Quantcast
Channel: Pinoy Weekly
Viewing all 2319 articles
Browse latest View live

Mula bodong hanggang pangiyak ki

$
0
0

I. Buhay at identidad

Mayroong mga panahon na tinatanong ko ang aking sarili: “Saan ba nagmula ang buhay?” Sa isang protozoa ba na bigla na lang sumulpot sa kalawakan, sumabog, at bumuo ng buhay sa isa, dalawa, o sa milyong uniberso? Ang hirap sagutin. Eh kung ang mga tao kaya? Saan kaya galing ang mga tao: Dun din kaya sa protozoa? Sinong lumikha ng protozoa? Eh dun sa lumikha ng manlilikha nung protozoa, sino ang gumawa? Masyadong malalim.

Kung ang buhay ay nagsimula bilyong taon bago pa ang sangkatauhan, iba ang kasaysayan. Ang kasaysayan ay nagsisimula kapag ang isang sibilisasyon ay natuto nang magrekord ng kanilang karanasan bilang isang lahi, hindi lang sa pamamagitan ng mga letra o salita, maaari ring drowing o iba pang biswal na pamamaraan.

Higit pa rito, nagsisimula rin ang tinatawag na identidad. Identidad? Ano naman ang pakialam ko sa identidad? Moderno na ang mundo at mayroon na tayong tinatawag na globalisasyon. Hindi na masyadong dapat pahalagahan ang identidad. Iisa na ang mundo. Ngayon, ilang oras na lang ang kailangan mong iupo sa eroplano para makarating ka sa dulo ng mundo. Hindi ito katulad noon na tila isang siglo bago mo malibot ang daigdig. Mali-mali pa ang Google Maps nitong sila Pigafetta, Columbus at Marco Polo.

Ngayon, isang pindot mo lang sa cellphone, lalabas na ang mapa, kakalkulahin kung ilang oras ka makararating sa gusto mong puntahan, at huwag ka, kasama pa sa kalkulasyon ang bigat ng trapik. Kaya iyang identidad, wala nang kuwenta iyan sa panahon na pinagsasaluhan na ng daigdig ang kaalaman ng lahat ng tao.

II. Bayani ang sukatan

Sa pelikula ni Mike DeLeon na Bayaning 3rd World, nahagip niya ang ilang katanungan matagal na ring bumabagabag sa akin. Cross-dresser nga ba si Jose Rizal? O sadyang marupok lang talaga siya? Marupok pagdating sa paninindigan? Si Jose Rizal, ang bayaning ang tanging kahilingan ay maging probinsiya tayo ng Espanya. Hindi nga lang ito nangyari dahil paputok na nung mga panahong iyon ang sarili nilang gera sibil, at saka ano ba naman ang pakialam ng Spanish Cortes sa Pilipinas?

Mga indio lang naman ang nakatira sa Pilipinas, ayon sa bantog nilang mga manunulat. Pero ang mahalaga kong tanong ngayon: Ano ba ng pinagkaiba ni Elly Pamatong kay Jose Rizal? Kung hindi mo kilala si Elly Pamatong, siya iyung tumakbong presidente na nagsusulong na gawing probinsiya ng Estados Unidos ang Pilipinas–parang Guam o Puerto Rico. Hindi naman siguro kasi magaling tumula si Rizal, poetic naman si Pamatong sa mga talumpati niya. Wala rin kasi si Rizal ng makabayang intensiyon at diwa. Sa pagkakaalam ko, makabayan ang turing ni Pamatong sa sarili, kaya niya tayo gustong ipasailalam sa mga Kano. Alam mo iyung perverted na notion ng patriyotismo? Ay sorry, hindi ko naman ibig sabihin na si Rizal ay pervert, ay si Pamatong pala. O silang dalawa?

Ano nga ba iyung identidad. Basta ba pango ka, Pilipino ka na? Basta ba kayumanggi ka at bansot Pilipino ka na? Siguro. Pero bakit lahat ng nabanggit ko tila mga pisikal na katangiang hindi kanais-nais sa mga Pilipino? Ah oo nga pala, globalisasyon. Ano nga ba naman ang pakialam ko kung si Aling Dionisia ay gustong maging kamukha si Taylor Swift, o di kaya’y si Katy Perry? Ano ng aba naman ang karapatan kong tumutol kung gusto nung kapitbahay ko na maging Koreano, sa isip sa salita at hindi sa diwa?

Wala na akong pakialam dun, lahat ng tao sa modernong mundo ay puwedeng gawin ang gusto niyang gawin. Kaso lang, wala pa yata akong nababalitaang Amerikana na gustong saratin ang ilong at magpaitim ng balat, tulad ng sa mga Aprikano. Isipin mo nga na may kilinika para sa pagpapasarat ng ilong. Nakaktawa ‘di ba? Dok, pa nose-down (kabaligtaran ng nose-lift) naman ako para maakit ulit ang asawa ko sa akin. Wala pa rin akong narinig o nabalitaan na isang Europeong nagpabawas ng height dahil uso. Parang tayo ang nakabuntot sa kanila? Ah oo nga pala, globalisasyon, iisa na ang sangkatauhan. Eh bakit marami pa ring giyera? Akala ko ba iisa na ang sangkatauhan? Ang labo.

Isa sa mga sinusubukang burahin ng “globalisasyon” ang katutubong mga kultura at gawi. Kung sa akin lang, walang problema. Hindi naman ako kumukuha ng pagkain direkta sa gubat at hindi ko kailangang mangaso para lagyan ng pagkain ang sikmura. Hindi ko naman kailangang maggangsa upang humiling ng magandang ani. May simbahan naman kung saan ako pupuwedeng magdasal — kapag sinabi ng pari na “Upo!”, uupo ako. Kapag sabi niya, “tayo!”, tatayo. Kapag ang sabi nama’y “Luhod!”, luluhod. Kapag “Subo!”, susubo. Kapag “Alis!”, aalis. Kapag “Sunod!”, susunod.

Simple lang ang buhay, wala masyadong kumplikasyon. Kung kaya, ano naman ang pakialam ko sa katutubong kultura at gawi? Eh di mas lalong wala. Wala kasi sila lang naman ang mga taong hindi masyadong naimpluwensiyahan ng tinatawag nating “globalisasyon.” Sila iyung mga taong hindi naabot ng “sibilisasyon.” Kung kaya, hindi rin sila sang-ayon sa ating “Amerikanisasyon.” Ano ba ‘yan, ang daming -sasyon, -sasyon. Kunsumisyon! Makukunsumi ka nalang talaga kung susubukan mong intindihin ang epekto ng tinatawag nating globalisasyon sa mga taong hindi nasakop ng mga dayuhan — iyung mga lumaban nang mata sa mata, ngipin sa ngipin noong tangkaing lupigin ang kanilang sibilisasyon.

Sila lang naman ‘yung mga taong hindi naka-Nike, Adidas o Vans, dahil bahag at tubaw ang kanilang accessories, mga kasuotang may malalim na kahulugan sa kanilang kultura’t kamalayan. Sila ‘yung mga headhunter na nagtarak ng ulo ng mga prayle sa sibat nang tangkain nilang palitan ang sistema ng paniniwala nila sa bathala, bulol at babaylan. Sila ‘yung mga taong tunay na may respeto sa kalikasan at yaman ng bansa, na hanggang ngayo’y kanilang pinatutunayan, mula kay Panday Pira, hanggang kay Macliing Dulag. Sila ‘yung mga taong nagsabuhay ng mga katagang isinulat na lang natin noong wala na ang mga mananakop: “Sa manlulupig, hindi ka pasisiil.”

III. Hindi kailanman naging iisa

Kaya’t kung sakaling magtaka ka kung saan ka papunta, kung sakaling mapag-aksayahan ng oras at magdesisyong gugulan ng panahon ang iyong identidad, kung sakaling mapagod sa paghahanap sa loob ng kuwadradong sulok ng nagtatayugang mga gusali kung sino ka ba talaga, bumalik sana sa umpisa, sumagi sana sa isip si Macliing Dulag at at Bai Bibyaon Ligkayan Bigkay, at doon, maliwanag na ang ating lahi ay hindi kalianman naging iisa: Mayroong mga yumuko at nagpaka-pasasa sa mga suhol ng mga dayuhan upang malupig ang karamihan, at mayroong mga tumangis ngunit lumaban, ngipin sa ngipin, mata sa mata, bolo sa riple, pana sa kanyon, pattong sa dambana, pinikpikan sa misa.

Kaya’t kung sakaling magtaka ka, balikan ang iyong pinagmulan. ‘Di tulad nating lahat, laging hubad ang katotohanan.


Featured image: Mga larawan mula sa kaliwa hanggang kanan ay galing sa Cordillera, Tarlac, Bukidnon. (Lucan-Tonio Villanueva)

Ang dakilang pagtalikod

$
0
0

Isinara na naman ni Pangulong Duterte ang isang bintana (o pinto) sa posibilidad ng progresibong pagbabago.

Taliwas sa mga pahayag niya na hindi niya kontrol ang Kongreso, lalo na ang Commission on Appointments (CA), na siyang nagbasura sa pagiging kalihim ni Judy Taguiwalo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), alam ng madla ang katototohanan. Anumang rehimen sa bansa, may malakas na impluwensiya sa Kongreso, at ginagamit ng Presidente ang impluwensiyang ito para itulak ang mga mambabatas na ipasa ang mga panukalang batas at polisiyang gusto nito. Sabi nga ng kanta, inosente lang ang nagtataka.

Pinamalas ni Taguiwalo ang pamumunong dapat asahan ng taumbayan sa mga lider na mula sa Kaliwa: matapat sa paglilingkod sa bayan, walang bahid ng korupsiyon, at may talino at pagkamalikhain para mapagpahusay pa ang paglilingkod sa bayan. Pinamamalas din ito ni Rafael “Ka Paeng” Mariano, kalihim ngayon ng Department of Agrarian Reform at nananatili ring di pa nakukumpirma ng CA. Bilang pinuno, pinamalas din ito ni National Anti-Poverty Commission (NAPC) Sec. Liza Maza.

Bilang bahagi ng pagpapatianod ni Duterte patungong Kanan at papalapit lalo sa imperyalismong US, unti-unti na niyang tinalilikuran ang mga miyembro ng gabinete na pinakamatatapat na naglilingkod sa bayan. Samantala, maihigit isang taon pa lang ang nakararaan, pero nakikita na natin ang halos buong pagtalikod ni Duterte sa mayabang na mga pahayag kontra sa presensiyang military ng US sa bansa.

Mahigit tatlong buwan matapos sumiklab ang sigalot sa Marawi City, nakita natin ang ganap na pagtanggap ng Pangulo sa “ayuda-militar” ng US—ang pagbasbas ng imperyalismo sa malawakan at lantarang pagdurog sa lungsod, pagpatay sa mga sibilyan at paglabag sa mga karapatan ng mga mamamayang Moro. Napakalayo na natin sa panahong nagagawang kondenahin pa ni Duterte ang mga krimen ng US sa mga Moro noong digmaang Pilipino-Amerikano, dahil siya mismo pinangasiwaan na ang pag-uulit ng mga krimen na ito ngayon.

Masasabi nating expansion o pagpapalawig lang ang giyera kontra insurhensiya at giyera kontra “terorismo” ng dati nang ipinamamalas ni Duterte na pasistang tendensiya na nakita natin sa kanyang giyera kontra droga. Sa ngalan ng giyerang ito, tinaguriang Oplang Tokhang, inatasan niya ang Philippine National Police (PNP) na gamitin ang buong puwersa—kahit na iyung labag na sa batas—para puksain ang mga adik at nagtutulak ng ilegal na droga.

Tulad ng taktika niya sa mga “terorista”, dinadaan ni Duterte sa kamay na bakal at madugong pamumuksa ang mga problemang panlipunan tulad ng paglaganap ng droga at “terorismo” na masosolusyonan lang sa pagtugon ng batayang mga problema ng lipunang Pilipino. At ang mga problemang ito, ayon sa kilusang pambansa-demokratiko, ay ang paghahari ng imperyalismo, ang pagkakaroon ng burukratang kapitalismo (pagturing sa paggogobyerno bilang negosyo o para sa pansariling interes ng opisyal) sa gobyerno, at piyudalismo (monopolyong kontrol ng iilang panginoong maylupa sa malalaking lupaing agrikultural ng bansa).

Marahil, napag-isip-isipan na ni Duterte na hindi talaga niya matutugunan ang mga problemang ito, lalo pa’t simula’t sapul ay niyakap na niya ang pagpatupad ng neoliberal na mga polisiya sa ekonomiya na dati nang pinatutupad ng nakaraang mga presidente. Sa pamamagitan ng mga polisiyang ito, nagpapatuloy ang pagtindi ng imperyalistang kontrol sa ekonomiya at pulitika sa bansa, habang patuloy din ang paghahari ng iilang miyembro ng oligarkiya sa bansa. Samantala, nananatiling malayo sa abot-kamay ng mayoryang maralita ang mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, pabahay at serbisyong medikal—dahil sa neoliberal na pananaw, hindi ito karapatan ng mga mamamayan kundi mga produktong maaaring pagkakitaan ng iilan.

Kung kaya, ginagamitan na lang niya ng kamay-na-bakal ang pagtugon sa mga sintomas ng nabanggit na mga panlipunang problema. Tinalikuran na rin niya ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), lalo na ang mga pangakong pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal. Pinaiigting niya ang “all-out war” laban sa rebolusyonaryong kilusan na pinapayungan ng batas militar sa Mindanao. Nagbabanta pa siyang palawigin sa buong bansa ang batas militar.

Hindi itong pasistang diktadura ang progresibong pagbabago na nasa isip ng nasa isip ng 16 milyong Pilipino na bumoto kay Duterte. Tiyak, sa susunod na mga linggo at buwan, lalawak ang bilang ng mga mamamayang maniningil sa kanya.


 

Talim ng Sining sa Dissident Vicinities

$
0
0

Nakapunta ako sa art exhibit na Dissident Vicinities sa lugar na kung tawagin ay “Bulwagan ng Dangal” sa UP-Diliman. Naroon ang eksibit ng mga likhang-sining simula Agosto 18 hanggang Setyembre 1 ngayong taon.

Ang ibig sabihin ng “dissident,” isang taong tumututol sa opisyal na patakaran, lalo na ng isang Estadong awtoritaryan. Ang ibig sabihin ng “vicinities,” mga lugar na magkakanugnog. Sa titulo, kinukuha ang elemento ng pagtutol na laman ng unang salita para gawin itong kolektibo, na laman naman ng ikalawa. Tumatama ang titulo sa lalong pagiging awtoritaryan ng rehimen ni Rodrigo Duterte – mahigpit na nagpapasunod sa mga mamamayan, sumisikil sa mga personal na kalayaan.

Sa exhibit guide na ipinapamahagi sa bungad, may paliwanag ang nag-organisa ng eksibit, ang curator na si Lisa Ito-Tapang, propesor sa College of Fine Arts sa UP-Diliman, progresibong kritikong pansining, at aktibistang pangkultura. Pokus ng eksibit, aniya,  ang “mga kilusang masa para sa kalayaan, demokrasya at mga karapatan, na nagsisikap protektahan at ipagtanggol ang mga yamang likas, kabuhayan at komunidad.” Ang konteksto ng mga ito: “tumitinding kawalan ng pagkakapantay-pantay sa larangan ng ekonomiya, kolonyal at imperyal na pagpapalawak, at mga pampulitikang kaguluhan.”

Mural ni Pablo Baen Santos na "Internal Refugees" na naka-mount sa Dissident Vicinities exhibit

Mural ni Pablo Baen Santos na “Internal Refugees” na naka-mount sa Dissident Vicinities exhibit

Ang agad na mapapansin ng isang aktibista: marami sa mga likhang-sining ang nakita na nitong nakaraang taon sa mga protesta at iba pang lugar, at sa Facebook o iba pang social media. At positibo ito: ibig sabihin, malapit, kung hindi man nakaugat, sa kilusang masa ang eksibit. Ibig ding sabihin, may antas ng pagiging masigla ang produksyon ng kilusang masa ng mga likhang-sining.

Makikita rito ang “Larawan ng Kapayapaan,” mural na may maraming panel, likha ng mga grupong KARATULA, Tambisan sa Sining, at UGATLahi para sa protesta sa unang State of the Nation Address ni Duterte. Bahagi ito ng paggigiit ng makabayan at demokratikong adyenda ng mga mamamayan sa bagong pangulo. Pawang nakatingala ang mga inilalarawang bidang magsasaka at manggagawa, puno ng optimismo at diwang palaban. Makukulay ang mga obra, nang-eengganyo sa masayang alternatiba at hinaharap na taliwas sa madilim at bulok na lipunang umiiral ngayon.

"Ka Parago" ni Aldrein Silanga

“Ka Parago” ni Aldrein Silanga

Narito rin ang “Ka Parago” ni Aldrein Silanga, mural na nasa gitna ang imahe ni Leoncio Pitao, nilikha bilang parangal sa kumander ng New People’s Army o NPA sa Mindanao. Napatay man siya sa labanan, buhay na buhay si Ka Parago sa larawan at kulay, tulad ng masang Lumad at magsasaka, hukbo, at kilusan na pinaglingkuran niya. Ang laki ng likhang-sining, patunay ng pagpapahalaga sa kanya at ng tapang ng alagad ng sining na lumikha, gayundin ng kilusang masang nangangalaga.

Unang beses ito na makikita ng publiko sa aktwal ang “Buhay-Gerilya,” tesis sa UP College of Fine Arts ni Melvin Pollero na ang larawan ay lumaganap na sa social media. Paglalarawan ito ng iba’t ibang aspeto ng buhay ng NPA gamit ang telang tapeta at chalk – na siya ring gamit ng NPA sa mga talakayang pang-edukasyon sa loob ng sonang gerilya. Ang tumatanaw ng likhang-sining ang binibigyan ng pag-aaral, na simple at madali nilang mauunawaan – kung hindi sila kasama sa uring nagsasamantala, pahabol ng makatang Aleman na si Bertolt Brecht hinggil sa Komunismo.

"Panginoong Walang Lupa" ni Archie Oclos

“Panginoong Walang Lupa” ni Archie Oclos

Nakatindig sa eksibit ang “Panginoong Walang Lupa” ni Archie Oclos, painting ng manggagawang bukid na nakapako sa krus tulad ni Hesukristo. Mapapansin ang bisagra sa likod ng kahoy na sumusuporta sa imahe, na noong Semana Santa ay itinayo ni Oclos – lingid sa awtoridad, estilong gerilya – sa mismong Hacienda Luisita. Panawagan ito na makita sa manggagawang bukid, at sa masa sa kabuuan, ang kaapihang dinanas ni Kristo at ang potensyal na maging tagapagligtas ng sambayanan.

Muli namang nakatanghal rito ang “Makibaka para sa Kalayaan,” painting ni Voltaire Guray, na nilikha niya noong siya’y bilanggong pulitikal at unang ipinakita sa publiko sa eksibit na Timyas ng Paglaya noong 2016. Makikita ang marubdob na pag-aasam sa kalayaan ng mga detenidong pulitikal sa mga imaheng palaban at sa indayog ng maliliwanag na kulay na taliwas sa itim na likuran – kalayaan mula sa pagkakapiit at kalayaan para sa sambayanan.

Tinipon din sa eksibit ang ilang progresibong likhang-sining na nauna nang nalikha para sa iba’t ibang lunan, pero hindi naipamalas nang prominente sa kilusang masa. Muli, patunay ito ng isang antas ng sigla ng gawaing pangkultura ng kilusang masa sa bansa.

Bahagi ng eksibit ang dambuhalang mural na “Internal Refugees” ni Pablo Baen Santos, beteranong progresibong alagad ng sining. Dito, itinatanghal ang reyalidad ng “pagbabakwit,” halaw sa salitang Ingles na “evacuate,” sa bansa. Ramdam ang nakakagalit na sakit at pighati bunsod ng dahas at dislokasyon. Natapos likhain noong 1989 para ipakita ang nagpapatuloy na pasismo sa tabing ng nagbalik na “demokrasya,” napapanahon ang pagpapakita nito ngayong 2017 sa harap ng pagdausdos ng pekeng demokrasya patungong lantad na pasismo.

Maaalala ang kwento ng Komunistang pintor na si Pablo Picasso. Nang makita raw ng isang sundalong Nazi sa Germany ang larawan ng painting niyang “Guernica,” tinanong siya nito: “Ikaw ba ang gumawa niyan?” Ang sagot niya: “Hindi. Kayo.” Pwedeng ipalit si Baen Santos at isang sundalong Pilipino sa kwento kaugnay ng “Internal Refugees.”

