lupa, nasa usapin na sila ng amortisasyon,” himutok ni Bais.

Nasa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program with Extension and Reforms (Carper) ang pamamahagi ng lupa kaya’t may nakabimbing usapin sa kompensasyon sa pamilya Cojuangco-Aquino at amortisasyon ng lupa para sa mga magsasaka. Sa kabilang banda, iginigiit ng mga magsasaka ang pagbabasura ng Carper at libre at kagyat na pamamahagi ng lupa.

OpBay sa asyenda

Tuluy-tuloy naman ang militarisasyon sa loob ng asyenda. Pinangungunahan ng 3rd Mechanized Infantry Batallion ni Lt. Col. Ernesto Torres, dating tagapagslita ng Armed Forces of the Philippines, ang kontra-insurhensiyang programa na Oplan Bayanihan (OpBay) sa Luisita. Si Torres umano ay isang eksperto sa intelligence at psychological warfare.

Biktima ng red-baiting at panghaharas ng militar ang mga lider ng ULWU at Ambala. Sinusundan sila at inaakusahang mga miyembro ng New People’s Army. Iniinteroga at nirerekrut naman sa Cafgu ang ibang mga residente.

Listahan ng mga tinaguriang martir ng Hacienda Luisita (Ilang-Ilang Quijano)

Hindi lamang ang mga biktima ng 2004 masaker ang naghahanap ng hustisya, kundi ang mga pinaslang matapos nito ng pinaghihinalaang mga puwersa ng estado. Kabilang dito sina konsehal Abel Ladera, lider-magsasaka na si Ben Concepcion, Fr. William Tadena at Bishop Alberto Ramento, at lider-unyon na sina Ricardo Ramos at Tirso Cruz. Pinakahuling biktima ang Dutch na si Willem Geertman noong Hulyo 3. Si Geertman, executive director ng Alay Bayan Luson, ay tagasuporta ng laban ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita.

Sa gitna ng ganitong pandarahas sa ilalim ng OpBay at pagmamaniobra ng pamilya Cojuangco-Aquino para manatili ang kontrol sa lupa, lalong pinanghahawakan ng mga magsasaka ang mga tagumpay na inabot ng kanilang pakikibaka.

Isa na rito ang bungkalan, kung saan inokupahan at tinamnan na ng mais, palay, prutas at gulay ang ilang bahagi ng asyenda. Paggiit ito ng kanilang karapatan, at isang pamamaraan na mabuhay sa gitna ng patuloy na pagkakait sa kanila ng lupa. “Alam namin na ang pakikibaka sa Hacienda Luisita ay ginawang inspirasyon ng lahat ng uring inaapi,” ani Bais.

Para naman kay Violeta, hindi na kailanman mawawala ang pait ng pagpaslang sa anak na si Jhayvie. Ang nais lamang niya, mawala ang matinding takot na bumabalot pa rin sa asyenda, at na makamit na ng mga magsasaka ang hustisya “para naman hindi masabing nagbuwis siya ng buhay sa wala.”

Opening film “Leona Calderon” sa 12th Gwangju International Film Festival sa Korea, tagumpay

$
0
0

Pinagkaguluhan si Pilar Pilapil sa Gwangju City sa South Korea sa pagdaraos ng ika-12 Gwangju International Film Festival nang katawanin niya ang pelikulang “Leona Calderon” na siyang opening film ng pestibal.

Ayon kay Cho Pock-rey, ang Programming Supervisor ng 12th Gwangju, wala pang pelikulang Filipino na nagbukas ng isang international film festival sa labas ng Pilipinas.

Maaaring naipalabas na sa mga world film event na tulad ng Cannes, Venice, Berlin, Brussels, Busan at marami pang pangunahin o hindi masyadong malalaking pestibal pero ang pagtatanghal ng “Leona Calderon” sa Gwangju ay kauna-unahan sa kasaysayan ng pandaigdigang paggawa at pagpapalabas ng pelikula.

Kaya naman ipinagmamalaki ni Pilar na siya ang abrelata ng ika-12 Gwangju filmfest at siya ay parang reyna ng internasyunal na show biz sa kanyang partisipasyon sa pagdiriwang.

***

Ang Gwangju Int’l Filmfest ay pagbibigay-pugay sa namayapa nang presidente ng South Korea na si Kim Dae-Jung na nakipaglaban sa military dictatorship ni Park Chung Hee.

Ang Gwangju film festival ay pagdakila sa kontribusyon ni Kim Dae-Jung sa paglaya ng Korea kaya naman ang paksa ng okasyon ngayong taong ito ay “Hope for Peace” at taunang pista ng mga pelikulang pandaigdig sa Gwangju ay pagtataguyod ng paggalang sa mga karapatang pantao, pagkilala sa kalayaan at demokrasya at pangangalaga ng kalikasan.

Paglakad pa lang ni Pilapil sa red carpet ng Gwangju ay gayon na lamang ang paghanga ng mga Koreyano at iba pang lahi sa aktres.

Masigabong palakpakan ang ipinasalubong kay Pilaring at sa delegasyon ng Pilipinas na kinabibilangan din ni Jowee Morel, ang kontrobersyal at nakakaintrigang Fil-Briton filmmaker at ni Andy Villalba, ang isa sa mga prodyuser ng obra.

Hindi pa man nagsisimula ang pagtatanghal ng “Leona Calderon” ay nagkislapan na ang mga kamera kina Pilar, Jowee at Andy.

Nakipagpiktyuran pa ang balo ni Kim Dae-Jung na si Lee Hee-ho kay La Pilapil.

Nagtalumpati rin ang maalamat na Filipinang aktres at ang kontrobersyal na direktor na pinasalubungan din ng masigabong palakpakan ng mga manonood kabilang ang matataas na opisyal ng gobyerno ng South Korea.

Ang isa sa mga kandidato sa pagkapresidente ng South Korea na si Jae In Moon ay nasa hanay rin ng mga manonood.

***

Lalo nang umapaw ang paghanga kay La Pilapil at sa kanyang proyekto nang matapos na ang pagtatanghal ng “Leona Calderon” na tungkol sa isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa London sa loob ng tatlumpu’t limang taon bagamat natuklasan niyang may uterine cancer siya at ang kanyang problema ay kung uuwi pa siya sa Pilipinas para makapiling ang kanyang mga mahal sa buhay subalit mauubos ang lahat ng kanyang naipong pera sa ibang bansa o mananatili siya sa London para makapagpagamot siya nang libre pero siya ay nag-iisa at malungkot sa buhay.

Nagkagulo ang mga tao kay Pilar at nag-unahan silang makalapit sa aktres.

Nagpapirma sila ng awtograp at nakipagkuhaan ng litrato sa kanya.

Parang nasa alapaap si Pilapil ng mga sandaling ‘yon at siya ay isang bituing bumaba sa lupa sa South Korea para makibahagi sa kultura at kasaysayan nito bilang pakikiisa ng Pilipinas sa kapwa bansa sa Asya.

Hanggang ngayon ay hindi pa maalis sa kamalayan nina Pilapil, Morel at Villalba ang hindi makakalimutang karanasan sa Gwangju at ang walang patid na paghanga ng mga Koreyano sa kanilang tatlo at sa piyesang ipinalabas sa sinehan bilang opening film.

panoorin ang trailer dito.

Viewing all 2319 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>