Narito ang “Corporate Crusade/The False Prophet,” painting ni Raoul Ignacio “Iggy” Rodriguez, na simpleng pagpapakita ng diyalektikal na pagtatambal at pagiging kambal ng malaking kapitalista at ng makinarya ng panunupil at pananakop. Simpleng paglalantad ito ng tunay na brutal na batayan ng marangal na postura ng sistemang kapitalista.

Sa “Mag-uuma,” maikling sipi sa isang bidyo-dokumentaryo, ipinakita ni Kiri Lluch Dalena ang pag-awit ng isang magsasaka sa Bukidnon na biktima ng militarisasyon noong rehimeng US-Noynoy Aquino. Tungkol sa pang-aapi at paglaban ang awit, at nag-iimbita na alamin ang kwento ng mga mag-uuma at makiisa sa kanila. Ang pagiging payak ng sipi, nagdidiin sa pagiging makatotohanan ng salaysay.

Nasa eksibit din ang “Armaggedon” ni Federico “BoyD” Sulapas Dominguez. Puti at itim ang imahen, kaiba sa karaniwan nang makukulay na likhang-sining ng beteranong pintor. Kakatwa ang mga napiling kulay, dahil tuligsa ang likhang-sining sa impormasyong pinapalabas ng telebisyon o ng midya ng malalaking kapitalista sa kabuuan.

Katangi-tangi naman ang mga drowing ng mga estudyanteng Lumad ng Bakwit School, na nagpoprotesta sa militarisasyon ng kanilang mga paaralan at komunidad. Malinaw ang ipinapakita ng mga payak na drowing: mga bata, mga estudyante, paaralan at militar – kumbinasyong sapat nang umani ng pagkondena sa kalagayan at pakikiisa sa mga biktimang lumalaban.

“Bihag”, by Leonilo Doloricon x Tom Estrera

Images of today’s proletariat, imprisoned and chained; labor dispossessed and made invisible daily. Let us never forget that most of what we claim to possess is borne on the backs and shoulders, yielded by the sweat and blood of the toiling masses.

Preview of ‘Bihag’ (2017), a collaboration between Leonilo Doloricon and Tom Estrera. On view at the Dissident Vicinities exhibit at Bulwagan ng Dangal in UP Diliman.

#dissidentvicinities

Posted by Dissident Vicinities on Tuesday, August 22, 2017

Kapansin-pansin naman ang mga likhang-sining na nagmaksimisa sa mga posibilidad ng porma na ipinapahintulot, o hinihingi pa nga, ng venue ng eksibit na tila museo. Maraming likhang-sining ang multi-media, na humahalaw pa rin, sa iba’t ibang paraan, sa mga naunang porma ng likhang-sining.

Tampok dito ang mga naiilawang larawan at bidyo ng iba’t ibang effigy na nilikha ng UGATLahi Artists Collective sa nakaraang mga taon na nagpapakita ng tuligsa sa iba’t ibang pangulo. Mahusay na naitanghal ang mahalagang papel at praktikal na gamit ng mga effigy sa mga protesta. Ipinapaalala rin ng mismong porma ng pagpapakita sa eksibit ang malakas na rehistro sa telebisyon o anumang screen ng bidyo ng effigy sa gitna ng protesta, lalo na ang pagsunog sa mga ito.

Tampok din ang maiksi at nambabagabag na “Bihag” nina Leonilo Doloricon at Tom Estrera. Ang mga dibuho ng beteranong pintor, pinakilos sa animation ng nakababatang alagad ng sining. Kakatwa: pinagalaw ang mga tao sa imahe – manggagawa, magsasaka – para ipakita, sa kanilang paulit-ulit na pagkilos, ang pagkapako sa isang kalagayan sa sistemang ito na katulad ng bihag.

Narito yata ang pinaka-galit na effigy ni Duterte na nalikha hanggang sa ngayon – ang “Death’s Head” ni Renan Ortiz, hindi magugustuhan ng mga ka-DDS. Hitler at mala-demonyo ang paglalarawan, bunsod ng pamamaslang sa mga pinaghihinalaang adik at sa mga aktibista, sa papaigting na panunupil, at pagtalikod sa mga pangako sa sambayanan. Pinalutang sina Ronald “Bato” dela Rosa ng pulisya at Delfin Lorenzana ng militar, mga nangungunang utak-pulbura sa gobyerno ni Duterte.

Mula sa 'The Rustle of Leaves' ni Karl Castro

Mula sa ‘The Rustle of Leaves’ ni Karl Castro

Sa “The Rustle of Leaves,” ipinakita ni Karl Castro, gamit ang mga dahon, liwanag mula sa likod ng mga ito, at mga imahe ng binti, hita at paa na nakatatak sa mga ito ang pagiging saksi ng kalikasan sa kanayunan sa iba’t ibang tagpo ng presensya ng militar, presensya ng NPA, kabuhayan ng masa, at iba pa. Kakaibang paraan ng pagpapakita, at pagtanaw, sa araw-araw na reyalidad ng tunggalian sa kanayunan.

Isang simpleng painting ang “Objects That Object” ni Henrielle Pagkaliwangan na nagpapakita ng iba’t ibang gamit – plakard, balatengga, effigy, bandila – na iniluwal ng mga protesta. Dito, ang mga bagay na parang hangin na hinihinga na lang para sa mga aktibista, hinango para ipakitang likha at ambag.

Sa “Mayflowers (Stories we only learn through Skype calls and letters)” ni Nathalie Dagmang, ipinalabas ang tamis at pighati ng buhay ng Overseas Filipino Workers at kanilang pamilya, na sentral na sa buhay ng ating bayan. Ipinakitang tagos hanggang pamilya, at hanggang puso, ang epekto ng kawalang-trabaho sa ating bansa, bunsod ng atrasadong agrikultura at bansot na industriya.

Mula sa “Objects That Object” ni Henrielle Pagkaliwangan

Mula sa “Objects That Object” ni Henrielle Pagkaliwangan

May malalaking panel na nagpapakita ng mga pinalaking pahina mula sa Philippine Collegian, opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng UP-Diliman. Ang laman, mga artikulo at larawan tungkol sa malalaking kilos-protesta noong dekada ’70 at ’80. Mayroon ding pinalaking sipi ng serye-seryeng paglilimbag ng librong Philippine Society and Revolution na may titulong “Philippine Crisis and Revolution.”

Natatangi ang “Third from the World” ni Renz Lee sa paggamit ng mga lumang larawan at chalk sa pader para ipakita ang pagkakatulad ng mga bansa sa Timog Silangang Asya pagdating sa dominasyon ng dayuhang kapangyarihan, karanasan sa awtoritaryanismo, at paglaban ng kilusang masa. Para itong pinagandang leksyon sa klase, kung saan pinatampok ang pagiging mahalaga ng mga kilusang estudyante sa paglakas ng buong kilusang masa sa naturang mga bansa. Dito, ang relatibong bagong nilalaman hinggil sa rehiyong kinabibilangan ng bansa, hindi inurungan at hinanapan ng mainam na porma.

Sa pagbubuod, pagdating sa tema, positibo sa Dissident Vicinities ang paglalarawan sa kalagayan ng masang Pilipino, gayundin ang paglalantad sa mga pangulo ng Pilipinas na pawang reaksyunaryo. Kaugnay ng mga aspetong ito, gayunman, makikita ang kahinaan ng hindi pagpaksa nang may diin sa lumalaking hanay ng maralitang lungsod at paghahari ng imperyalismong US sa bansa.

Sekundaryo ang mga punang ito, gayunman, lalo na’t kung ikukumpara sa malaking pangunahing positibo sa eksibit – ang paglalarawan, sa napakaraming buhay na porma, kapwa sa sabayang armado at hindi-armadong pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Masasabi ito tungkol sa mga pinaksa ng mga mayor na likhang-sining sa eksibit, ngunit masasabi rin ito kaugnay ng buong eksibit mismo, na maituturing ding bahagi ng naturang pakikibaka. Sana’y maitanghal ito sa maraming lugar at maraming kababayan ang makakita.

30 Agosto 2017

Featured image: Detalye mula sa “Buhay-Gerilya” ni Melvin Pollero

Para sa lupa, para sa kaunlaran

$
0
0

Mayaman ang Pilipinas. Bagamat marami-rami na ring likas na yaman ng bansa ang nadambong ng mga imperyalista at kumprador, kalakhan pa rin ng yaman ng bansa ay nasa pusod ng mga kabundukan.

Sa listahan ng “pinaka-“ ay hindi pahuhuli ang Perlas ng Silangan: isa ang Pilipinas sa pangunahing prodyuser ng ginto, nickel, at tanso sa daigdig. Angkop din ang lupa para sa agrikultura kung kaya maraming plantasyon ng prutas pang-eksport gaya ng saging, pinya, at mangga. Dahil naman sa posisyon ng Pilipinas sa mundo, malaki ang nalilikhang enerhiya ng mga dam na kadalasang isinusuplay sa mga minahan na nasa kabundukan.

Hindi nakakagulat na dumaraming dambuhalang dayuhang korporasyon ang gustong sumasawsaw sa yaman ng mga kabundukan ng Pilipinas. Naibunyag ito kamakailan ng dating kalihim ng Department of Environment and Natural Resources na si Regina “Gina” Lopez. Sunud-sunod niyang ipinasara ang malalaking minahan na aniya’y di rumerespeto sa kabuhayan at kalusugan ng mga mamamayang nakatira sa palibot ng kanilang mga istruktura.

Pero bago pa man ang crackdown ni Lopez sa iresponsableng mga minahan, nariyan na ang pambansang minoryang binubuo ng mga katutubo’t Moro na aktibong lumalaban sa mga mapaminsalang gawain ng mga kompanya sa kanilang mga lupain. Ang mga pandarambong na ito’y nagbunga ng malakas na pagtutol ng mga mamamayang nakatira sa palibot ng mga dam, minahan, at plantasyon.

Nitong nakaraang mga taon, naglulunsad ang mga grupo ng pambansang minorya ng Lakbayan mula sa kanilang mga lupain patungo sa Maynila para ipaalam sa mga kapwa Pilipino ang mga nangyayari sa kanilang lugar na kadalasa’y hindi naaabot ng midya.

Laban sa ganid

Malaki ang kontribusyon ng malakas na paglaban ng mga katutubo’t Moro sa pagpoprotekta ng kalikasan. Napipigilan ng mga ito ang agresibong pagkaubos ng yamang-mineral ng bansa na hindi naman napapakinabangan ng mga Pilipino.

Sa tala ng Mines and Geosciences Bureau, kalakhan ng 311,000-ektaryang nasasakupan ng mga minahan sa Mindanao na aabot sa P313-Bilyon ang halaga ng yamang mineral ay nasa loob ng lupang ninuno ng mga Lumad. Gayumpaman, hindi ang katutubo ang nakikinabang sa mga yamang nabubungkal dito. Pinatunayan ito ng tala ng MGB: Nakapagbungkal ang malalaking minahan sa bansa ng yamang-mineral na aabot sa 1.7-Trilyon ang halaga pero P1.6T ng kabuuang halaga nito ang napunta sa mga dayuhang mamumuhunan.

Sa kabila nito, mga katutubo at magsasaka ang magdurusa sa masamang epekto ng malawakan at komersiyal na pagmimina. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit aktibo ang Kalumaran, organisasyon ng mga Lumad sa Mindanao, sa Lakbayan noon at ngayong taon.

“Noon pa ang laban namin sa pagpasok ng dambuhalang minahan. Patuloy na expansion ng monocrop plantation, dahil ito yung direktang kumuha ng aming lupaing ninuno. Para sa amin, ang lupa ay buhay. ‘Pag kinuha na ng mina, kinuha na ng dam yung lupa namin, kinuha na rin nila yung buhay namin,” ani Dulphing Ogan, kinatawan ng mga Lumad sa alyansa ng pambansang minorya na Sandugo.

Kasama ng mga Lumad sa Sandugo ang mga Aeta na ikinakampanya ang pagpapatigil sa itinatayong Clark Green City at Balog-Balog Dam na mag-aalis umano sa libu-libong katutubo at magsasaka sa kanilang tirahan at sakahan.

Sa Timog na bahagi ng bansa, malakas din ang pagtutol ng Sandugo sa malalaking plantasyon ng prutas na ineeksport sa ibang bansa gaya ng Lapanday Foods Corp., sagingan sa Davao del Norte. Mabagsik ang mga kemikal na ginagamit sa mga pinya, saging, at palm oil kaya walang peste ang nakakadapo dito, pero dinudumihan ng labis na kemikal ang lupa at dumadaloy sa mga ilog pagkatapos ng ulan. Nagkakasakit ang mga nagsasaka sa paligid ng mga plantasyon at nadadamay sa mapaminsalang kemikal ang mga tanim nila.

Pagtatanghal ng mga Lumad sa salubungan ng iba't ibang delegado ng Lakbayan. <b>Cindy Aquino</b>

Pagtatanghal ng mga Lumad sa salubungan ng iba’t ibang delegado ng Lakbayan. Cindy Aquino

Laban sa pasismo

Itinuturing din na malaking problema ng mga katutubo’t Moro ang pagpapatupad ng batas militar sa Mindanao.

“Patuloy ang aming panawagan na itigil na itong martial law sa Mindanao. Bukod sa wala itong sapat na dahilan, gumagrabe ang militarisasyon sa aming lugar,” ani Ogan.

Hindi maganda ang karanasan ng Lumad sa mga militar, ayon kay Ogan. Nagsilbi itong mga “tagapagtanggol” ng mga minahang gusting pumasok sa kanilang lugar maski pa hindi nila pinahihintulutan ang mga ito.

Pinalala rin umano ng batas militar ang aerial bombing sa lupaing Lumad bagamat dati na silang binobomba ng Armed Forces of the Philippines (AFP), hindi pa si Duterte ang nakaupong presidente. Ikinababahala rin umano nila ang kawalan nila ng seguridad sa kamay ng mga military dahil sa labis na kapangyarihang ibinibigay ng batas militar sa AFP.

“Aakyat sila sa bahay mo, magtatanim ng ebidensiya, o maghahanap ng kung ano doon, hindi ka na makakuwestiyon. Kung masalita ang lumad, sasabihin ng militar, ‘martial law (kasi).’ Tumahimik ang Lumad, natatakot,” ani Ogan. Kamakailan lang, inutusan ni Duterte ang AFP na bombahin ang mga paaralang Lumad na itinayo ng mga katutubo ng walang tulong ng gobyerno.

Para sa kaunlaran

Madalas na pinagbibintangang “kontra-kaunlaran” ang mga katutubo dahil sa pagtutol nila sa mga “proyektong pangkaunlaran” na pumapasok sa kanilang lupain. Pero ayon kay Ogan, ang mga mapaminsalang mga proyekto lamang na hindi naman pakikinabangan ng mga Pilipino ang tinututulan nila.

Giit ng mga katutubo, hindi sila kontra sa kaunlaran—basta pakikinabangan ito ng mayorya ng mga Pilipino. Katunayan, pabor ang Sandugo sa pagpapatupad ng pambansang industriyalisasyon. Nais umano nilang masiguro na Pilipino ang pangunahing makikinabang sa kayamanan ng bansa.

Malaki ang potensiyal ng Pilipinas na umunlad kung gagamitin nito ng tama ang mga likas na yaman ng bansa. Sapat ang populasyon ng bansa para matutustusan ang pangangailangan sa lakas-paggawa. Pero dahil wala naman tayong batayang mga industriya na paglalagakan sa kanila, napipilitan silang mangibang-bansa. Ang mga mineral namang nabubungkal sa lupain ng Pilipinas, sa halip na gamitin sa loob ng bansa, lumalabas at bulsa ng malalaking dayuhang kapitalista ang nakikinabang.

Palaging sinasabi ni Pangulong Duterte na ayaw niya sa mapanirang pagmimina. Pero pinatutupad pa rin niya ang mga polisiyang pag-akit sa dayuhang pamumuhunan bilang pamamaraan ng “kaunlaran” sa halip na itulak ang pambansang industriyalisasyon. Para sa Sandugo, hindi rin sapat ang gusto ni Duterte na patawan lang ng mas malaking buwis ang malalaking minahan. Napakaliit na bagay umano ng buwis kumpara sa nagiging epekto nito sa kabuhayan at kapakanan ng mga mamamayan.

Nauunawaan ng mga katutubo sa Sandugo ang malaking pangangailangan ng bansa sa aspektong ito kung kaya bitbit nila ang interes ng sambayanan sa bawat Lakbayan taun-taon.

“Likas-yaman ito ng Pilipinas. Para ito sa mga Pilipino. Magtayo tayo ng sarili nating industriya para magkaroon tayo ng tunay na kaunlaran at magkaroon ng trabaho ang mga Pilipino,” pagtatapos ni Ogan.


 

Katutubong kahulugan ng ‘kaunlaran’

$
0
0

Panahon na ba para ilabas muli ang mga pana’t itak?

Nariyan muli ang mga magnanakaw, ang mga dayuhang nagpapakilalang may-ari ng lupa sa bisa ng kapirasong papel. Para sa mga Aeta ng Gitnang Luzon, di naman tumigil ang digmaan laban sa mga dayuhang mang-aagaw ng kanilang kabuhayan, tirahan at kinabukasan.

Bagamat nasira na ang ilan sa kabundukang nasa ancestral domain ng mga Aeta, malaki pa rin ang hindi nagagalaw. Target itong pasukan ng nagpapakilalang “development projects.”

Ang “Clark Green City” na ngayo’y nagpalit-tawag na “New Clark City” ang isa sa mga proyektong pumapasok sa lupang katutubo at nanganganib na magpalayas sa higit 20,000 katutubo’t magsasaka sa Tarlac.

“Sa amin, pag-aari ng buong tribo ang mga bundok, ang mga lupa. Dito [sa siyudad], ang daming guhit, puro bakod, gusto lahat pag-aari niya,” ani Johnny Basilio, lider ng mga Abelling at pangkalahatang kalihim ng Aeta Tribal Association. Kasama sa Lakbayan ng Pambansang Minorya ang kanilang tribo.

Aniya, hindi bago ang problemang dala ng Clark Green City na kakain ng halos 10,000-ektaryang lupaing katutubo.

Noong 1947, hindi lubos ang pagpayag ng katutubo sa paggamit nito bilang base militar ng mga Amerikano sa bisa ng Military Bases Agreement. Taong 1991, nang mapaso ang kasunduang ito, binuo ni dating Pang. Corazon Aquino ang Bases Conversion Development Authority (BCDA) para mapanatili sa gobyerno ang kontrol sa mga lupain. Sa administrasyong Benigno Aquino III, naganap ang pirmahan para sa Clark Green City sa ilalim ng iskemang Public-Private Partnership.

Sari-saring paglabag sa karapatang pantao ang naidulot ng proyekto. Ang masama, ipinagpatuloy ni Pangulong Duterte ang planong Clark Green City na minadaling pirmahan ni Aquino III bago matapos ang termino niya.

Ayon kay dating Agrarian Reform Sec. Rafael “Ka Paeng” Mariano, produktibong lupain ang gustong “paunlarin” ng Clark Green City. Nagluluwal ng pagkain ang 10,000-ektaryang lupaing agrikultural na gustong ikumbert ng proyekto.

Maliban sa Clark Green City, nariyan rin ang banta ng pagtatayo ng Balog-Balog Dam sa lupain ng Aeta. Pinalayas ang katutubo nang walang relokasyon. Ang iba, sa gilid ng bangin pinalipat.

Dagdag ni Boranza Solid, ang lider ng mga Aeta sa Zambales, malaki ang nasira ng development projects ng mga negosyante sa lugar.

“Ang problema naming diyan, mayro’ng nakulong na tubig—‘yung pinagbabanlawan ng ginto. Nagkaroon ng kemikal na hindi puwedeng inumin ng kalabaw, at kung may sugat kang maliit, palaki ng palaki ang sugat mo,” ani Solid.

Ang tinutukoy ni Solid na minahan sa San Marcelino’y pinagtulungang proyekto ng Benguet Corp. at Dizon Copper and Silver Mines Inc. na kamakailan lang ay kinastigo ni dating Environment Sec. Gina Lopez dahil sa open pit na iniwan nito sa lugar.

“Hanggang ngayon, naglalaga pa naman ng hilaw na saging ang katutubo at nakabahag pa rin. Walang yumaman na katutubo bagamat napakarami ng lumabas na ginto sa kanyang lugar,” ayon kay Solid.

Ito ang ayaw ng katutubo—ang “madamot na kaunlaran” na gustong ipasok ng mga negosyante sa kanilang lupain. Sisirain ng madamot na kaunlarang ito ang kabundukang nakukumutan ng kagubatang humalukipkip sa kanilang matandang kultura.

Ang katutubong kahulugan ng “kaunlaran” ay sama-samang pag-unlad at hindi lamang para sa iilan.


 

Demolisyon sa Floodway

$
0
0

Hindi na lang disente at abot-kayang pabahay ang inaasam ng mga-Brgy. Sta. Lucia sa Floodway ng Pasig City. Laban din ito para sa pagtatanggol ng kanilang karapatang pantao lalo na ng kabataan.

Para sa kanila, pinakita ng marahas na tangkang demolisyon ng kapulisan ng Pasig City kung papaano ipinagkakait sa kanila ang ganitong mga karapatan. Sa naturang demolisyon, inaresto ng pulis ang 41 residente at ilang miyembro ng Balikwas Kadamay, kabilang ang 10 menor-de-edad.

Ang kasalanan lang nila: Manawagan para sa kanilang karapatan sa maayos at abot-kamay na pabahay.

Nakipagdiyalogo

Ayon sa mga residente, mapayapa naman ang paggiit nila ng kanilang mga karapatan.

Ginawa nila ang lahat ng legal na paraan para ihapag ang mga hinaing. “Bago pa lang kami magtayo ng barikada, nagpunta na kami kay Mayor (Robert Eusebio ng Pasig) para makipagdiyalogo. Pero pulis ang ipinadala nila sa amin. Pagbalik namin, may mga pulis na sa lugar namin,” ani Maan (di-tunay na ngalan), mahigit 15 taon nang naninirahan sa Floodway.

May matibay na batayan ang kanilang paggiit. Taong 1994, dahil sa paggiit ng mga mamamayang nakatira malapit sa hilaga at silangang bahagi ng Manggahan Floodway (na umaabot mula Rizal hanggang Pasig), naglabas si Pang. Fidel Ramos ng Presidential Proclamation No. 458.

Dito, iniutos ni Ramos ang paglipat ng mga lupain sa Floodway sa pangangasiwa ng National Housing Authority (NHA) para tayuan ng socialized housing para sa mga residente na tulad ng mga nasa Brgy. Sta. Lucia.

Pero taong 2009, nabalitaan nilang babawiin daw ng gobyerno ang lugar. Nag-utos si dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo na gagamitin daw ang lugar para sa “para sa komersiyo.”

Matapos mailabas ang proklamasyong ito, palagi na silang nakakatanggap ng “notice for demolition.” Minsan, nakakatanggap sila nito sa pamamagitan ng sulat. Minsan naman, sa pamamagitan ng tarpaulin na itinatayo sa kanila mismong paligid.

Itataboy sa malayo

Di lubos-maiisip ng mga residente ng Floodway na 40 taon nilang paniniraha’y mauuwi lang sila sa relokasyong malayo sa hanapbuhay.

“Ayaw naming tumira sa sa relokasyon inaalok nila. Sa Laguna pa iyon at narito ang trabaho ng amin. ‘Yung isa namang inaalok nila kahit na mismong gumawa’y sinabi na h’wag kaming titira doon. Isang lindol lang wala na ‘yon,” ani Aling Josie (di-totoong ngalan), 17 taon nang naninirahan sa Floodway.

Isa sa dahilan ng lokal na gobyerno ng Pasig na ang lugar na ito’y kabilang sa “danger zones” dahil malapit sa ilog. Pero pinabulaanan ito ng mga residente. Anila, ilang bagyo na ang dumaan sa lugar—kabilang ang bagyong Ondoy at ilang habagat—pero ni isa’y walang napabalitang namatay o nalagay sa peligro.

Ang lugar pa umano nila ang nagkanlong sa mga residenteng naapektuhan ng mga bagyong dumaan. “Dinadahilan lang nila ang mga danger zone na iyan. Kung bumaha man sa amin, hanggang talampakan lang,” ani Aling Josie.

Kalayaan at pabahay

 Bukod sa 29 naaresto sa mismong pinangyarihan ng kilos-protesta, agad tumaas ang bilang ng mga naaresto sa 41 matapos magsagawa ng “hot pursuit” ang kapulisan sa kalaliman ng gabi.

Kasama sa mga naaresto ang asawa ni Arlene Romero, isang labandera, na si Mang Lito. Si Mang Lito ay ama at ang pangunahing bumubuhay kanyang asawa at limang anak. Pero pansamantalang natigil ang paghahanapbuhay ni Mang Lito sa kanyang pamilya.

“Hindi na nga muna pumapasok ang mga anak ko kasi walang pampagkain at pambaon ang mga anak ko. Hirap na hirap na ako,” ani Aling Arlene.

Bukod pa sa problema sa anak, ay problema din ni Aling Arlene ang araw-araw na pampagkain at pambayad na P50 sa mga kasama sa piitan ng kanyang asawa dahil na rin sa umiiral na sistemang “takal” sa loob ng Pasig City Jail.

Ilan lang ang pamilya ni Mang Lito at Aling Arlene sa mga pamilyang may kaanak na inaresto. Isa lang din sila sa mga pamilyang naghahangad ng tirahan, pero sakit sa katawan at kalooban ang natamo.

Pinaghahanda ng P14,000 ang pamilya ni Aling Arlene upang mapiyansahan ang asawa. Ganito rin ang halagang hingi sa mga naaresto. Sampu sa 41 naaresto’y nasa edad 12 hanggang 17. Anim sa mga ito, nahuli sa mismong kilos-protesta, habang apat ang nahuli rin sa isinagawang “hot pursuit” ng pulisya.

Ang kabataang ito’y dinala sa women’s desk ng Pasig City Jail at kalauna’y dinala sa Pasig Youth Homes o Bahay Aruga na katabi lamang ng nasabing kulungan.

Bilanggong kabataan

Salungat sa pangalang Bahay Aruga, ang 10 kabataan na dinala doo’y tila hindi aruga ang nararanasan mula sa mga humahawak sa kanila. Isa sa kabataa’y nagsabi sa abogadong si Kathy Panguban na ang pinilipit ng isang pulis ang kanyang braso.

Ayon kay National Anti-Poverty Commission Sec. Liza Maza, na rumesponde sa demolisyon (pero di pinapasok sa Bahay Aruga, sa utos ni Eusebio), may dalawang streetsweeper ang nakausap siya. Sabi ng mga ito, nagwawalis sila sa tabi ng Bahay Aruga nang tawagin sila ng dalawang batang lalaki na may edad na 11 hanggang 12. “Ate, tulungan n’yo kami. Alisin niyo po kami dito,” sabi umano ng dalawang bata.

Naunang rumesponde si Social Welfare and Employement Usec. Malou Turalde. Pero hindi siya pinasok, kasama si Gabriela Rep. Arlene Brosas. Ganudin ang sinapit nina Maza at Kabataan Rep. Sarah Elago. Sa kabila ng pagpupumilit nila, hindi rin sila pinapasok sa Bahay Aruga sa utos ni Eusebio. Pinuntahan nila ang tanggapan ni Eusebio pero hindi sila hinarap nito.

Maging sa mismong mga magulang, ikunukubli ang mga bata. Dahil dito, naghanda si Panguban na magsampa ng petisyon para sa writ of habeas corpus kontra sa Bahay Aruga at lokal na gobyerno ng Pasig.

Sa pagkakasulat ng aritkulong ito, hindi pa rin napapalaya ang 41 na residente ng Sta. Lucia, pati ang walo sa 10 menor-de-edad. Hindi pa rin napapakita sa mga magulang nila ang naturang mga bata.

Sa kabila nito, desidido ang 1,000 pamilyang residente ng Sta. Lucia na ipaglaban ang kanilang mga bahay at karapatan.


Featured image: Larawan ng bisita ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate sa nakakulong na mga residente ng Floodway sa Pasig. Kuha ni Kathy Yamzon

Bahaghari ng kanayunan

$
0
0

Pagdampi ng liwanag sa kabundukang dinaanan ng bagyo, mabubuo ang bahaghari na tumatawid mula sa langit patungong lupa. Kung sa kabundukan ng Bukidnon iyan, mayroong isang Dats Anne—hinulma ng pakikibaka sa lupa, katutubong lesbiyana.

Si “Dats Anne” o Angelly Ventura’y Manobo sa Bukidnon. Ang “Dats” na idinudugtong sa kanyang pangalan ay pinaiksing “Datu” o pinuno. Bagamat ang kapatid ni Dats Anne ang Bai ng kanilang tribu, nirerespeto siya ng komunidad dahil isa siya sa mga nanguna sa pagbawi ng kanilang lupa.

“Tinawag nila akong ‘Dats’ kasi nakita nila na marunong ako magdala ng mga tao. Di lang ako makadalo ng pakikibaka kung may sakit ako. Pero kung nasaan ang pakikibaka nandoon ako,” ani Dats Anne.

Ayon kay Dats Anne, ang lupang ninuno nila sa Botong, Quezon, Bukidnon ay pilit na inuupahan ng Davao-Ventures Corporation (Davco), sosyohan ng Del Monte Philippines Corp. at Anflo Management And Investment Corporation (Anflocor). Taong 2009, nang mapaso ang kontrata nito sa lupa nila, nakaranas sila ng panghaharas para sapilitang papirmahin ng Memorandum of Agreement na magpapatuloy sa plantasyon ng Davco.

Si Dats Anne ang isa sa mga nag-organisa para makipag-usap sa administrasyon ng kompanya at lokal na gobyerno.

Nagpiket siya at mga katribu niya sa labas ng munisipyo. Nang hindi pa rin mapalayas ang plantasyon, pinasok na nila ng sapilitan ang kanilang lupain pero pinagbabaril sila ng mga tauhan nito. Marami ang nasugatan at namatay.

“Nakipag-usap kami, pero pinagbabaril kami. Nagpalipas kami ng isang linggo, pinasok na naman namin. Talagang nakuha namin ‘yung lupang ninuno na walang tulong ng gobyerno,” ani Dats Anne.

Dalawang dekada na ang nakakaraan, tulad ng maraming miyembro ng LGBT (Lesbians, Gays, Transexuals, Bisexuals) community, nakaranas siya ng diskriminasyon. “Mahirap talagang tanggapin sa komunidad na isa kang LGBT. Bakit ka tomboy? Maiimpyerno ka,” ani Dats Anne.

Maging ang mga magulang niya’y nahirapan sa pagkilala sa napili niyang kasarian. Humantong pa ito sa paghahanap ng mapapangasawa niya sa kanilang tribu. Lumuwas siya patungong Maynila at doon niya nakilala ang kanyang karelasyon nang 10 taon. Niyaya niya itong sumama sa kanya pabalik ng Bukidnon na ikinagulat ng kanyang magulang.

“Ang paniniwala sa tribu namin, pag nag-asawa ka ng ganito (parehas ang kasarian), uulan daw, babagyo,” aniya.

Hindi lang si Dats Anne ang nakaranas ng diskriminasyon, maging ang karelasyon niya’y biktima rin ng makitid na pangmamata sa mga LGBT. Kristiyano ang karelasyon ni Dats Anne at nang minsan umano siyang yayain nitong magsimba, may humarang sa kanila sa pintuan ng simbahan dahil ang kasuotan niya ay panlalaki.

Hanggang sa ngayon, patuloy si Dats Anne sa pag-eeduka sa kanyang mga katribu at kakilala tungkol sa usapin ng kasarian. Pero ayon sa kanya, dapat mas malawak ang pagtingin ng mga LGBT mismo sa isyung ito.

“Ipaglalaban ko ang sarili ko, pero hindi lang para sa sarili ko. Lalong (ipinaglalaban ko) ang lupang ninuno. Ang pakikibaka ko sa pagka-LGBT ay nanggaling sa lupang ninuno. Ang lupang ninuno’y buhay ng mga Lumad. Isa akong LGBT na Lumad,” ani Dats Anne.

Si Dats Anne ay isang bahaghari ng kanayunan—hinubog ng bagyo at nakasandig ang pakikibaka sa lupa.


 

Papel na tigre ang rehimeng Duterte

$
0
0

Magkakasunod ang eskandalong bumabayo sa gobyerno ni Rodrigo Duterte. Kaliwa’t kanan din ang mga krimen nito sa sambayanan. Sa ganitong kalagayan, may mga nagtatanong: Popular pa ba si Duterte sa mga mamamayan? Kung oo, bakit?

Sa kanyang artikulong“The Duterte dispensation,” sinikap ng komentaristang si Lisandro “Leloy” Claudio na sagutin ang mga tanong na ito. Bakit nananatiling mataas ang popularidad ni Duterte sang-ayon sa mga survey? Binagabag ng tanong na ito si Claudio, dating lider-kabataan ng Akbayan, ngayo’y lantad na maka-Kanan, at konsistent na anti-Komunista.

Aniya, popular si Duterte dahil naghapag ito ng makapangyarihang “dispensasyon,” “naratibo,” o “kwento.” Halaw ang unang salita sa konserbatibong historyador na Amerikanong si Mark Lilla. Sa isang panayam, sinabi ni Lilla na tinutukoy ng salita ang “partikular na mga palagay (assumptions) tungkol sa kung ano ang mahalaga sa pulitika – ano ang pwedeng sabihin, ano ang hindi sinasabi, ano ang wika ng mga debate…” Ang totoo, hindi na bago ang konsepto, at may kahawig na matagal nang tinatalakay ang Amerikanong liberal-progresibong pilosopo na si George Lakoff.

Anu’t anuman, popular daw si Duterte ayon kay Claudio dahil binabago nito “kung ano ang ibig sabihin ng mamamayang Pilipino.” Ang kwento raw nito: pinagmukhang masama ng mga naghaharing uri ang diktadura, pinalabas na demokrasya ang solusyon, pero hindi gumana ang demokrasyang ito. Mali ang mga oligarko, biased na midya, mga Amerikano, at mga liberal. Tanging karaniwang tao at si Duterte ang tama, at kailangang tulungan si Tatay Digong.

Tila ipinagpapalagay ni Claudio na nanalong pangulo si Duterte sa eleksyon dahil sa naturang “dispensasyon.” Pero hindi niya naipaliwanag kung bakit naging makapangyarihan ang “dispensasyon” na ito. Tiyak, iniiwasan niyang kilalanin ang anumang totoo sa kwento ni Duterte, partikular ang pagiging palpak ng “demokrasya” sa bansa na magdulot ng pagbabagong pabor sa mga mamamayan. Pero mas mahalaga, kapos ang pag-unawa niya sa aktwal na takbo ng pulitika.

Sa kalakhan, ideyalista sa pilosopiya ang paliwanag ni Claudio kung bakit popular si Duterte. Gumawa ng dispensasyon o kwento at maging popular sa mga mamamayan; tila ba ganoon kadali ang pulitika. Pabor ang paliwanag na ito sa mga intelektwal na tulad niya, dahil inilalagay nito sila sa gitna ng pulitika ng bansa.

Tugma rin ang ganitong paliwanag sa pagkamuhi ni Claudio sa Kaliwa – na siniraan niya sa artikulo. Aniya, ang Kaliwa lang ang may alternatibang “dispensasyon” kay Duterte, pero dapat itong ibasura ng mga mamamayan. Walang anumang ebidensya, sinabi niyang ang alternatiba ng Kaliwa ay lipas na sa panahon, uhaw sa dugo, lantarang bobo, at iba pa.

Tutol man si Claudio kay Duterte, ang ideyalismong pilosopikal niya sa kasaysayan ay naglilingkod sa mga naghahari sa lipunan. Isinasantabi nito ang materyal na reyalidad ng sambayanan at ang tunggalian ng mga uri at mga pwersang pampulitika. Sa dulo, binabanatan pa nito ang Kaliwa – na siyang lilikha, sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos nito, ng materyal na pwersa na lalaban at magbabagsak sa rehimen ni Duterte.

Mas lapat sa lupa at maalam sa pulitika ang pag-unawa ng mga manunuring pampulitika na kritikal kay Duterte at bukas ang pag-iisip sa Kaliwa. Si Tony La Viña, halimbawa: “Ikinagagalak ko ang pagpasok ng pambansa-demokratikong Kaliwa sa koalisyong ito para itigil ang pamamaslang. Ang totoo, sa mga grupong pampulitika, sila lang ang may mga organisasyong masa na pwedeng maging nasa unahan ng mga protesta at iba pang sama-samang pagkilos.”

Duterte at mga opisyal ng Philippine National Police: Dapat managot sa mga abuso sa ilalim ng giyera kontra droga. Presidential Communications

Kilalanin natin: popular, popular pa rin, sa mga mamamayan si Duterte. Pero bakit? Kung matatandaan, hindi malakas na nagsimula si Duterte bilang kandidatong presidente. Abril 2016 na siya nanguna sa mga survey, isang buwan bago ang halalan. Ang mayroon siya sa simula, lalong malinaw na ngayon, ay solidong alyansa – kasama ang mga Marcos, si Gloria Macapagal-Arroyo, isang hanay sa militar at pulisya, at malamang ay China.

Pinalaki niya ang pinsala at panganib ng droga at nangako ng mapagpasyang paglutas. Matapang siyang nangako ng mga repormang matagal nang hinihingi ng maralita at mamamayan – bagay na kumabig din sa isang seksyon ng Kaliwa. Pinag-iba niya ang sarili hindi lang sa mga kandidato ng Liberal Party, kundi sa mga tradisyunal na pulitiko. Ang lahat ng ito, ipinakete niyang “Tunay na Pagbabago.”

Sa proseso, lumakas ang kanyang kampanya at nakuha niya ang botong protesta laban sa rehimen ni Noynoy Aquino. May solido siyang alyansa at may hatak na mas malawak sa alyansang ito. Dumating ang Mayo 09 nang papalakas ang suporta sa kanya. Pero 38 porsyento lang ng boto sa pangulo ang nakuha niya – mas malaki na bilang kumpara sa ibang pangulo, pero mas maliit na porsyento kumpara sa kanila.

Tiyak, pagkatapos niyang manalo sa eleksyon, marami pang sumuporta sa kanya. Kalakaran ito, likha ng diskurso ng “demokrasya” ng US at mga naghaharing uri sa bansa: awtomatikong pagsuporta sa sino man ang nanalo, pagpapailalim sa mayorya, pagbibigay-tsansa sa nanalo, pagkakaisa ng bansa para sumulong. Makikita ito nang mahalal si Noynoy Aquino, kahit ang pangako lang niya ay anti-katiwalian at hindi mga sosyo-ekonomikong reporma.

Pero mas malamang, malaking bahagi ng tagasuporta ni Duterte ang pasibo. Iyung napapayapa ng mga simplistikong paliwanag ng mga propagandista ni Duterte sa iba’t ibang isyu: halimbawa, na pulis na dilawan ang pumatay kay Kian delos Santos para “isabotahe” ang gera kontra-droga at idiin si Duterte.

Minimal ang nakamit sa pagsisikap na itransporma ang pasibong suportang ito sa aktibong pagsuporta, sa porma ng tinawag na “Kilusan para sa Pagbabago.” Pero nabuo man ito o hindi, ang tiyak, ang mga mapanuring tagasuporta ni Duterte – iyung mga tumangan sa pangako niyang “Tunay na Pagbabago” at nangampanya sa batayan nito – ay kritikal na rin ngayon sa kanya, at posibleng tumutuligsa. Mas malamang, masasandigan sila para himukin ang kanilang mga ka-DDS na maging mas mapanuri, magpahayag at lumaban.

Ang mahalaga ngayon: matibay ang mga isyu laban kay Duterte. Ang mahalaga ay ang mga abanteng masa – handang magpalalim ng kaalaman sa mga isyu, handang kumilos. Hanggang makabuo ng kritikal na bilang ng masa para labanan ang mga patakaran ni Duterte – at posibleng para patalsikin siya.

Kung matatandaan, hindi mayorya ng sambayanan ang nasa Edsa noong 1986 at 2001, pero nakapagpatalsik ng pangulo. Ang dahilan: batayang moral sa pagpapatalsik, at kritikal na bilang ng masa ng mamamayan na tuluy-tuloy na kumilos laban sa nakaupong pangulo ng bansa.

At alam ito ni Duterte. Ang tugon niya, bukod sa pagtatangkang linlangin ang malawak na masa, ay ang paglikha ng mga banta sa iba’t ibang pwersang pampulitika sa banta. Mga kasong impeachment, banta, aktwal na atake, pagmumura, at iba pa.

Hindi awtomatiko, gaya ng inaasahan ni Claudio, na ang mga mayor na eskandalo ay makakapagpababa ng popularidad ng pangulo – lalo na kung bago pa lang sa pwesto. Mas ang tiyak: nakakapagbukas ang mga ito ng kaisipan ng malawak na masa ng sambayanan.

Walang tagumpay na hindi pinaghirapan, at lumalarga na ang mas malaganap na pagpapaliwanag, pagtatalakay at pag-oorganisa – sa pangunguna ng Kaliwa, syempre pa.

Noong simula ng rehimen ni Duterte, malinaw ang tindig at pagkilos ng Kaliwa. Itinulak ang mga pangakong pagbabago para sa sambayanan, tinutulan ang pamamaslang sa “gera kontra-droga,” at nilabanan ang pagpabor sa masasamang pwersang pampulitika sa bansa – Marcos, Arroyo – at ang pagpapailalim sa China.

Sa tinakbo ng mga pangyayari, gayunman, tinalikuran ni Duterte ang mga pangakong pagbabago, pinaigting ang pamamaslang sa “gera kontra-droga,” at tinodo ang pagpabor sa masasamang pwersang pampulitika.

Malinaw na priyoridad niya ang “gera kontra-droga.” Sa paggamit ng dahas sa kampanyang ito, lalo niyang pinalalim ang utang na loob niya sa militar at pulisya. Sa gayon, pinalalim niya ang kontrol ng mga ito sa kanya – mga institusyong sagad-sagaring maka-US, reaksyunaryo at militarista, na kalaban ng mga ipinangako niyang pagbabago.

Sa kabilang banda, kalat-kalat na sabi-sabi at bara-barang hakbangin ang mga pangako niyang pagbabago. Malinaw na wala siyang plano kung paano ipapatupad ang mga ito – mahusay na pagkakasunud-sunod, pagtukoy sa susing hakbangin, at iba pa. Lalong malinaw na walang planong papalalim ang mga pagbabagong ito.

Sa ganitong kalagayan, kinailangan lang ng krisis sa Marawi para maging lantad ang pangingibabaw ng naratibo ng US laban sa terorismo, itali ang gobyerno ni Duterte sa pakikialam ng US, at manumbalik sa kalakarang Noynoy ang gobyerno kaugnay ng US at militar at pulisya.

Prinsipyado samakatwid ang pagtuligsa ng Kaliwa kay Duterte, at nakabatay sa kagalingan ng sambayanang Pilipino. Na hindi masasabi tungkol sa Liberal Party at Akbayan, sa mga dilawan. Ang galit nila kay Duterte, iyung galit ng nawala sa kapangyarihan at gustong makabalik. Ang pakay nila, sariling interes sa kapangyarihan, sa paghawak sa gobyerno, hindi ang mapatigil ang kawalang-katarungan at pagpapahirap na ginagawa sa sambayanan.

Kaya naman ang tanging isyu ng mga Dilawan, iyung pinakalutang: pamamaslang sa gera kontra-droga at pagpabor sa mga Marcos. Malinaw ang pagsaludo ni Claudio, halimbawa, sa mga opisyal sa larangang pang-ekonomiya ng gobyerno ni Duterte.

Kakatwang basahin si Duterte bilang teorya ng pagkuha ng kapangyarihan. Sa kampanyang elektoral at kagyat pagkatapos ng eleksyon, magmantine ng alyansa at hikayatin ang suporta ng mga mamamayan. Pagkatapos ng eleksyon, maghari hindi sa pagtupad sa mga pangakong umani ng suporta ng mga mamamayan kundi sa pamamagitan ng dahas – pag-aalaga sa pulisya at militar – habang minamantine ang pasibong pagsuporta ng mga mamamayan.

Maaaring baguhin nang bahagya ang isang sipi mula sa talumpati sa panunumpa ni John F. Kennedy bilang pangulo ng US: Ang namumuno sa pamamagitan ng pagsakay sa likod ng tigre ay magtatapos sa loob ng tiyan nito.

Kung mayroon mang persepsyon na pumapabor kay Duterte, sa kabila ng mga krimen niya, ay iyung hindi niya ginagawa ang mga ito para sa sariling pakinabang. Pinapalabas pa ngang nagsasakripisyo, tinatanggap ang pagiging hindi ligtas, sa ngayon at sa hinaharap, para mapawi ang perwisyo ng droga sa bansa.

Pero mahalaga ang buhay at masama ang pumatay nang walang karampatang proseso, lalo na ng mga maralita. Sa “gera kontra-droga,” ipinapakita ni Duterte ang kawalan ng kagyat na pagpapahalaga sa buhay. Sa mga patakarang pang-ekonomiya niya, ipinapakita niya ang kawalan ng pagpapahalaga sa buhay sa matagalan – mahigpit na magkaugnay ito. Kaya nga mahalaga ring igiit na ang “gera kontra-droga” ay nakatuntong, sa maraming paraan, sa mga patakarang pang-ekonomiyang matagal nang ipinapatupad sa bansa.

10 Setyembre 2017

 


Trolls ng martial law

$
0
0

Trolls. Naglipana sila sa kung saan-saang comment section sa social media. Hindi mo sigurado kung sila ba’y totoong tao o mga ‘bot’ lang na pinagagalaw ng iilan. Pero kahit saan mo man sila mahagilap, iisa lang ang pakay nila: ang lituhin tayo sa katotohanan at tabunan ang dapat tandaan.

Pero sa pagkakataong ito’y sa entablado sila naligaw at pumasok sa buhay ni Hector, isang empleyado sa isang kompanya ng trolls at ng ilan pang karakter kabilang ang mga biktima ng batas militar sa panahon ng diktadurang Marcos.

Nagsimula ang istorya sa pagpapalitan ng opinyon at impormasyon ng dalawang magkalabang panig: Ang trolls na nagpapanggap na loyalista ni Apo laban sa netizens katulad ni Cons, matalik na kaibigan ni Hector, na tunay na may alam at may pakialam sa totoong nangyari noong panahon ng batas militar. Kanya-kanyang kuru-kuro at opinyon. Walang gustong magpatalo.

Si Hector o Heckler Beckler (pangalang gamit niya bilang troll sa kanyang trabaho) ang tumatayo bilang pangunahing tauhan ng musical na A Game of Trolls ng Philippine Educational Theater Association (PETA). May malaking tampo siya kay Tere, ang kanyang ina, dahil hindi siya lumaki kay Tere kundi sa kaanak. Habang nangungulila si Hector sa mga magulang, si Nanay Tere nama’y ginagampanan ang kanyang tungkulin sa bayan bilang aktibista.

Ito ang nagtulak kay Hector para pasukin ang propesyon na tatalikod sa mga pinaglaban ng ina. Ang pagpapatuloy ni Hector sa kanyang trabaho, naging dahilan upang makadaupang palad niya ang mga kaluluwang biktima ng batas militar na inilagay niya lamang sa kanyang cloud storage.

Ang paghihirap at patuloy na pakikipaglaban ng mga biktima ng batas militar ang unti-unting nagmulat kay Hector sa kung ano talaga ang nangyari sa nakaraan. Naging daan din ito para magkasundo at makapapaliwanag ang kanyang ina.

May eksena kung saan natalo ni Hector si Bimbam, manedyer ng kompanya ng trolls, sa isang fliptop battle. Ginamit ni Hector bilang sandata ang mga kuwento at masalimuot na karanasan ng bawat biktimang kanyang nakausap laban sa mga mapanira at mapanglihis na impormasyon na ibinabato nito sa kanya.

Magaling ang mga nagtangal. Nabigyang hustisya ang bawat karakter na ginampanan. Maging ang mga kanta’y naangkop sa bawat eksena at ito’y madaling sabayan.

Ganitong klaseng mga pagtatanghal ang dapat mapanood hindi lang ng kabataang tinalikuran at nagbabalak na tumalikod sa totoong nangyari noong panahon ng batas militar ng tinatawag nilang Apo. Ito ri’y para sa mga nabuhay noong panahon ng batas militar na nagdesisyong kalimutan ang masalimuot na pangyayari noon at sakluban ito ng ilang maling impormasyon ang dapat na malaman ng sambayanan.

Di maikakailang balot ngayon ang bansa ng mga katulad ni Heckler Beckler na nagtatanggol sa marahas at madugong administrasyon ng kanyang Apo. Pero kasabay ng pagdami ni Heckler ang pag-usbong ng maraming keyboard warriors katulad ni Cons na silang nagtatanggol sa katotohanan at ibabalik ang bawat Heckler na nalilihis sa tamang impormasyon at tumalikod sa istorya ng bawat biktima ng batas militar. Higit dito, itinataguyod ng dula ang aktuwal na paglahok sa kilusang pagbabago.

Ang istorya ng karahasan ng bawat biktima’y magsisilbing multo sa bawat Pilipino. Ang mga kaluluwa nila’y patuloy na bubulong sa hangin upang alalahanin ang mga kuwento at leksiyon ng kasaysayan.


Kung bakit may #Lakbayan2017 ang pambansang minorya

$
0
0

Matagal nang nakikibaka ang katutubo ng Kordilyera para sa kanilang lupaing ninuno at sariling pagpapasya kontra sa mapanirang pagmimina. Ni Norielyn de Guzman

Agbiag, Kordilyera

Sa matagal na panahon, napanatili ng mga katutubo sa Kordilyera ang pagpapalago ng kanilang lupa at komunidad. Pero sa Lakbayan, dala-dala nila ang kanilang hinaing sa epekto ng pagmimina na sinuportahan ng militarisasyon, at kampanya sa sariling pagpapasya.

Masalimuot ang karanasan ng mga Igorot (Bontoc, Ibaloi, Ifugao, Isneg, Kalinga, Kankanaey), sa kamay ng malalaking minahan. “Nakikita (namin) ’yung pagkakalbo ng mga bundok, pagkapatag, at malalalim na paghukay,” ani Santos Mero, tagapangulo ng Cordillera People’s Alliance. Bukod pa rito, sa karanasan ng kanilang mga ninuno, maraming nangamatay na isda, alimango, at iba pa, sa pagdaan ng mining companies tulad ng Benguet Corporation, Felix Mines, at Lepanto Mining. Sa 1.8 milyong ektarya ng Kordilyera, 1.2 milyong ektarya rito’y para sa pagmimina.

Natutuyo ang mga ilog na kailangan sa pagsasaka. Dahil sa underground at open pit mining, tumaas ang deposito ng kemikal tulad ng lead na lumalason at pumapatay sa mga ilog. Maraming nasirang palayan.

Unti-unti namang nasisira ang mga komunidad na sakop ng pagmimina dahil sa pangangamkam ng lupaing ninuno. Sa Mangcayan, 40 ektarya ng komunidad ang lumubog. Isa ang nilamon ng lupa pero di narerekober ang bangkay. Noong Agosto 2012, bumigay naman ang mine tailings ng Felix Mines.

Pero unti-unting nagorganisa ang mga katutubo. Pagbabarikada, pagsasampa ng petisyon, pagsagawa ng diyalogo, at siyentipikong pag-aaral ang ilan sa mga ginawa nila. Dahil lumakas ang paglaban, sinagot ito ng militarisasyon ng Estado upang bantayan ang ekta-ektaryang lupa ng mining companies.

Malinaw na magkatali ang pagmimina at militarisasyon. “Nariyan ang panghaharas sa mga lider at pagsampa ng gawa-gawang kaso,” ani Mero. Di nakapagtataka na walang tugon dito ang National Council for Indigenous People (NCIP). Ang malala, minamanipula nito ang usapin sa pamamagitan ng Free Prior and Informed Consent. “Nagugulat na lang sila na nandiyan ’yung makina, nagsimula na ’yung eksplorasyon o kaya nandiyan na ang personnel ng mining companies,” ani Mero.

Problema rin nila ang iba pang mga proyektong “pangkaunlaran”. Ilan lang dito ang malalaking dam na nilabanan ng katutubo sa Bontoc, Apayao, at Kalinga, gayundin ang minihydro plant. Sa Kalinga, isang geothermal plant naman ang sumasakop ng 23,000 ektarya ng lupain doon.

Kung wala ang mga mapanirang proyektong ito, ang Kordilyera sana ang pangunahing magsusuplay ng gulay: nandito ang 75 hanggang 80 porsiyento na produksiyon ng gulay na dinadala sa Metro Manila at karatig lugar.

Daang taon na ang pakikibaka ng mga taga-Norte para sa depensa ng kanilang kultura, lupain, at sariling pagpapasya. Maaaring daang taon pa rin ang kanilang bubunuin, hangga’t hindi nagbabago ang uri ng lipunan ng bansa. “Ang tunay na sariling pagpapasya ay galing sa mamamayan ng Kordilyera, hindi sa mga pulitiko,” pagtatapos ni Mero.

May ulat ni Darius Galang


Pakiramdam nila, pinagtaksilan sila ng pangulong mahigpit nilang sinuportahan noong halalan. Ni Sid Natividad

Panaghoy ng mga Maranao

Sa isang malilim na sulok ng Sitio Sandugo sa UP Diliman nakatayo ang tagpitagping mga trapal ng mga Maranao. Karamihan sa kanila’y nagmula sa Lanao del Sur at nagsipaglikas mula sa giyera sa Marawi at batas militar sa Mindanao.

Ang kanilang layunin sa paglisan, makisalo sa Lakbayan 2017, makipagkaisa sa mga katutubo at maiparinig ang hiling ng kanilang pangkat-etniko at para sa kanilang siyudad ng Marawi.

Kataksilan ng rehimen

Tinatayang binubuo ang populasyon ng Marawi ang 96 porsiyentong Maranao — isang matibay na etnikong pangkat na may kultura ng pag-aarmas sa sarili. Dahil na rin ito sa sinapit nila sa kamay ng kolonyalistang Espanyol at Amerikano.

Ani Drieza Lininding, tagapangulo ng Bangsamoro National Movement for Peace, “Kahit pa (karamihan) ng mga pulitiko sa amin (Marawi) ay Liberal Party, pinaglaban ng mga Maranao si Duterte. Kung tutuusin, overwhelming ang suporta namin sa kanya, hindi lang dito sa Lanao kundi sa buong Pilipinas.” Kung kaya’t labis na lamang ang pagkadismaya nilang mga Maranao sa administrasyon at sa pangulong ipinagmamalaki na may dugo daw itong Maranao.

May nakikita ang mga Maranao na pakay ang mismong martial law at presensiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kalakhan ng Mindanao na disarmahan ang mga Maranao, ayon kay Drieza. Dito nagmimistulang pain lamang ang grupong Maute at ang tanging pakay talaga ng AFP ay isang “ethnic cleansing” para sa mga Moro at Maranao, dagdag pa ni Drieza.

Alinsabay din sa pagdisarma ng militar sa mga bahay-bahay ng Marawi ang pagkamkam nila ng mga salapi, alahas, at pagmamay-ari ng mga Maranao. Bukod sa pagnanakaw diumano ng AFP, pati ang mga bahay at moske ng mga Maranao ay nasalanta dahil sa mga airstrike ng militar.

Mismong sa pagdiriwang ng Eid’l Fit’r pinahirapan ang mga Maranao dahil marami sa kanila’y hinarang papunta sa pagdarausan nito.

“Ano’ng kasalanan namin para sisihin kami ngayon? Noong Disyembre sa diyalogo niya sa Maute, parang sinabi na rin niyang (Duterte) ‘manggulo kayo basta sa Lanao lang.’ Ano’ng kasalanan namin?” ani Drieza.

Walang kapayapaan

Bagamat humingi ng patawad si Pangulong Duterte sa mga Maranao sa malawakang pagkasira sa Marawi, naniniwala ang karamihan sa mga Maranao na sa AFP lang nakikinig ang pangulong kanilang binoto. Mismong ang lokal na mga pamahalaan ng Lanao ay ilang ulit nang nakiusap sa militar ng tigil-putukan upang marekober ang mga bangkay ng sibilyan. Pero lagi silang tinatanggihan ng AFP.

“Hindi ka makakakuha ng simpatya laban sa terorismo kung ikaw mismo ang nambobomba sa tahanan ng mga sibilyan,” ani Samira Gutoc, dating miyembro ng Bangsamoro Transition Commission, hinggil sa AFP at sa posisyon ng rehimeng Duterte sa batas militar. Tila binigyang kapangyarihan din ng batas militar ang AFP na tratuhing mga kolateral ng digma ang paghihirap ng mga bakwit (evacuees).

Para sa iba’t ibang grupo at simbahang tumulong sa mga bakwit at Maranao, tanging ang nararapat na paumanhin ni Duterte ay itigil na ang martial law. Nagbibigay-pahintulot kasi ito sa AFP na mangdahas ng parehong sibilyan at “terorista”. Mula doon lang maaaring maghilom ang Marawi, alisin ang alapaap na bumabalot sa Mindanao, at makamit na ng mga Moro, Maranao at iba pang mga pangkat-etniko sa isla ang kapayapaang kinakailangan upang makapagsimula muli.


Malawakang pagmimina ang malaking banta sa mga katutubo ng Palawan. Ni Abie Aliño

Pagkasira sa paraiso ng Tagbanua sa Palawan

Sa likod ng mala-paraisong ganda ng Palawan, natatago ang makapaminsalang minahan na nagdudulot ng kasiraan di lang sa kalikasan kundi maging sa buhay ng katutubong naninirahan dito.

Hindi malayo sa iba pang miyembro ng pambansang minorya, ang laban para sa lupaing ninuno ang kanilang isinusulong. Para sa kanila, ang lupa’y buhay.

Maayos at mapayapang komunidad ang ginagawalan ng katutubo ng Palawona at Tagbanua sa Palawan. Ang kanilang paligid at lupain na ang siyang mismong nagbibigay ng hanapbuhay at pagkain. Pero sa pagpasok ng minahan, nagsimula ang madilim na yugto ng pamumuhay sa paraiso.

Nahati ang pagpapasya ng dating isang nagkakaisang komunidad. May mga sumuporta sa pagpasok ng minahan dahil inaakala nilang magbibigay ito sa kanila ng hanapbuhay. Pero mas marami ang mariing pumigil sa pagpasok ng minahan.

Higit isang dekada nang sinisira ng Citinickel Mines and Development Corp. ang lupaing ninuno ng mga katutubo ng Palawan. Ang dating malawak na komunidad, unti-unti nang nawala. Maging ang mga sagradong lugar ay nasira ng minahan.

“Sagradong lugar ng katutubo (ang lugar ng minahan)… Doon nila kinu-kuha ang mga halamang gamut (at) pagkain,” Ani Criselda Ungkal ng Ecumenical Development Center for Indi-genous People.

Kamakailan lang, sa pamumuno ng dating Environment Sec. Gina Lopez, sinuspinde niya ang Citinickel dahil sa bantang dinudulot nito sa kalusugan ng katutubo. Nabalot ng alikabok ang paligid nito na siyang nalalanghap ng mga katutubo. Nagdulot ito ng iba’t ibang klaseng sakit.

Militar din ang ipinang-dedepensa ng kompanyang ito sa tuwing magsasagawa ng pagkilos ang mga katutubo.

“Sa tuwing haharangin ng mga lolo at lola ko ang mga trak ng Citinickel, magpapadala sila ng militar,” ani Criselda.

Hinuhuli rin ang kanilang lider-katutubo. Sa Lakbayan, nasa Maynila ang katutubo ng Palawan para ipanawagan ang pagtigil sa pagmimina sa kanilang lugar.


Kalahok sa Lakbayan ang mga katutubong ito, na muling nanganganib dahil sa itatayong dam. Ni Monique Panganiban

Panganib sa Dumagat

Nangangamba ang katutubong Dumagat sa Quezon sa pagtutuloy ng planong “pangkaunlaran” na sasagasa sa kanilang luaping ninuno.

Noon pang 1980 unang pinlano ang Laiban Dam, na proyekto ng Metropolitan Watermarks and Sewerage (MWSS) at San Miguel Corp. Halos 28,000 ektarya ng lupa ang sasakupin nito upang mabuo ang mga proyektong ayon sa gobyerno’y reresolba raw sa krisis ng tubig sa Maynila.

Pero mga Dumagat naman ang ipapahamak nito. Mariin nilang tinutulan ang plano na anila’y sisira sa kanilang lupaing ninuno. Hindi mga proyektong katulad nito ang kailangan ng mga Dumagat, anila. Ang kailangan nila, pagbibigay-buhay muli sa kanilang kagubatan na pinagkukunan nila ng pagkain at tubig.

Pansamantalang napigilan nila ang proyekto. Pero sa ilalim ng rehimeng Duterte, nakaambang ituloy ang katulad na proyekto ngayong taon — dahil na rin sa P10-Bilyong   development assistance loan mula sa Tsina.

“Hindi pa nila itutuloy ang Laiban Dam, subalit sisimulan nila ngayong Setyembre ang Kaliwa Dam, diumano dahil 400 lang ang apektado nito. Subalit sinabi namin na hindi 400 lang ang apektado. Ang mga barangay at bayan sa ibaba ng tatayuan ng dam ay apektado rin, gayundin ang pagkonsumo ng mga katutubo sa kailugan,” ani Wilma Quierrez mula sa Quezon.

Sa totoo, mahigit 10,000 ang maapektuhan ng pagtatayo ng Kaliwa Dam. Sa ngayon, hinihiling ng mga Dumagat na unahin muna ang pangangailangan ng mga katutubo o pambansang minorya na inaaagawan ng mga lupang pinagtatayuan ng mga proyektong hindi makatao at makakatutubo.

Ang katawagang “Dumagat” ay ibinigay ng mga tagapatag upang tukuyin ang isang grupo ng mga katutubo na matatagpuan sa Sierra Madre. Ito’y nangangahulugang sea gypsies o tagadagat. Sila ay kalat-kalat sa iba’t ibang probinsiya sa Luzon. May ilan sa Nueva Vizcaya, Isabela, Nueva Ecija, Bulacan, Rizal, Camarines Sur, at Camarines Norte.


Gustong ilubog ng gobyerno sa baha at kahirapan ang mga Tumanduk ng Panay. Ni Marjo Malubay

Tindig ng Tumandok

Sa halip na bigyan ng sapat na irigasyon ng National Irrigation Authority (NIA) ang mga Tumanduk sa Panay, ilulubog nito ang katutubong komunidad sa tubig sa pamamagitan ng Jalaur Mega Dam.

Layunin umano ng Jalaur Mega Dam na bigyang irigasyon ang mga nagtatanim ng palay at bigyang kuryente ang probinsiya ng Panay sa pamamagitan ng hydroelectric power plant. Bagamat 1960 pa ang plano at minadaling ipasa sa administrasyong Aquino III, hindi ito matuluy-tuloy dahil sa dami ng kasong nakasampa laban sa proyekto.

Kabilang sa maaapektuhang mga bayan ang Agcalaga, Masaroy, Garangan, Tampucao, at siyam pang barangay na nasa loob ng lupang ninuno ng mga Tumanduk.

Bukod sa 17,000-kataong sapilitang palilikasin ng proyekto, napakalapit ng mega dam sa West Panay faultline. Kung sakaling lumindol at mabutas ang dam, mas malaki ang pinsalang idudulot nito hindi lamang sa mga katutubo kundi pati na rin sa mga mamamayang nakapaligid sa dambuhalang dam.

Pinangangambahan din ang malalang pagbaha na maaaring idulot ng dam lalo pa’t daanan ng bagyo ang Pilipinas. Isa ang Panay sa mga matinding naapektuhan ng Super Typhoon Yolanda noong 2013, kabilang ang mga Tumanduk.

Kasama ang mga Tumanduk sa Lakbayan ng Pambansang Minorya sa ilalim ng alyansang Sandugo upang iprotesta ang pagsasaalang-alang sa buhay ng mga katutubo kapalit ng kita ng mga malalaking kompanya.


 

DictaLicense

$
0
0

Paumanhin sa nu metal band na Dicta License, na ang bokalista (in hiatus), isa ring abogado, ay si Pochoy Labog. Kung kaano-ano niya si Elmer “Ka Bong” Labog, chair ng Kilusang Mayo Uno (KMU), ay dalawang dekada ko na yatang inaalam. Sa kolum na ito—maaaring una sa dalawang bahagi—primaryang inuusig ang lisensiya ng mga diktador na pumatay ng tao, malayang mamamayan man o alipin.

*           *           *

“Artists, Ezra Pound had grandly declared long ago, ‘are the antennae of the race.”
– Alfred Yuson, Introduction, BLOODLUST: Philippine Protest Poetry (from Marcos to Duterte)

*           *           *

Tanong ko, mahalaga bang malamang si Pound ay pasista (naglumuhod pa siya kay Benito Mussolini) at anti-Semitista (nilagyan pa niya ng ‘Heil Hitler’ ang sulat niya sa isang kapwa niya makata).

*           *           *

“Convert to my new faith crowd
I offer you what no one has had before
I offer you inclemency and wine
The one who won’t have bread will be fed by the light of my sun “
(Untitled), Radovan Karadzic

*           *           *

Si Karadzic ang dating lider ng Bosnian Serbs na nag-utos ng ethnic cleansing ng Sarajevo. Mahigit 7,000 Muslim ang ipinamasaker niya sa Srebrenica. Noong nakaraang taon, hinatulan siya ng 40 taong pagkakabilanggo ng International Criminal Tribunal for the former Yugoslavia, para sa crimes against humanity.

Si Karadzic ay isang war criminal.

*           *           *

Tinapos ko ito sa araw ng 100 kaarawan ng dating diktador na si Ferdinand Edralin Marcos. Kahapon, nag-post sa Facebook ang kritikong si Dr. Elmer A. Ordonez ng kanyang official resignation sa Sunday Times Magazine bilang literary editor. Aniya, “A few days ago I had my name as lit ed removed from the staff box. Hence I have nothing to do with the publication of the poems in Literary Life in praise of the dictator whose centennial is tomorrow.”

*           *           *

Tinawag na Berdugo ng Bosnia si Karadzic. Bukod kay Marcos, kaarawan din ngayon ng isa pang Berdugo, si Retired Major General Jovito Palparan.

*           *           *

Katapusan ng Agosto, paakyat ako sa Baguio para mag-keynote speech sa isang pambansang pagtitipon ng mga estudyante sa elementarya. Ang tema ay kung paano magiging responsableng digital citizen sa panahong ito. Naisip kong tuligsain ang planong pagpapatayo ng isang parking lot sa Burnham Park (papatay na naman ng mga puno). Katabi ko pala sa stage ang ipinadala ni meyor (busy si meyor sa miting dahil Baguio Day kinabukasan) na umalis din agad matapos ang kanyang speech.

Sa biyahe paakyat, habang walang magawa sa bus, kinalkal ko ang gamit ko. Nadala ko pala ang kopya ko ng WRITINGS in protest, 1792-1985. Inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 1993 ang nasabing aklat. Si Alfrredo Navarro Salanga ang editor na nagsulat din ng prologo. Ang isa pang introduksyon, “The Temper of the Times: A Critical Introduction,” ay isinulat ni Alice G. Guillermo.

*           *           *

Hindi isinama ni Yuson sa kanyang pagsusuma sa mga antolohiya ng protesta ang WRITINGS. Ang binanggit niyang mga ni-edit ni Salanga ay ang Versus: Philippine Protest Poetry, 1983-86 (co-editor si Esther Pacheco) at Kamao: Panitikan ng Protesta, 1970-1986.

*           *           *

Sa MA class namin kay Dr. Raniela Barbaza (‘Panunuring Pampanitikan’), pinag-aralan namin ang pagtitipon ng mga akda (sarili at ibang tao/antolohiya). Kasama sa mga inusig ang politikal na motibasyon ng editor sa pagpili ng mga akdang isasali. Ano-anong akda ang hindi isinama? Sino-sinong manunulat ang inetsapwera (maging sa susunod na edisyon ng antolohiya). Sa dami ng sinasabi sa teksto, ano ang hindi nito sinasabi?

*           *           *

May hinuha akong open for all ang antolohiyang BLOODLUST nang ilabas ang panawagan para sa kontribusyon noong Enero 2017. Open for all: ibig sabihin, kahit sinong nagpoprotesta sa rehimeng Duterte, regardless sa political affinity (naglingkod o nakinabang man sa dating diktador o hindi). Kasama na rito ang mga naglingkod at nakinabang sa rehimeng Noynoy Aquino, at kabilang sa Liberal Party at/o Akbayan.

May mga kaibigan at kakilala ako (tinitingala ang iba) na nakasama sa antolohiya. Pluralismo ang nakikita ko sa antolohiyang ito.

*           *           *

Hinihintay ko sa ngayon ang sanaysay ni Tilde Acuña tungkol sa “new protest poetry.” Isinama ni Ian Rosales Casocot sa The Kill List Chronicles ang ilan sa mga tula ko. Sa blog niyon mababasa ang “The New Protest Literature in the Time of Duterte.” Nasabi bang bago ang mga akdang ito dahil tungkol sa bagong rehimen (nagsimula noong isang taon)?

Binabasa ko rin ang mga pasaringan ng mga makatang anti-Duterte (ilan sa kanila ang rumaraket sa Liberal Party hanggang ngayon?) at ng makatang kasalukuyang speechwriter ni Duterte.

Kahit noong rehimen ni Noynoy, inaabangan kong mag-a la Primitivo Mijares ang isang makatang dating speechwriter ni Mar Roxas. Nang maipasa kay Noynoy, minata pa niya ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita at nag-instigate pa ng redbaiting sa Facebook.

*           *           *

Maliwanag na sa ngalan ng tactical alliance, ibinigay ng pambansa-demokoratikong kilusan ang suporta kay Duterte. Ngunit mas maliwanag ngayon kung sino-sino ang mga nasa likuran at paligid ni Duterte—nagtagumpay na ietsapwera ang mga progresibo. At mas maliwanag na ngayon na hindi bulag na mga tagasunod ang mga kasapi at liderato ng kilusan. Walang lisensiya ang sino mang diktador para labagin ang karapatang pantao ng kahit sino.

*           *           *

Sa introduksyon ni Yuson, sinabi rin niyang “It has been three decades since Filipino poets have reassembled in pages of protest.” Sa tingin ko, dahil ni hindi nabanggit ang WRITINGS, maaaring may mas nauna pa sa pinakaunang antolohiyang tinukoy ni Yuson sa pagsusuma niya ng protest literature. Maaaring nangyari ito sa mga literary folio sa buong bansa. Matapos ipasara ang mainstream media ay nanatiling mouthpiece ng masa/katotohanan ang mga publikasyon sa unibersidad. Maaaring nangyari ito sa mga publikasyong underground.

Maski ngayon, sa mga simpleng zine ng Kilometer 64, Kataga, at Resbak tinitipon sa mga pahina ang mga panitikan ng protesta. Walang tigil ito, at lalong dumarami sa panahon ng paglala ng pampolitikang krisis sa kasaysayan ng bansa. Sa mga institusyong ito, lagi’t laging boses ng kabataan, kababaihan, manggagawa, magsasaka at iba pa ang siyang naririnig.


 

Mga Larawan | Protestang kontra-pasista

$
0
0
Mga larawan nina Boy Bagwis, Lito Ocampo, Sid Natividad at Abie Alino
[I-click ang play para matunghayan ang mga larawan.]

Ang dakilang pagtalikod

$
0
0

Isinara na naman ni Pangulong Duterte ang isang bintana (o pinto) sa posibilidad ng progresibong pagbabago.

Taliwas sa mga pahayag niya na hindi niya kontrol ang Kongreso, lalo na ang Commission on Appointments (CA), na siyang nagbasura sa pagiging kalihim ni Judy Taguiwalo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), alam ng madla ang katototohanan. Anumang rehimen sa bansa, may malakas na impluwensiya sa Kongreso, at ginagamit ng Presidente ang impluwensiyang ito para itulak ang mga mambabatas na ipasa ang mga panukalang batas at polisiyang gusto nito. Sabi nga ng kanta, inosente lang ang nagtataka.

Pinamalas ni Taguiwalo ang pamumunong dapat asahan ng taumbayan sa mga lider na mula sa Kaliwa: matapat sa paglilingkod sa bayan, walang bahid ng korupsiyon, at may talino at pagkamalikhain para mapagpahusay pa ang paglilingkod sa bayan. Pinamamalas din ito ni Rafael “Ka Paeng” Mariano, kalihim ngayon ng Department of Agrarian Reform at nananatili ring di pa nakukumpirma ng CA. Bilang pinuno, pinamalas din ito ni National Anti-Poverty Commission (NAPC) Sec. Liza Maza.

Bilang bahagi ng pagpapatianod ni Duterte patungong Kanan at papalapit lalo sa imperyalismong US, unti-unti na niyang tinalilikuran ang mga miyembro ng gabinete na pinakamatatapat na naglilingkod sa bayan. Samantala, maihigit isang taon pa lang ang nakararaan, pero nakikita na natin ang halos buong pagtalikod ni Duterte sa mayabang na mga pahayag kontra sa presensiyang militar ng US sa bansa.

Mahigit tatlong buwan matapos sumiklab ang sigalot sa Marawi City, nakita natin ang ganap na pagtanggap ng Pangulo sa “ayuda-militar” ng US—ang pagbasbas ng imperyalismo sa malawakan at lantarang pagdurog sa lungsod, pagpatay sa mga sibilyan at paglabag sa mga karapatan ng mga mamamayang Moro. Napakalayo na natin sa panahong nagagawang kondenahin pa ni Duterte ang mga krimen ng US sa mga Moro noong digmaang Pilipino-Amerikano, dahil siya mismo pinangasiwaan na ang pag-uulit ng mga krimen na ito ngayon.

Masasabi nating expansion o pagpapalawig lang ang giyera kontra insurhensiya at giyera kontra “terorismo” ng dati nang ipinamamalas ni Duterte na pasistang tendensiya na nakita natin sa kanyang giyera kontra droga. Sa ngalan ng giyerang ito, tinaguriang Oplang Tokhang, inatasan niya ang Philippine National Police (PNP) na gamitin ang buong puwersa—kahit na iyung labag na sa batas—para puksain ang mga adik at nagtutulak ng ilegal na droga.

Tulad ng taktika niya sa mga “terorista”, dinadaan ni Duterte sa kamay-na-bakal at madugong pamumuksa ang mga problemang panlipunan tulad ng paglaganap ng droga at “terorismo” na masosolusyonan lang sa pagtugon sa batayang mga problema ng lipunang Pilipino. At ang mga problemang ito, ayon sa kilusang pambansa-demokratiko, ay ang paghahari ng imperyalismo, ang pagkakaroon ng burukratang kapitalismo (pagturing sa paggogobyerno bilang negosyo o para sa pansariling interes ng mga opisyal) sa gobyerno, at piyudalismo (monopolyong kontrol ng iilang panginoong maylupa sa malalaking lupaing agrikultural ng bansa).

Marahil, napag-isip-isipan na ni Duterte na hindi talaga niya matutugunan ang mga problemang ito, lalo pa’t simula’t sapul ay niyakap na niya ang pagpatupad ng neoliberal na mga polisiya sa ekonomiya na dati nang pinatutupad ng nakaraang mga presidente. Sa pamamagitan ng mga polisiyang ito, nagpapatuloy ang pagtindi ng imperyalistang kontrol sa ekonomiya at pulitika sa bansa, habang patuloy din ang paghahari ng iilang miyembro ng oligarkiya sa bansa. Samantala, nananatiling malayo sa abot-kamay ng mayoryang maralita ang mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, pabahay at serbisyong medikal—dahil sa neoliberal na pananaw, hindi ito karapatan ng mga mamamayan kundi mga produktong maaaring pagkakitaan ng iilan.

Kung kaya, ginagamitan na lang niya ng kamay-na-bakal ang pagtugon sa mga sintomas ng nabanggit na panlipunang mga problema. Tinalikuran na rin niya ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), lalo na ang mga pangakong pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal. Pinaiigting niya ang “all-out war” laban sa rebolusyonaryong kilusan na pinapayungan ng batas militar sa Mindanao. Nagbabanta pa siyang palawigin sa buong bansa ang batas militar.

Hindi itong pasistang diktadura ang progresibong pagbabago na nasa isip ng 16 milyong Pilipino na bumoto kay Duterte. Tiyak, sa susunod na mga linggo at buwan, lalawak ang bilang ng mga mamamayang maniningil sa kanya.


 

Kung bakit may #Lakbayan2017 ang pambansang minorya

$
0
0

Matagal nang nakikibaka ang katutubo ng Kordilyera para sa kanilang lupaing ninuno at sariling pagpapasya kontra sa mapanirang pagmimina. Ni Norielyn de Guzman

Agbiag, Kordilyera

Sa matagal na panahon, napanatili ng mga katutubo sa Kordilyera ang pagpapalago ng kanilang lupa at komunidad. Pero sa Lakbayan, dala-dala nila ang kanilang hinaing sa epekto ng pagmimina na sinuportahan ng militarisasyon, at kampanya sa sariling pagpapasya.

Masalimuot ang karanasan ng mga Igorot (Bontoc, Ibaloi, Ifugao, Isneg, Kalinga, Kankanaey), sa kamay ng malalaking minahan. “Nakikita (namin) ’yung pagkakalbo ng mga bundok, pagkapatag, at malalalim na paghukay,” ani Santos Mero, tagapangulo ng Cordillera People’s Alliance. Bukod pa rito, sa karanasan ng kanilang mga ninuno, maraming nangamatay na isda, alimango, at iba pa, sa pagdaan ng mining companies tulad ng Benguet Corporation, Philex Mines, at Lepanto Mining. Sa 1.8 milyong ektarya ng Kordilyera, 1.2 milyong ektarya rito’y para sa pagmimina.

Natutuyo ang mga ilog na kailangan sa pagsasaka. Dahil sa underground at open pit mining, tumaas ang deposito ng kemikal tulad ng lead na lumalason at pumapatay sa mga ilog. Maraming nasirang palayan.

Unti-unti namang nasisira ang mga komunidad na sakop ng pagmimina dahil sa pangangamkam ng lupaing ninuno. Sa Mangcayan, 40 ektarya ng komunidad ang lumubog. Isa ang nilamon ng lupa pero di narerekober ang bangkay. Noong Agosto 2012, bumigay naman ang mine tailings ng Felix Mines.

Pero unti-unting nagorganisa ang mga katutubo. Pagbabarikada, pagsasampa ng petisyon, pagsagawa ng diyalogo, at siyentipikong pag-aaral ang ilan sa mga ginawa nila. Dahil lumakas ang paglaban, sinagot ito ng militarisasyon ng Estado upang bantayan ang ekta-ektaryang lupa ng mining companies.

Malinaw na magkatali ang pagmimina at militarisasyon. “Nariyan ang panghaharas sa mga lider at pagsampa ng gawa-gawang kaso,” ani Mero. Di nakapagtataka na walang tugon dito ang National Council for Indigenous People (NCIP). Ang malala, minamanipula nito ang usapin sa pamamagitan ng Free Prior and Informed Consent. “Nagugulat na lang sila na nandiyan ’yung makina, nagsimula na ’yung eksplorasyon o kaya nandiyan na ang personnel ng mining companies,” ani Mero.

Problema rin nila ang iba pang mga proyektong “pangkaunlaran”. Ilan lang dito ang malalaking dam na nilabanan ng katutubo sa Bontoc, Apayao, at Kalinga, gayundin ang minihydro plant. Sa Kalinga, isang geothermal plant naman ang sumasakop ng 23,000 ektarya ng lupain doon.

Kung wala ang mga mapanirang proyektong ito, ang Kordilyera sana ang pangunahing magsusuplay ng gulay: nandito ang 75 hanggang 80 porsiyento na produksiyon ng gulay na dinadala sa Metro Manila at karatig lugar.

Daang taon na ang pakikibaka ng mga taga-Norte para sa depensa ng kanilang kultura, lupain, at sariling pagpapasya. Maaaring daang taon pa rin ang kanilang bubunuin, hangga’t hindi nagbabago ang uri ng lipunan ng bansa. “Ang tunay na sariling pagpapasya ay galing sa mamamayan ng Kordilyera, hindi sa mga pulitiko,” pagtatapos ni Mero.

May ulat ni Darius Galang


Pakiramdam nila, pinagtaksilan sila ng pangulong mahigpit nilang sinuportahan noong halalan. Ni Sid Natividad

Panaghoy ng mga Maranao

Sa isang malilim na sulok ng Sitio Sandugo sa UP Diliman nakatayo ang tagpitagping mga trapal ng mga Maranao. Karamihan sa kanila’y nagmula sa Lanao del Sur at nagsipaglikas mula sa giyera sa Marawi at batas militar sa Mindanao.

Ang kanilang layunin sa paglisan, makisalo sa Lakbayan 2017, makipagkaisa sa mga katutubo at maiparinig ang hiling ng kanilang pangkat-etniko at para sa kanilang siyudad ng Marawi.

Kataksilan ng rehimen

Tinatayang binubuo ang populasyon ng Marawi ang 96 porsiyentong Maranao — isang matibay na etnikong pangkat na may kultura ng pag-aarmas sa sarili. Dahil na rin ito sa sinapit nila sa kamay ng kolonyalistang Espanyol at Amerikano.

Ani Drieza Lininding, tagapangulo ng Bangsamoro National Movement for Peace, “Kahit pa (karamihan) ng mga pulitiko sa amin (Marawi) ay Liberal Party, pinaglaban ng mga Maranao si Duterte. Kung tutuusin, overwhelming ang suporta namin sa kanya, hindi lang dito sa Lanao kundi sa buong Pilipinas.” Kung kaya’t labis na lamang ang pagkadismaya nilang mga Maranao sa administrasyon at sa pangulong ipinagmamalaki na may dugo daw itong Maranao.

May nakikita ang mga Maranao na pakay ang mismong martial law at presensiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kalakhan ng Mindanao na disarmahan ang mga Maranao, ayon kay Drieza. Dito nagmimistulang pain lamang ang grupong Maute at ang tanging pakay talaga ng AFP ay isang “ethnic cleansing” para sa mga Moro at Maranao, dagdag pa ni Drieza.

Alinsabay din sa pagdisarma ng militar sa mga bahay-bahay ng Marawi ang pagkamkam nila ng mga salapi, alahas, at pagmamay-ari ng mga Maranao. Bukod sa pagnanakaw diumano ng AFP, pati ang mga bahay at moske ng mga Maranao ay nasalanta dahil sa mga airstrike ng militar.

Mismong sa pagdiriwang ng Eid’l Fit’r pinahirapan ang mga Maranao dahil marami sa kanila’y hinarang papunta sa pagdarausan nito.

“Ano’ng kasalanan namin para sisihin kami ngayon? Noong Disyembre sa diyalogo niya sa Maute, parang sinabi na rin niyang (Duterte) ‘manggulo kayo basta sa Lanao lang.’ Ano’ng kasalanan namin?” ani Drieza.

Walang kapayapaan

Bagamat humingi ng patawad si Pangulong Duterte sa mga Maranao sa malawakang pagkasira sa Marawi, naniniwala ang karamihan sa mga Maranao na sa AFP lang nakikinig ang pangulong kanilang binoto. Mismong ang lokal na mga pamahalaan ng Lanao ay ilang ulit nang nakiusap sa militar ng tigil-putukan upang marekober ang mga bangkay ng sibilyan. Pero lagi silang tinatanggihan ng AFP.

“Hindi ka makakakuha ng simpatya laban sa terorismo kung ikaw mismo ang nambobomba sa tahanan ng mga sibilyan,” ani Samira Gutoc, dating miyembro ng Bangsamoro Transition Commission, hinggil sa AFP at sa posisyon ng rehimeng Duterte sa batas militar. Tila binigyang kapangyarihan din ng batas militar ang AFP na tratuhing mga kolateral ng digma ang paghihirap ng mga bakwit (evacuees).

Para sa iba’t ibang grupo at simbahang tumulong sa mga bakwit at Maranao, tanging ang nararapat na paumanhin ni Duterte ay itigil na ang martial law. Nagbibigay-pahintulot kasi ito sa AFP na mangdahas ng parehong sibilyan at “terorista”. Mula doon lang maaaring maghilom ang Marawi, alisin ang alapaap na bumabalot sa Mindanao, at makamit na ng mga Moro, Maranao at iba pang mga pangkat-etniko sa isla ang kapayapaang kinakailangan upang makapagsimula muli.


Malawakang pagmimina ang malaking banta sa mga katutubo ng Palawan. Ni Abie Aliño

Pagkasira sa paraiso ng Tagbanua sa Palawan

Sa likod ng mala-paraisong ganda ng Palawan, natatago ang makapaminsalang minahan na nagdudulot ng kasiraan di lang sa kalikasan kundi maging sa buhay ng katutubong naninirahan dito.

Hindi malayo sa iba pang miyembro ng pambansang minorya, ang laban para sa lupaing ninuno ang kanilang isinusulong. Para sa kanila, ang lupa’y buhay.

Maayos at mapayapang komunidad ang ginagawalan ng katutubo ng Palawona at Tagbanua sa Palawan. Ang kanilang paligid at lupain na ang siyang mismong nagbibigay ng hanapbuhay at pagkain. Pero sa pagpasok ng minahan, nagsimula ang madilim na yugto ng pamumuhay sa paraiso.

Nahati ang pagpapasya ng dating isang nagkakaisang komunidad. May mga sumuporta sa pagpasok ng minahan dahil inaakala nilang magbibigay ito sa kanila ng hanapbuhay. Pero mas marami ang mariing pumigil sa pagpasok ng minahan.

Higit isang dekada nang sinisira ng Citinickel Mines and Development Corp. ang lupaing ninuno ng mga katutubo ng Palawan. Ang dating malawak na komunidad, unti-unti nang nawala. Maging ang mga sagradong lugar ay nasira ng minahan.

“Sagradong lugar ng katutubo (ang lugar ng minahan)… Doon nila kinu-kuha ang mga halamang gamut (at) pagkain,” Ani Criselda Ungkal ng Ecumenical Development Center for Indi-genous People.

Kamakailan lang, sa pamumuno ng dating Environment Sec. Gina Lopez, sinuspinde niya ang Citinickel dahil sa bantang dinudulot nito sa kalusugan ng katutubo. Nabalot ng alikabok ang paligid nito na siyang nalalanghap ng mga katutubo. Nagdulot ito ng iba’t ibang klaseng sakit.

Militar din ang ipinang-dedepensa ng kompanyang ito sa tuwing magsasagawa ng pagkilos ang mga katutubo.

“Sa tuwing haharangin ng mga lolo at lola ko ang mga trak ng Citinickel, magpapadala sila ng militar,” ani Criselda.

Hinuhuli rin ang kanilang lider-katutubo. Sa Lakbayan, nasa Maynila ang katutubo ng Palawan para ipanawagan ang pagtigil sa pagmimina sa kanilang lugar.


Kalahok sa Lakbayan ang mga katutubong ito, na muling nanganganib dahil sa itatayong dam. Ni Monique Panganiban

Panganib sa Dumagat

Nangangamba ang katutubong Dumagat sa Quezon sa pagtutuloy ng planong “pangkaunlaran” na sasagasa sa kanilang luaping ninuno.

Noon pang 1980 unang pinlano ang Laiban Dam, na proyekto ng Metropolitan Watermarks and Sewerage (MWSS) at San Miguel Corp. Halos 28,000 ektarya ng lupa ang sasakupin nito upang mabuo ang mga proyektong ayon sa gobyerno’y reresolba raw sa krisis ng tubig sa Maynila.

Pero mga Dumagat naman ang ipapahamak nito. Mariin nilang tinutulan ang plano na anila’y sisira sa kanilang lupaing ninuno. Hindi mga proyektong katulad nito ang kailangan ng mga Dumagat, anila. Ang kailangan nila, pagbibigay-buhay muli sa kanilang kagubatan na pinagkukunan nila ng pagkain at tubig.

Pansamantalang napigilan nila ang proyekto. Pero sa ilalim ng rehimeng Duterte, nakaambang ituloy ang katulad na proyekto ngayong taon — dahil na rin sa P10-Bilyong development assistance loan mula sa Tsina.

“Hindi pa nila itutuloy ang Laiban Dam, subalit sisimulan nila ngayong Setyembre ang Kaliwa Dam, diumano dahil 400 lang ang apektado nito. Subalit sinabi namin na hindi 400 lang ang apektado. Ang mga barangay at bayan sa ibaba ng tatayuan ng dam ay apektado rin, gayundin ang pagkonsumo ng mga katutubo sa kailugan,” ani Wilma Quierrez mula sa Quezon.

Sa totoo, mahigit 10,000 ang maapektuhan ng pagtatayo ng Kaliwa Dam. Sa ngayon, hinihiling ng mga Dumagat na unahin muna ang pangangailangan ng mga katutubo o pambansang minorya na inaaagawan ng mga lupang pinagtatayuan ng mga proyektong hindi makatao at makakatutubo.

Ang katawagang “Dumagat” ay ibinigay ng mga tagapatag upang tukuyin ang isang grupo ng mga katutubo na matatagpuan sa Sierra Madre. Ito’y nangangahulugang sea gypsies o tagadagat. Sila ay kalat-kalat sa iba’t ibang probinsiya sa Luzon. May ilan sa Nueva Vizcaya, Isabela, Nueva Ecija, Bulacan, Rizal, Camarines Sur, at Camarines Norte.


Gustong ilubog ng gobyerno sa baha at kahirapan ang mga Tumanduk ng Panay. Ni Marjo Malubay

Tindig ng Tumandok

Sa halip na bigyan ng sapat na irigasyon ng National Irrigation Authority (NIA) ang mga Tumanduk sa Panay, ilulubog nito ang katutubong komunidad sa tubig sa pamamagitan ng Jalaur Mega Dam.

Layunin umano ng Jalaur Mega Dam na bigyang irigasyon ang mga nagtatanim ng palay at bigyang kuryente ang probinsiya ng Panay sa pamamagitan ng hydroelectric power plant. Bagamat 1960 pa ang plano at minadaling ipasa sa administrasyong Aquino III, hindi ito matuluy-tuloy dahil sa dami ng kasong nakasampa laban sa proyekto.

Kabilang sa maaapektuhang mga bayan ang Agcalaga, Masaroy, Garangan, Tampucao, at siyam pang barangay na nasa loob ng lupang ninuno ng mga Tumanduk.

Bukod sa 17,000-kataong sapilitang palilikasin ng proyekto, napakalapit ng mega dam sa West Panay faultline. Kung sakaling lumindol at mabutas ang dam, mas malaki ang pinsalang idudulot nito hindi lamang sa mga katutubo kundi pati na rin sa mga mamamayang nakapaligid sa dambuhalang dam.

Pinangangambahan din ang malalang pagbaha na maaaring idulot ng dam lalo pa’t daanan ng bagyo ang Pilipinas. Isa ang Panay sa mga matinding naapektuhan ng Super Typhoon Yolanda noong 2013, kabilang ang mga Tumanduk.

Kasama ang mga Tumanduk sa Lakbayan ng Pambansang Minorya sa ilalim ng alyansang Sandugo upang iprotesta ang pagsasaalang-alang sa buhay ng mga katutubo kapalit ng kita ng mga malalaking kompanya.

Sagasa ng tren ni Digong

$
0
0

Kailan kaya kikilalanin ang tunay na karapatan sa lupa ng mga magsasakang Pilipino, kasama ang mga magsasaka sa San Jose del Monte, Bulacan?

Hindi sa 2020 kung kailan nakatakdang matapos ang ekstensiyon ng MRT-7 mula North EDSA hanggang Tungkong Mangga sa San Jose Del Monte, Bulacan.

“Mula 1994 hanggang ngayong 2017, wala silang inaaalok kundi kami mismo ang humihiling ng diyalogo,” ani Conchita Katurino, 42, pangulo ng samahang magsasaka sa Tungkong Mangga nang tanungin kung ano ang kahihinatnan nila kung tuluyang ipatayo ang depot ng MRT-7 sa kanilang lupain.

Sa kasalukuyan, hindi pa naipapatayo ang mga pundasyon ng naturang depot. Pero makikitang pilit na pinagsisiksikan ang kabahayan nilang mga residente at magsasaka sa Baryo Bisaya na malayo sa itatayong depot. “Diyan naman ‘yan (mga inilipat na kabahayan) galing sa taniman noong dekada ‘90. Tinaboy sila papunta rito mula roon sa kanilang taniman sa labas,” ani Ronnie Manalo, 49,  isa  sa mga miyembro ng Tungkong Mangga Upland Farmers Association.

Ayon sa Department of Transportation and Communications (DOTC), ang depot ng MRT-7 ay sasakop ng 17 ektarya. Kung mismong depot lang, hindi naman ito nangangailangan ng ekta-ektaryang lupain. “Ang plano talaga nila sa development, ‘yung ala-Cubao na pagbaba mo sa tren, diretso ka sa malls, diretso ka sa mga condominium. (Pero) saan kami diyan? wala naman kaming ano diyan?” ani Manalo.

Masusuri rin sa concession agreement sa pagitan ng DOTC at ng pangunahing contractor na Universal LRT Corporation Limited/EPC Contractor, pagmamay-ari ng San Miguel Corp. ang iba’t ibang mapanirang modipikasyon sa ilalim nito tulad ng pagtatayo ng depot terminal sa San Jose del Monte, Bulacan. Ang layunin: gawing komersiyal na lugar ito.

Tinatayong Altaraza Residences sa lupain ng mga magsasaka sa Tungkong Mangga. <b>Monique Panganiban</b>

Gate ng Altaraza Town Center sa lupain ng mga magsasaka sa Tungkong Mangga. Monique Panganiban

Artist's perspective ng Altaraza sa Tungkong Mangga.

Artist’s perspective ng Altaraza sa Tungkong Mangga.

Pagbungad pa lang ng Baryo Bisaya, tatambad ang gate ng Altaraza Town Center, proyektong pabahay ng Ayala Land Inc. at Araza Resources Corp., kompanya ni Gregorio “Greggy” Araneta III. Ayon sa mga magsasaka, higit sa 100 ektaryang lupain na kanilang binubungkal sa Tungkong Mangga ang na-bulldoze upang itayo ang nasabing proyekto.

Maunlad at mayaman ang lupang binubungkal ng mga magsasaka sa Tungkong Mangga pero unti-unting pinupulbos ng mga bulldozer ang kanilang pananim.

Bukod sa itatayong estasyon ng MRT-7, sinimulan na rin noong 2016 ipatayo sa kanilang lugar ang soundstage studio ng ABS-CBN, na pagmamay-ari ng Lopez Group of Companies, kung saan 15 ektarya naman ang kinain mula sa mga magsasaka.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, pinagtatalunan ng mga magsasaka at ni Araneta ang kabuuang 3,500 ektarya ng pinag-aagawang lupa sa San Jose del Monte, Bulacan. Sa ngayon, ito’y napunta sa kamay ni Araneta sa pamamagitan ng exemption order ng dating Department of Agrarian Reform.

Pasalin-salin ang nag-aari ng mga lupang pagtatayuan ng MRT-7. Pero ang tiyak na matagal nang nagbubungkal dito’y ang mga magsasaka sa Tungkong Mangga.

Taniman ng mga magsasaka sa Tungkong Mangga. <b>Monique Panganiban</b>

Taniman ng mga magsasaka sa Tungkong Mangga. Norielyn de Guzman

Walang natira

“Pagsasaka, ’yung paghahayupan. ’Yun naman talaga ang karaniwang hanapbuhay dito,” ani Ka Ronnie. Pero para ba tuluyan nang kikitilin ang kabuhayan ng mga magsasaka ngayong nakatakdang nang itayo ang MRT-7 sa kanilang lugar.

Mahigit sa 200 pamilya sa Sityo Bisaya ang maaapektuhan ngayong itatayo ang napakaraming proyekto sa kanilang lugar. Karamihan sa mga residente ay nakatira na sa lugar mula pa noong 1968.

“Katangian kasi ng aming sakahan dito, upland. Ibig sabihin ang mga pangunahing tanim dito ay mga prutas at saka gulay. Sari-saring gulay na ’yun: sitaw, ampalaya, kalabasa, talong, at talbos ng kamote. Sa prutas naman mga pangunahin, karamihan saging, mangga, santol. Tapos iba’t ibang klase rin ng puno.” Bukod ditto, idinagdag din ni Ka Ronnie na iniaakyat  nila ang kanilang mga produkto sa Novaliches, sa Commonwealth o hindi kaya nama’y sa kanilang pamilihang bayan.

Kung susuriing mabuti, mula sa pagtatanim at pagbebenta ng aning gulay nairaraos ng mga magsasaka ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan. Hindi man katulad ng ibang sakahan na patag ang lupa, nagagawan ng paraan ng mga taga-Baryo Bisaya na payabungin ang lupang ngayo’y nakatakdang tuluyan nang agawin sa kanila.

“Ito raw ang lupang sinasaka’y exempt sa land reform dahil sa matarik, walang irigasyon tsaka hindi developed. ‘Yun yung katwiran nila,”  ani Ka Ronnie. Idinahilaan noon ng DAR at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang lupang sinasaka sa baryo’y di-agrikultural kung kaya’t hindi ito makakasama sa reporma sa lupa.

Nagsagawa rin daw ng ocular inspection sa lugar upang tingnan kung natataniman nga ba ang mga lupa subalit hindi normal na inspeksiyon ang nangyari. Ani Ka Ronnie,  bago isinagawa ang inspeksiyon, nagpadala ang Manila Banking Corp. ng mga guwardiya upang sunugin at bunutin ang kanilang mga tanim. Bukod pa rito, nagsunog rin ang mga guwardiya ng mga kubo at nang-agaw ng mga araro. Isinagawa nila ito kahit umaga. Pero para walang makakita, isinasagawa na nila ang kanilang operasyon sa gabi. Kung kaya’t nung nag-inspeksiyon na ang mga ahensiya ng gobyerno, wala na ang kanilang mga tanim. Ang resulta ng inspeksiyon, bagsak ang kanilang lupa at hindi ito agrikultural.

Bukod pa rito nakapagtayo na rin sila ng eskuwelahan na hanggang sa ika-anim na antas sa elementarya nang dahil sa kanilang sama-samang pagkilos. Noong panahong iyon, bawal mag-akyat ng materyales sa konstruksiyon kung kaya’t gumawa sila ng paraan para hindi ito makita ng mga nakabantay na militar at guwardiya.

Ronnie Manalo ng Tungkong Mangga Farmers Association. <b>Monique Panganiban</b>

Ronnie Manalo ng Tungkong Mangga Upland Farmers Association. Monique Panganiban

Pagpapaalis sa lupa

Lubos na ikinabigla nina Conchita, residente at magsasaka nang 23 taon, ang pagtatayo ng MRT 7. Idinagdag pa niyang hindi man lang sila ipinatawag kahit sa barangay upang abisuhan  na may mga proyektong itatayo mismo sa kanilang lugar.

“Ang sabi nila dadaanan lang ng MRT,” ani Conchita.

Sabi pa niya, tila nililihis ng DAR ang mga pangyayari upang hindi na lang sila umapela nang matugunan ang kanilang hinaing ukol sa MRT 7. Sinabi ng DAR na ang kabilang lugar na Ciudad Real ang maaapektuhan ng proyekto. Pero ipinagtataka ng mga magsasaka, kung totoo man ito, bakit nila nakikita mismo sa kanilang mga sakahan ang pagbuo ng mga plano?

Para mapaalis ang mga magsasaka, iba’t ibang puwersa na rin ang ipinadadala ng gobyerno para gipitin, takutin at pagbantaan sila. “Tinatabas nila yung pananim, ’yung mga kubo namin sinusunog, tapos nanunutok sila (baril),” ani Conchita.

‘Di na rin bago sa lugar ang iba’t ibang paraan ng pagpapalayas upang tuluyang makamkam ang mga lupa. Noong 1999, nagkaroon na rin ng masaker sa Tungkong Mangga. Apat na magsasaka ang namatay matapos pagbabarilin ng military habang gumagawa ng kubo. Pang-aagaw sa lupa pa rin ang itinuturong pakay.

Ngayong 2017, ayon pa kay Conchita, may mga dumating na guwardiya at sundalo sa lugar. Kinukumbinsi silang huwag na lang sumali sa mga rali. Sinabi rin nila na sila na ang bahala at ang gagawa ng paraan. Samantala, tuwing gabi, nag-iikut-ikot ang mga sundalo sa mga bahay nang may mga dalang mga aso.

Naidagdag rin nilang may ilang lider na pinagbabantaan. May mga tinetext na papatayin daw sila, pagpaparatang miyembro ng New People’s Army, at iba pa.

Para sa negosyo

Nagtatanong ang mga magsasaka: Bakit ba magtatayo ng proyekto sa lugar na wala naming tao doon na makikinabang? Dagdag pa, napag-alaman nilang di lang MRT-7 ang kanilang kalaban. Pati na rin ang mga proyektong kaalinsabay nito tulad ng mga bahay, condominium, malls at iba pang establisimyento na kakain sa mahigit na 300 ektarya ng lupa kabilang na ang Baryo Bisaya.

Wala talagang relokasyon. Kasi, ang mga pabahay dito sa San Jose ng National Housing Authority (NHA) sabi nila nakalaan daw doon sa mga dinedemolis na maralitang tagalungsod na galing Metro Manila. ‘Yung mga tao dito sa San Jose, walang relokasyon,” ani Ka Ronnie.

Para sa mga magsasaka ng Baryo Bisaya, bigung bigo ang administrasyong Duterte na tuparin ang pangakong pag-alwan ng buhay ng mga magsasaka. Sa pagpapatuloy ng proyektong Public-Private Partnership ng nakaraang rehimen, patuloy din ang pagbigay pabor nito sa malalaking burgesya komprador at panginoong maylupa, habang natatapakan ang karapatan ng maralita, lalo na mga magsasaka. Tumitindi pa ito sa ilalim ng programang Build! Build! Build! ng rehimeng Duterte na plano ng serye ng mga progyektong imprastraktura. Ang pondo, karamiha’y iuutang sa dayuhan (tulad ng China), ang iba’y kasosyo ang malalaking negosyante tulad ng San Miguel Corp.

“Iyang sinasabi nilang kaunlaran, kabaligtaran (ang nararanasan namin). Hindi man lang nila inalam kung ilang tao ang mawawalan ng kabuhayan. Tapos, sabi nga namin kikilalanin kami bilang magsasaka. Sa dami namin wala silang nakikita. Lagi nilang sinasabi na walang magsasaka (sa lugar),” pagtatapos ni Ka Ronnie.


 


Hindi Hinihingi ang Respeto

$
0
0

Klasiko ang “Gangsta’s Paradise,” kanta ng rapper na si Coolio na lumabas noong 1995. Pumapatungkol ito sa kahirapan, krimen at karahasan na kinapapalooban ng mga Negro o Aprikano-Amerikano sa US. Pamilyar sa marami ang umpisa nito: “As I walk through the valley of the shadow of death, I take a look at my life…

Sa rehimen ni Rodrigo Duterte, parang naglalakad ang mga maralita, at buong bayan, sa “valley of the shadow of death” na sinasabi ni Coolio. Tulad ng mga Aprikano-Amerikano, sangkot sa sitwasyon natin sa kahirapan, krimen at karahasan. Ginegera ang sambayanan sa tatlong pangalan: “droga,” “teroristang Muslim,” at “Komunista.”

At bilang bansa, nagsisikap tayong gayahin ang persona sa kanta: “I take a look at my life.” Ang pelikulang Respeto na idinirehe ni Treb Monteras II at lumabas ngayong taon ang unang resultang pelikula ng ganitong pagsuri sa ating buhay.

Ang rapper na si Abra (kaliwa) bilang Hendrix, at si Kate Alejandrino na gumanap sa karakter na si Candy.

Ang rapper na si Abra (kaliwa) bilang Hendrix, at si Kate Alejandrino na gumanap sa karakter na si Candy.

Nakasentro ang pelikula kay Hendrix, maralitang kabataan na mahilig mag-rap. Ipinakita ng pelikula ang buhay niya: palamunin ng bayaw niyang tulak ng droga na walang ginawa kundi makipagtalik sa kapatid ni “Drix.” Nagmahal ng isang prostitute. Ilang ulit nautusang maghatid ng droga. Nagnakaw, nahuli ng pulis, bumarkada, nangulit, nakipagkulitan, nabugbog. Dalawang beses sumali sa fliptop; ang ambisyon talaga ay manalo sa labanan ng rap.

Pangalawang tampok na karakter si Doc, matandang may pinag-aralan at, malalaman natin sa pelikula, pinagdadaanan. Lalabas na aktibista siya bago ang deklarasyon ni Ferdinand Marcos ng Batas Militar. Biktima siya ng tortyur at pandarahas, kasama ang asawa’t anak. Dati siyang makata, sa tradisyong Balagtasan, na tumigil magsulat dahil sa sinapit na kalupitan.

Sa pamamagitan nila, nailarawan ang pandarahas noong panahon ng diktadurang Marcos at ngayong panahon ng rehimeng Duterte – at ang kanilang ugnayan. Walang gatol ang pelikula: sine ito sa panahon ng Tokhang, ng pagpatay sa mahihirap, ng panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan, at ng paghahari ni Duterte. Ito ang laman ng telebisyon at radyo, at lalo na ng mga kalsada at komunidad sa gabi – sa kasong ito, sa Pandacan, Maynila.

Sa pamamagitan nina Drix at Doc, naipakita ang dalawang tradisyon ng pagtula sa labas ng mga paaralan sa dalawang panahon at ang pag-uugnayan ng mga ito. Mahalagang ipaalala: may panahon sa bansa na naging uso ang Balagtasan, tulad ng fliptop – humahatak ng maraming manonood at umaakit ng maraming nag-aambisyong maging makata.

Pansin ng komentaristang si Inday Espina-Varona, “Ginagamit ni Duterte ang mga salita na parang maso (sledgehammer)” sa layuning “patahimikin ang mga kritiko.” Si Duterte, ang fliptop at ang Balagtasan – lahat nagpapakita ng kapangyarihan ng salita, lalo na’t nakatutok sa kalaban. Pero sa ngayon, malinaw kung sino ang may salitang makapangyarihan. Makakatulong kaya sa paglaban sa kanya ang fliptop? Eh ang Balagtasan?

Dilat na dilat ang pelikula sa reyalidad ng pananalasa ng droga sa mga maralitang komunidad. Makikita ito sa buhay ni Hendrix – sa bayaw at kapatid niya, mga barkada, mga kapitbahay, at maging sa babaeng minahal niya.

Pero ang kakaiba at matapang sa pelikula, ipinakita nitong ang maliliit na tulak, iyung nasa mga kalsada, ay kasabwat ng mga pulis. Panis! Ang totoo, isang sistema na tamang tawaging “bulok!” at batbat ng krisis.

Ayon sa pelikula, ang pagpatay sa maliliit na tulak at adik, at mga pinaghihinalaan, ay paglilinis na ginagawa ng pulisya – tinatanggal ang mga hindi nakakabenta nang sapat, hindi nag-eentrega nang lahat, o pwedeng sumatsat at magsiwalat.

Sa isang banda, paliwanag din ito ni Duterte at ng kanyang mga troll at tagapagtanggol. Bakit maraming pinapatay na pinaghihinalaang tulak at adik? Naglilinis ang mga sindikato! Sa kabilang banda, kung kasabwat ang pulisya – na siyang mas malamang na katotohanan! – nakakalusot ang makapangyarihan at hindi matatapos ang problema sa pamamagitan ng pagpatay.

Ang pulis sa pelikula ay anak ni Doc. Sa kagyat, palaisipan ito: Bagamat hindi siya saksi, alam niya ang pagtortyur sa kanyang ama at paggahasa sa kanyang ina, at alam niya na kaya nagpakamatay ang kanyang ina ay dahil sa karanasang ito.

Hindi misteryo ito, at lalong malinaw ngayon. May mga biktima ng karahasan ng Estado na galit dito, at naninindigang magalit dito – gaya ni Doc. Mayroon namang mga biktima nito na hindi nakikitang biktima sila nito, humahanga pa nga rito, at katunaya’y ginugustong maging instrumento nito – tulad ng anak niya. Hindi lahat ng pulis ay ganoon, bagamat mayroon. At hindi sa pulis lang ito totoo.

Hindi romantiko ang paglalarawan ng pelikula sa kahirapan. Maaamoy mo ang baho ng estero sa araw at ang simoy ng tahimik na kalsada sa gabi. Ipinakita ang pagtutulungan ng barkada at ang kalupitan ng karibal na barkada. Ang pambubrusko at pagmamahalan sa pamilya. Kung paanong kapwa may ginto at basura sa dominanteng kultura ng masa. Ang kakayahan ng masa na mapangwasak at mapagbuo.

Pero sa lahat ng ito, ipinakita ang mahihirap bilang mga tao – humihinga, may damdamin, nakakasakit oo pero nasasaktan din. At maraming masakit sa kanila sa pelikulang ito – na ipinaramdam sa manonood. Kakatwa, pero nagawa ng pelikula ang lahat nang ito sa paraang mas nagpapakita ng tibay, kulit at gaslaw ng mahihirap. Astig!

Likhang-sining ito na sumusugat sa pagkamanhid na dulot ng paulit-ulit nang balita ng pagpatay, saan pinatay, paano pinatay, saan itinapon at iba pa.

Napakahusay ng pelikula sa pagbuhay ng damdamin ng manonood. Kapani-paniwala ang mga nagsipagganap, buhay na buhay ang tunog at larawan ng mga eksena. Maraming bahagi ang nagpapatindig ng balahibo: ang kwento ng buhay ni Doc, mga labanang fliptop, pagmamahal ni Hendrix at nangyari sa kanyang minahal, pagmumulto ng nakaraan ni Doc. At ang dulo. Syempre pa, ang dulo! Bang! Ganoon kalakas!

Buong panahon, hahangarin mong manalo si Hendrix sa fliptop. Pero magtatagumpay pala siya hindi sa pagpapakawala ng dahas ng pagbigkas, kundi sa pagbigkas ng dahas.

Rap battles sa pelikulang 'Respeto'.

Rap battles sa pelikulang ‘Respeto’.

Ibinubuyo ng katapusan ang sentimyentong naglalabasan ngayon: na dapat talagang “manlaban” ang mahihirap, mag-armas sa mga komunidad, at barilin din ang mga pulis o mga tauhan nila na walang-awang dumudukot at pumapatay, at nananambang ng mahihirap.

Ipinapaalala nito ang karanasang pinaghalawan ng hip-hop at marami pang bahagi ng kulturang popular sa ating bansa – ang mga Aprikano-Amerikano. Oktubre 1966, itinatag sa Oakland, California ang Black Panther Party for Self-Defense. Armadong grupo ito ng mga Negro na ang layunin: ipagtanggol ang kanilang mga komunidad laban sa rasistang pandarahas at pamamaslang ng mga Puti.

Ibayong dumi at karahasan ang pinawalan ng gobyerno ng Amerikkka laban sa Black Panthers hanggang sa madurog ito. Bukod pa diyan, mulat na ipinasok ang droga sa grupo para pahinain ang diwang palaban nito. Hinati at pinag-away-away ang mga Aprikano-Amerikano sa pamamagitan ng mga gang.

Hanggang sa ang mga baril na gamit laban sa mga puti, itinutok na rin ng mga Negro sa kanilang kalahi. Kakatwa, pero droga at gangs ang laging ibinibida ng dominanteng rap – kaiba sa progresibong rap! – ng mga Aprikano-Amerikano. Kahit ang “Gangsta’s Paradise” ni Coolio, nagtapos sa kawalan ng pag-asa, na hindi kayang wakasan ang marahas na kalakarang rasista.

Pero totoo ang ngitngit, ang galit na nararamdaman ng maraming maralita at kahit hindi maralita sa pagpatay sa mahihirap sa bansa – pinaghihinalaan mang adik o tulak, o Lumad sa Mindanao o magsasaka sa kanayunan. Wala namang nangyari sa ibinidang pangakong pagbabago, kaya sumasahol na ang lagay ng mga Pilipino’y may dagdag pang pandarahas ngayon.

May mga nag-iisip na dapat manlaban nang armado ang mga maralita sa loob ng mga komunidad sa mga lungsod o karatig-bayan. Maaari. Pero ang may mahabang karanasan ng armadong paglaban sa bansa ay nasa kanayunan – ang New People’s Army o NPA. Hindi matalu-talo dahil nasa mga lugar kung saan pinakamahina ang militar at gobyerno.

At sasabihin siguro ng NPA: hindi personal na galit lang, kundi poot ng buong sambayanan. Hindi personal na paghihiganti, kundi paghahanap ng katarungan para sa bayan. Hindi pagpatay sa isa, iilan o maraming pulis; “I shot the sheriff,” awit ni Bob Marley, “but I did not shoot the deputy” kaya laging may papalit. Kundi pagbago sa sistema na sabay na naglululong sa mahihirap sa droga, krimen at karalitaan, at todong nandadahas sa kanila.

Kung may kahinaan man ang pelikula, patungkol iyan sa kapani-paniwalang pagtatahi ng kwento. Pero tila hindi ito alintana ng maraming nagpapabaha ng todong papuri. Kung tutuusin nga naman, napakaliit lang ng kahinaan ng napakagaling at napakatapang na pelikulang ito.

Marami na ang nagbigay ng pakahulugan sa titulo nito. Sabi ni Mao Zedong, rebolusyunaryong Tsino, “ang kapangyarihang pampulitika ay nagmumula sa dulo ng baril.” Siguro, ganoon din ang respeto para sa mahihirap – hindi hinihingi, kundi nakakamit lang kapag gamit ang armas laban sa mga naghahari. May panahong hindi na lang tatakbo para tumakas ang mahihirap na inaapi at dinadahas.

Panoorin ang Respeto! Nagpapaalab ng paglaban na parang baril na nakatutok sa mga naghahari at gobyerno.

02 Oktubre 2017


Mga dapat malaman sa Compressed Workweek

$
0
0

Mukhang sa pambili lang ng kape mapupunta ang barya-baryang itinaas ng sahod ng mga manggagawa.

Itinutulak ngayon sa Senado ang Senate Bill 1571 o Flexible Work Agreement Bill na naglalayong pahabain ng hanggang 12 oras ang dating walong oras na trabaho sa mga pagawaan. Nagmula ang panukalang-batas na ito sa House Bill 6152 o Compressed Workweek Scheme na naipasa sa Kamara noong Agosto.

Layunin umano ng SB 1571 na gawing mas pleksible ang work arrangement ng mga manggagawa sa kanilang mga employer nang hindi naisasaalang-alang ang pagiging produktibo nito. Bibigyan nito ng hanggang dalawang araw na karagdagang pahinga ang mga manggagawa kapalit ng mas mahabang oras ng pagtatrabaho.

“Sinasalungat ng compressed workweek ang mga batas na nagpapatupad ng makataong walong oras kada araw na trabaho at overtime,” ani Rochelle Porras, executive director ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler).

Ang isa pang idinadahilan ng mga nagpasa ng batas: trapik. Hindi malinaw kung paano mababawasan ng pagdadagdag ng oras ng pagtatrabaho ang mga sasakyan at pasahero sa kalsada pero tulad ng trapik, hindi naman bago ang paggamit ng compressed workweek sa mga pagawaan.

Noong 1990, inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Department Order No. 021-90 o Guidelines on the Implementation of Compressed Workweek bilang tugon sa krisis sa langis. Noong 2004 naman, mahigit isang dekada ang nakakaraan, inilabas ang Department Advisory No. 02 series of 2004 (DA 02) “Implementation of Compressed Workweek Schemes” sa panahon ng krisis sa enerhiya. Nagkaroon muli ng bagong bersiyon ang iskemang ito noong 2009 sa ilalim ni dating Labor Sec. Marianito Roque—ang DOLE Advisory No. 2 Series of 2009 bilang tugon naman sa pandaigdigang krisis pampinansiya noong panahong iyon.

“Pabor lang sa mga kapitalista ang iskemang compressed workweek dahil makakatipid sila sa benepisyo,” ani Porras. Sumusulpot ang iskemang ito sa tuwing nakakaranas ng krisis ang ekonomiya.

Ang patuloy na nire-recycle na iskemang ito ay may tatlong karapatang pantao na nilalabag.

Una, hindi malinaw kung paano ang magiging partisipasyon ng mga mga manggagawa sa pagbuo ng desisyon kung sakaling ipatupad ng employer ang iskema. Boluntaryo umano, pero kung hindi lahat ng manggagawa ay pumayag sa pagpapatupad nito, lalabas na sapilitang paggawa ang pagtatrabaho ng higit sa walong oras.

Ang karanasan ng DOLE sa DA 02 noong 2004 ay isang malinaw na halimbawa. Nahirapan ang mga administrasyon sa mga pagawaan na kunin ang legal consent ng lahat ng mga manggagawa. Dahil dito, ipinadaan ng departamento sa mga collective bargaining agreement ang botohan sa panig ng mga manggagawa—oo o hindi lang—maski hindi pabor sa sitwasyon ng lahat ang iskema.

Ang ginawang ito ng DOLE ay mapanghati sa mga panig ng mga unyonista habang tinatanggalan ng boses ang mga kontraktwal na hindi kasama sa mga unyon dahil ang esensya ng CBA ay paglalatag ng mga makatwirang kahilingan sa administrasyon.

Lunchbreak protest ng mga manggagawa ng SMT Philippines laban sa compressed workweek. <b>Kontribusyon</b>

Lunchbreak protest ng mga manggagawa ng SMT Philippines laban sa compressed workweek. Kontribusyon

Ikalawa, tatanggalin nito ang karapatan ng mga manggagawa sa overtime pay.

Ganito ang magiging kalakaran sa panukalang-batas na ito: Ang anim na araw ng trabaho na may 48 oras kada linggo ay magiging 9.6 oras kada araw kung paiiksiin nang limang araw, habang 12 oras naman kada araw kung paiiksiin pa ng apat na araw. Lumalabas na 16 oras na dapat sana’y katumbas ng overtime pay ang ituturing na normal na oras ng pagtatrabaho.

Ang karagdagang araw ng pahinga ay maaari nga namang igugol sa maraming bagay tulad ng oras sa pamilya, oras sa personal na mga gawain, o pagtulog buong araw para makabawi sa apat na araw ng walang tigil na pagtatrabaho. Pero hindi ba mukhang binibili ng manggagawa ang kanilang pahinga dahil mawawalan na sila ng overtime pay?

“Binabalewala (nito) ang tunay na kahilingan ng mga manggagawa na regularisasyon, nakabubuhay na sahod, at ligtas na kondisyon sa mga pagawaan. Nagkakaroon pa ng puwang sa pagsasamantala ang mga kapitalista dahil sa mga ganitong panukalang-batas,” ani Porras.

Lunchbreak protest ng mga manggagawa ng Nexperia. <b>Kontribusyon</b>

Lunchbreak protest ng mga manggagawa ng Nexperia. Kontribusyon

Ikatlo, palalaganapin nito ang diskriminasyon laban sa mga manggagawang may edad na at pamilyado.

Ayon sa Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), lumalabas na pinapaboran ng mga employer ang mga manggagawang 30 anyos pababa na wala pang pamilya dahil mas may kakayahan itong magtrabaho ng mas mahabang oras at mas mataas ang resistensya sa sakit.

Sinusunod na istandard sa buong mundo ang pagkakaroon ng walong oras na trabaho kada araw, at may mahabang kasaysayan ito. Pinagbuwisan ito ng buhay ng mga manggagawa noon kung kaya tinatamasa ito ng mga manggagawa ngayon—ang makasaysayang May Day na nagpaiksi sa 100 oras kada linggong pagtatrabaho ng mga manggagawa sa Amerika, kasabay ng iba’t iba pang pagkilos ng mga manggagawa sa buong mundo.

“Magiging kasangkapan pa ito para lalong lumaganap ang kontrakuwalisasyon at paggipit sa mga karapatan ng manggagawa tulad ng security of tenure at bargaining rights ng mga unyon. Binabalewala nito ang tagumpay ng mga manggagawa sa buong mundo laban sa mala-aliping kondisyon sa mga pagawaan,” ayon kay Porras.

Sa kasalukuyan, nakikipaglaban din ang mga manggagawang Pilipino sa tangkang pagsasabatas ng mahabang oras ng pagtatrabaho.

Sa mga pagawaang nasa special economic zones (SEZs) sa Cavite talamak ang paggamit sa iskemang ito. Nagwelga pa nga ang mga manggagawa sa Optodev Inc. at Nexperia SCI para alisin ang nakamamatay na iskemang ito. Inirereklamo nila ang sobrang haba na oras ng pagtatrabaho kapalit ng napakababang sahod. Nagkakasakit na rin ang mga manggagawa dahil hindi sapat ang oras ng kanilang pahinga.

Tumagal nang isang taon ang pagwewelga ng mga manggagawa sa Optodev bago nila nakamit ang mga kahilingan, habang nakikipaglaban pa ang mga unyonista naman ng Nexperia SCI para itigil ang iskemang ito.

Laging gising ang mga manggagawa sa panahon ng administrasyong Duterte—hindi lang dahil kinukuripot sila nito sa pahinga kundi dahil nagbabantay ito sa anumang hakbang ng paasang pangulong nagtutulug-tulugan sa tuwing isisigaw nila ang kanilang kahilingan.


Paggiit ng karapatan sa PUP

$
0
0

Kung nabubuhay sana si Charlie, tiyak na hindi siya matutuwang malaman na ganito ang nangyayari sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP).

Si Carlos del Rosario o “Charlie” sa kanyang mga kakilala ay naging propesor sa PUP bago dinukot noong batas militar ni Ferdinand Marcos. Sa kanya ipinangalan ang gusali na nagkanlong nang ilang dekada sa organisasyon ng kabataan sa pamantasan—bago ito ipasara, mga dalawang taon na ang nakaraan.

Marcosian’?

Gabi ng Setyembre 21, sa parehong araw kung kailan isinagawa ang malaking rali laban sa batas militar, nagsagawa ng clearing operation ang mga guwardiya ng PUP sa Gabriela Silang Hall na noo’y nagsisilbing opisina ng mga organisasyong pang-estudyante sa pamantasan.

Umalma ang mga estudyanteng aktibista sa ilalim ng Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan (Samasa) sa umano’y “istilong-diktador Marcos” na aksiyong ito ni PUP President Emanuel de Guzman.

(Ang Samasa’y binubuo ng iba’t ibang organisasyong pangkabataan at kinikilalang militanteng partidong pulitikal ng mga estudyante sa pamantasan.)

Sa panayam sa Pinoy Weekly, sinabi ni de Guzman hindi raw niya pinasarhan ang naturang bilding, pero pinaalis niya ang mga organisasyon. “Ayaw nilang umalis…Inabot nang isang linggo ang holding out nila doon…Nagbabarikada sila…Hanggang dumating ‘yung Setyembre 21… May mobilisasyon sa Mendiola. ‘Yung walong nag-aano (nagbabantay) doon, (sa barikada), sumama sa rali. We took the chance to occupy it (ginamit naming ang pagkakataong okupahin ito),” ani de Guzman.

Binigyan naman umano ng notice to vacate ng administrasyon ang mga estudyante. Nasa memo na katulad ng iniutos sa gusaling Charlie del Rosario, paayusin daw ang Gabriela Silang.

Pero pinasinungalingan ng Samasa ang mga pahayag ni de Guzman na mapayapa silang pinaalis sa lugar. Tinitingnan nila ang ebiskiyong ito bilang porma ng panunupil sa karapatan ng mga estudyante.

Ayon sa isang estudyante na nakipag-negosasyon sa mga miyembro ng University Police na nagpaalis sa kanila, “agresibo at gigil na gigil” na ikinandado at pinakuan ng mga tauhan ng security noong gabing iyon ang mga lagusan papasok sa gusali.

Piket ng mga organisasyong masa ng mga estudyante sa loob ng PUP. <b>Marjo Malubay</b>

Piket ng mga organisasyong masa ng mga estudyante sa loob ng PUP. Marjo Malubay

Isyu ng kabataan

Ayon sa student handbook ng PUP, may higit 70,000 estudyante sa pamantasan. Obligasyon ng administrasyon na siguruhing mayroong sariling opisina ang mga organisasyon ng kabataan sa loob ng kanilang pamantasan at may libreng nagagamit ang mga ito sa mga pasilidad.

Pero ilang taon na umanong nakatengga ang mga dati nilang opisina sa “Charlie” kahit pa tapos na umano ang renobasyon nito. Hindi pa rin sila pinababalik dito hanggang biglang ianunsiyo ng administrasyong de Guzman ang muling pagbubukas ng gusaling Charlie sa mga estudyante noong Setyembre 28.

Ikinabahala rin ng mga estudyante ang tila sabay-sabay na pag-atake sa iba’t ibang institusyon at karapatan ng mga estudyante sa PUP.

Nakasaad sa handbook na mga estudyante lang ang may karapatan at mandato na magpatakbo ng mga publikasyong pang-estudyante tulad ng The Catalyst, na siyang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng PUP. Kung kaya, tingin ng Samasa, labag sa karapatan ng mga estudyante ang binubuong Student Publication Section ng administrasyon na magkakaroon ng direktang jurisdiction sa mga student publication sa pamantasan.

Ayon sa The Catalyst, maaari itong maging daan para mapilitang pumaloob ng pahayagan sa mga polisiya ng administrasyon kung kaya lalo lamang itong mahihirapan sa paglalabas ng regular na isyung print.

Dala ng Samasa ang kampanya kontra sa diumano’y sapilitang pagpapa-enroll ng mga estudyante mula senior high school (SHS) sa Reserved Officers’ Training Corps, gayundin sa mandatory drug testing, at pagkakaroon ng mandatory uniform.

Tinanggi ito ni de Guzman. Aniya, walang mandatory uniform na ipinapatupad sa pamantasan.

Representasyon

Ang PUP ang isa sa mga state university na may pinakamalaking populasyon sa bansa. Karamiha’y mula sa mahihirap na pamilya ang mga estudyante rito. Kaya susing posisyon ang upuan ng student regent sa PUP Board of Regents: kinakatawan at isinusulong nito ang interes ng mahigit 70,000 estudyante ng pamantasan.

Si Elijah San Fernando, nahalal na bise-presidente at incumbent na presidente ng Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) ang napili umanong bagong student regent sa inilunsad nilang 19th Alyansa ng Nagkakaisang Konseho ng PUP (ANAK-PUP) Congress, pederasyon ng mga student council sa buong PUP system. Kinukuwestiyon ito ng Samasa.

“Binago ang constitution, without knowing kung legitimate ‘yung kopya—kasi walang pirma. Nakalagay sa consitution na puwede lang ito i-amend (ito) dalawang taon pagkatapos ng huling paggalaw sa constituiton. Nakalagay din doon na dalawang linggo bago ang pagsasagawa ng amendment, dapat naibigay na sa mga council president ang kopya. Ang nangyari doon, on the spot ibinigay at ipinabasa sa amin,” sabi ng isang estudyanteng nakapanayam ng Pinoy Weekly na nakadalo sa naturang kongreso ng ANAK-PUP pero tumangging magpakilala.

Ayon pa sa isang estudyanteng council president sa isang branch ng PUP (tumanggi ring pagpapangalan), unang binago sa konstitusyon ang eligibility ng mga puwedeng tumakbo sa executive committee. Mula sa “duly-elected” na puwedeng ma-nominate o mahalal bilang student regent, pinalitan nila ito ng “duly-elected and incumbent president.”

“Sinabi nila doon mismo sa kongreso na kinuha sa SDF (Sports Development Fee) ang P100,000 pondo ng kongreso. Iyung SDF ang other school fees na hindi nagagamit. Ganun kabilis: binanggit pa ni Dekong (de Guzman) sa BOR na siya yung nagpondo sa kongreso,” ayon sa estudyante.

Ayon naman kay de Guzman, hanggang sa paglalabas lang ng badyet ang kinalaman niya sa aktibidad.

Hindi pa naipapadala sa oras ng pagkakasulat ng artikulo na ito ang kopya ng amended na konstitusyon ng ANAK-PUP na hiningi ng Pinoy Weekly kay San Fernando.

Ayon sa Samasa, kuwestiyonable rin daw ang napakabilis na pagtugon ng opisina ni de Guzman sa hiling na pondo nina San Fernando para sa ika-19 kongreso.

(May isa pang grupo, ang PUP-Speak, na nakipanayam sa PW. Ayon sa kanila, kung suportado ng administrasyon ang aktibidad nila, bakit inabonohan nila ang pambayad nito galing sa sarili nilang bulsa?)

Sa Villa Antonio de Dave Resort sa San Jose del Monte, Bulacan isinagawa ang kongreso. Para makadalo ang lahat, ni-reimburse umano ang mga ginastos na pamasahe ng mga dumalo.

Anu’t anuman, nalalagay sa kuwestiyon ang proseso ng pagpili ng rehente ng mga estudyante—at nagiging mas bulnerable ito sa anumang interbensiyon ng administrasyon o kahit ng gobyerno.

Tungkulin ngayon ng mga organisasyong pang-estudyante na paigtingin ang pagdepensa nila sa karapatan ng mga estudyante—mga karapatang ipinaglaban ng maraming henerasyon ng kabataan, at pinagbuwisan ng buhay ng mga tulad ni Charlie del Rosario.

Ipinakita ni Charlie noong nabubuhay niya kung paano manindigan para sa karapatan ng mga estudyante, sa panahon ng mga banta sa karapatang ito—at sa panahong muling tumitindi ang pasistang mga atake sa mga mamamayan tulad noong batas militar ni Marcos.


 

US: Amo ni Marcos, gayundin ni Duterte?

$
0
0

Hindi magtatagumpay si Ferdinand Marcos, ang kanyang pamilya at mga kroni nito sa kanilang pandarambong at panunupil sa bansa kung walang suportang nanggaling sa gobyerno ng Estados Unidos (US). Tumagal ang panunungkulan ni Marcos dahil nakaaalalay sa kanyang likuran ang makapangyarihang imperyalista.

Kapaki-pakinabang sa ekonomiya ng US at interes ng militar sa Pilipinas ang batas militar. Umabot ang suporta nito hanggang sa hindi na kapaki-pakinabang sa interes ng US ang pampulitika at pang-ekonomiyang krisis ng rehimen para sustentuhan pa ang tiraniya ni Marcos at korup nitong pamumuno. Ano ang mga interes ng US na pinagsilbihan ni Marcos at ng kanyang diktadura?

Noong panahong iyon, nasangkot ang US sa magastos na giyera sa Vietnam, isang proxy war sa pagitan ng US at ang dating Unyong Sobyet matapos ang Cold War. Nagsilbi ang Pilipinas, sa ilalim ni Marcos, sa giyera ng Amerika sa pamamagitan ng pagpapadala ng libu-libong tropa para tumulong sa mga tropang Amerikano. Bukod pa sa pagpapadala ng tropa, mas estratehiko pa para sa US ang pagmantine ng mga baseng militar tulad ng Subic Naval Base na ginagamit ng kanilang hukbong pandagat (US Seventh Fleet) para sa pagkukumpuni at muling pagdaragdag noong giyera sa Vietnam. Ganun din ang Clark Air Base na nagsisilbing susing logistics hub. Matapos ang kabiguan ng US sa Vietnam, naging mas lalong mahalaga ang Subic at Clark para sa US upang mapanatili ang kanilang presensiyang militar at operasyon sa Asya.

Kinatigan ng US ang pasistang rehimen kapalit ng pagtiyak ng diktador na ang Pilipinas ay magpapatuloy sa pagpayag na manatili ang mga base militar ng US. Ilang araw bago ideklara ang Proclamation 1081 na naglagay sa buong bansa sa ilalim ng batas militar, tinawagan ni Marcos ang noo’y pangulo ng US na si Richard Nixon para kunin ang kanyang suporta. Nang ipataw ni Marcos ang batas militar noong Setyembre 21, 1972, naglagay ang US ng 40,000 tropa sa Subic para “humarap sa anumang mangyari” dahil sa deklarasyon ng diktador.

Maliban sa adyendang militar, ginamit rin ng US ang diktadurang Marcos upang manatili ang prebilehiyadong posisyon nito sa ekonomiya ng Pilipinas at ang pandarambong sa likas na yaman. Ang Kasunduang Laurel-Langley ng 1955 na siyang nagbigay ng buong karapatan sa pagkakapantay-pantay para sa mga Amerikano at kanilang negosyo o kaya pantay na akses sa lokal na agrikultura, troso, mineral, pampublikong kagamitan, at pasong titulo ng lupa noong 1974. Pero sa kanyang kapangyarihang batas militar, naglabas si Marcos ng kautusan na epektibong mapapanatili ang neokolonyal na prebilehiyong pang-ekonomya ng US tulad ng pagbaluktot sa desisyon ng korte na nagbabawal sa US na magmay-ari ng mga lupain sa bansa.

Pinahina rin ng US ang paghanap ng mga Pilipino sa hustisya upang panagutin ang mga Marcos sa kanilang krimen. Ayon sa pahayagang The Guardian noong Mayo 2016, alam ng US Central Intelligence Agency (CIA) na nangulimbat ng US$10-Bilyon si Marcos pero pinili nitong ilihim ang kanilang nalalaman sa Philippine Commission on Good Government (PCGG).

Sa kasalukuyan, malaking papel ang ginagampanan ng rehimeng Duterte sa pagbaluktot ng kasaysayan ng batas militar at sa rehabilitasyong pampulitika ng mga Marcos. Susuportahan ba ng US si Duterte at makikipagkuntsabahan sa kanyang rehimen tulad ng ginawa sa diktadurang Marcos? Sa kabila ng mga kontra-US na pahayag ng presidente at sa kabila ng pagmamabutihan nito sa China, ang rehimeng ito’y nagpatuloy pa rin na pinayayaman ang relasyon sa imperyalistang amo nito.

Pinaigsing salin ni Abie Alino

 

Pagbomba sa Batangas

$
0
0

Isang malakas na pagsabog ang bumasag sa katahimikan sa mga komunidad ng mga residente sa paligid ng Bundok Banoi sa Lobo, Batangas, isang umaga noong Setyembre 24.

Ang mga bomba, mula sa military helicopters ng 203d Infantry Brigade at 730th Combat Group ng  Philippine Air Force. Pakay daw daw ng mga pagbomba: purgahin mula sa komunidad ng mga sibilyan ang mga gerilya ng New People’s Army (NPA) na ayon sa mga militar ay nananahanan sa Bundok Banoi.

Pero lumalabas na may iba pa silang pakay bukod dito.

Mala-Marawi

“Parang Marawi ang nangyayari ngayon sa ‘min dito sa Batangas,” kuwento ni Raul Resureccion, bolunter ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK).

Pinatutungkulan ni Raul ang mahigit limang buwang pagbomba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa siyudad ng Marawi sa Mindanao—para puksain daw ang mga terorista doon. Nababahala ang mga taga-Batangas na kung magtuluy-tuloy ang mga pagbomba, baka matulad na nga ang kanilang lugar sa Marawi.

Simpleng operasyon lang ang nagaganap sa Batangas ngayon, ayon sa AFP. Pero hindi maiwasan nina Raul at mga apektadong komunidad ng mga magsasaka sa Lobo na mabahala. Sa konteksto ng tumitinding pasismo ng rehimeng Duterte, tila pinatitikman na sa kanila kung ano ang maaasahan sa posibilidad na magdeklara ng batas militar sa buong bansa, hindi lang sa Mindanao.

Dahil sa mga pagbomba, mahigit 100 pamilya ang sapilitang lumikas sa mga komunidad sa paligid ng Bundok Banoi. Nag-aalala umano sila sa kanilang buhay at kaligtasan. Nagmula ang mga bakwit sa iba’t ibang barangay na malapit sa lugar ng pagsabog kabilang ang Barangay Talahib, Pandayan, Talumpok Silangan, Cumba at Banalo—na siyang pinaka-apektadong barangay.

Tulad ng nangyayari ngayon sa Marawi, apektado rin ang pag-aaral ng kabataan doon. Ilang paaralan ang sapilitang ikinansela ang klase at isara ang mismong paaralan sa takot na madamay pa ang kanilang mga mag-aaral.

Samantala, inamin ng Edgardo Dagli Command sa New People’s Army (NPA), ang kumand ng rebolusyonaryong kilusan sa Batangas, na nalagasan sila ng isang gerilya (itinago sa pangalang Ka Nathaniel) sa mga operasyong militar doon. Matapos mapatay, iniwan ito ng kasundaluhan na nakabilad sa initan nang dalawang araw.

Dalawa pa ang napabalitang kasama sa nasawi, kabilang ang isang diumano’y menor-de-edad. Itinatanggi ito ng militar.

Matapos mabalitaan ang pagbomba, agad itong ikinabahala ng ilang sektor. Sa pangunguna ng Karapatan-Southern Tagalog (Karapatan ST) at Pilgrims for Peace, naglunsad ang mga ito ng isang humanitarian mission sa Batangas.

Ang dapat na mapayapang pamamahagi ng tulong sa mga biktima ng pagsabog ay nauwi sa ilang ulit na pagpigil at pagharang ng pinagsanib na  puwersa ng kapulisan at sundalo sa ilang delegado ng misyon. Nagsagawa ang mga ito ng checkpoint sa mga lugar na maaaring pagdaan ng misyon para mapigilan ang pagbigay ng tulong mula sa ilang relihiyosong sektor.

Maging ang mga kinatawan ng blokeng Makabayan sa Kamara, hindi rin pinapasok ng mga militar at kapulisan sa mga komunidad. “Talagang nagpursige na tayo (na makapasok sa komunidad), kahit pa magpasabog (ang militar) ng bomba para malaman lang natin kung ano ang kalagayan ng ating mga kasamang apektado,” ani Resureccion.

Protesta kontra sa mga pamamaslang at militarisasyon sa Batangas. <b>ST Exposure</b>

Protesta kontra sa mga pamamaslang at militarisasyon sa Batangas. ST Exposure

Nasa likod ng pagbomba

Tuhug-tuhog na sa dalawang tunguhin ang tumitinding militarisasyon sa Batangas, lalo na sa Bundok Banoi.

Ang isang tunguhin, magsagawa ng followup operation matapos ang engkuwentro ng mga militar sa mga rebelde. Ang isa pang tunguhin, protektahan ang mga proyektong “pangkaunlaran” ng malalaking dayuhang kompanya na tinatarget ang likas-na-yaman ng bundok tulad ng ginto.

May kasaysayan sa paglaban kontra sa malawakan at komersiyal na pagmimina ang mga residente ng Batangas. Dahil sa mayamang likas-yaman na taglay nito, nangangati ang palad ng mga kompanya ng mina na hukayin ang mga yamang ito.

Ang mga kompanyang MRL Gold at Egerton Gold Philippines (Pinoy na mga kompanyang ugnay sa Australyanong kompanyang Red Mountain Mining) ang nagtatarget na magsagawa ng pagmimina ng ginto. Target ng proyektong extraction ang mga ginto sa ilalim ng mga bayan ng Lobo at San Juan.

Palagay ng mga gerilya sa Batangas, ito ang mismong dahilan ng militar at rehimeng Duterte kung bakit gusto nitong “purgahin” ang Bundok Banoi ng mga gerilya.

Samantala, sinabi naman ng Kalikasan-People’s Network for the Environment na ang mga barangay na Kakiduguen, Dine at Biyoy (na target din ngayon ng mga operasyong militar) ay tinatarget din ng Australyanong kompanya ng mina na Royalco gayundin ng Australyanong kompanyang OceanaGold para magmina ng ginto.

Ayon kay Leon Dulce, campaign coordinator ng Kalikasan-PNE, na hindi na itinatangi ng AFP ang mga armadong gerilya at di-armadong magsasaka – na kapwa tumututol sa malawakang eksploytasyon ng likas-na-yaman sa Batangas. “Binansagang tagasuporta ng NPA ng mga tropa ng 84th IBPA na sumasakop sa mga komunidad ang mga lider ng Kired, isa sa mga organisasyong masa na naglunsad ng mga barikadang kontra-mina,” ani Dulce.

Naobserbahan din nila na lalong lumalakas ng impluwensiya ng mga puwersang pabor sa malawakang pagmimina sa loob ng rehimeng Duterte. “Ikinakatakot namin (ang pagkakaroon ng) bagong kalihim ng Department ng Environment and Natural Resources na dating militar (si Roy Cimatu). Hindi malabong maisagawa ang proyekto sa mina nang hindi namin alam (ng DENR),” ani Fr. Edwin Egar ng Karapatan-ST.

Sa ngayon, lumalawak na ang paggamit ng AFP sa aerial bombings bilang malupit na paraan ng pagpapalikas sa mga mamamayan. Malawakang ginamit ito sa Marawi at sa iba pang bahagi ng Mindanao. Ginamit din ito sa mga probinsiya ng Abra at Nueva Vizcaya. Samantala, tahimik na tinatarget ng rehimeng Duterte ang paglawak ng malawakang pagmimina sa buong bansa.

Pero tulad ng ipinakita ng mga mamamayan ng Batangas, inaasahan ang pag-igting na paglaban ng mga mamamayan sa tumitinding pasistang atake sa kanila ng rehimen.


 

Viewing all 2319 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>