Quantcast
Channel: Pinoy Weekly
Viewing all 2319 articles
Browse latest View live

Bloodiest attack on Negros peasants yet

$
0
0

March 30, 2019 was the bloodiest in Negros yet, with a total of 14 peasants allegedly murdered in operations of the Philippine National Police Region 7, its Special Action Force and Regional Mobile Force, and together with elements of the 94th Infantry Brigade of the Philippine Army.

The state police and military units were conducting what they called “synchronized enhanced management of police operations” or Sempo, in Canlaon City as well as in Manjuyod and Sta. Catalino towns in Negros Oriental, according to the Northern Negros Alliance of Human Rights Advocates (NNahra).

The Sempo has been dubbed “Oplan Sauron” by the authorities — apparently named after the dark lord villian in JR Tolkien’s The Lord of the Rings novels.

Reportedly killed in Canlaon were eight (8) farmers: Avelino brothers Ismael, 53, and Edgardo, 59, of Sitio Carmen, Barangay Panubigan; Mechor Panares, 67, and his son, Mario, 46 of Sitio Tigbahi, Barangay Bayog; Rogelio Recomono, 52 and his son Ricky, 28, of Sitio Manggata, Barangay Masulog; Gonzalo Rosales, 47, of Barangay Pula; and Genes Palmares, 54 of Barangay Aquino.

Edgardo Avelino was chair of Hugpong Kusog sa Mag-uuma or Hukom in Canlaon City. Hukom is a local chapter of the Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP, Peasant Movement of the Philippines).

Aside from the killings, 12 farmers were arrested in the operations. This included, according to NNahra: Nestor Kadusale, 58, of Sitio Kambugtong, Barangay Bantolinao, who is also a local leader of the KMP in Manjuyod town.

In Manjuyod, included in the four killed were two barangay captains: Valentin Acabal of Barangay Kandabong, and Sonny Palagtiw of Barangay Panciao. The other two farmers were Steve Arapoc and Manulo Martin.

Meanwhile, in Sta. Catalina town, the two killed in police-military operations were identified as Franklin Lariosa and Ano Enojo Rapada.

According to Nnahra, Oplan Sauron was first operationalized in Guihulngan City and two other town of Negros Oriental on December 27, 2018. Six peasants were killed and 50 were arrested in that first wave of operations.

Nnahra reported that the operations were first declared to be part of “anti-criminality” and “anti-drugs” operations. But PNP would later allege that the victims were killed in “shootouts with rebels”. Yesterday, the police said that at least some of the fatalities were members of the New People’s Army’s “sparrow units”.

“The appalling conduct of these “police operations” obviously aims to make peasants, activitists, and other ordinary citizens of Negros to cower in fear, surrender their rights, and accept the wave of terror under de facto Martial Law and Malacanang’s Memorandum Order No. 32,” said Rey Alburo of Nnahra, in a statement.

Oplan Sauron, the group said, is part of the Duterte government’s declared plan to “end the communist insurgency” through Executive Order 70.

“This second wave of Oplan Sauron continues the government’s bloody crackdown against organized peasants in Negros which started with the series of EJKs of peasant leaders and the Sagay massacre,” Alburo added.

Nnahra added that “a few days ago, elements of the 79 th IB returned to Sitio Magtuod in Barangay Bug-ang, Toboso, to once again harass and threaten the members of the Pakigdait sa Kalambuan (PSK) farmers cooperative.”

The group said that they received reports that “more than 100 individuals” from Escalante City are included in a so-called “arrest list” or “kill list” for the next phases of Oplan Sauron.

More than 60 peasants have been killed in Negros under Duterte.

“The wave of killings must stop. End these demonic Sauron operations and pull-out military troops from peasant communities of Negros. Justice for all victims,” Alburo concluded.


Ang bagyo ng tae sa panahon ni Rodrigo Duterte

$
0
0

Daan-daan kundi man libo-libo ang mga Facebook Page na itinayo na para magkalat ng fake news at upang maging plataporma ng mga kampanya ni Duterte sa pulitika at laban sa kanyang mga katunggali. Sa katunayan, marami-rami na rin ang tinanggal ng FB mismo dahil sa pagsususpetsang pangunahing daluyan ang mga ito ng pekeng balita.

Karaniwan na ang modus operandi sa bagay na ito: Ang mga administrator o tagapamahala ng mga pahinang ito ay nagpopost o “nagtatanim” ng mga pekeng balita na kontrobersyal o nakakapagpakulo ng dugo. Malimit na maingat at eksperto ang pagkadisenyo ng mga inimbento o pekeng balita na ito upang magkaroon ng maksimum na impak sa mga makakapanood o makakabasa nito. Pagkaraan ng ganitong pagtatanim, may mga troll naman na nagsisilbing mga tagapaypay o manggagatong ng mga sentimyento ng mga ordinaryong FB user sa pamamagitan ng paglalagay ng mga nakakapukaw na komento o pag-click sa mga reaction. Hindi maikakaila na kapag sinuri ang mga FB user na nagre-reply sa mga maiinit na post sa mga naturang pahina, mapapansin na ang karamihan sa mga ito ay mga ordinaryong mamamayan lamang. Kapuna-puna ang FB page ng mga propesyonal na troll na halos dalawa o tatlong letrato lang ang laman at halos walang interaksyon sa mga kaibigan.

Marahas at puno ng mga insulto ang pananalitang karaniwang ginagamit ng mga troll at admin sa mga personahe na itinuturing nilang kalaban ni Duterte. Paulit-ulit at halos parang pormula ang mga insulto at bayolenteng pagmumura. Ang nakakapagtaka ay kung paano nakikisabay na rin nang maramihan sa ganitong mga pananalita ang mga ordinaryong mamamayan na tagagamit ng FB na nagkataong maka-Duterte lamang. Malamang ay hindi karaniwan sa kanila ang ganitong pananalita. Dito mapapansin ang proseso ng pagsunod sa “modelo.” Ang pinaka-modelo o inspirasyon sa pagmumura ay tiyak na si Duterte mismo, tinutularan siya ng mga namamahala sa mga FB page at ng mga troll. Dahil nagiging bagay na nakasanayan na at normal ang ganitong pananalita sa larangang pampulitika at napakitaan na ng ilang “modelo” ng wastong paggamit ng wikang ito, maaari nang makisakay ang marami na hindi naman karaniwang ganito ang pamamaraan ng pananalita. Kapag nakita nilang “okay lang” pala ang ganitong marahas na pananalita ay naeengganyo silang makisama na rin na may iba’t ibang antas ng kasiglahan.

May mga katangian din ang mismong disenyo ng mga platapormang social media na nakakaengganyo ng ganitong mga pamamaraan ng pananalita. Unang-una, hindi kaharap ng ng mga nagpopost ang taong kanilang minumura at pinaggigilan, anonimo ang komunikasyon. Ikalawa, may ilusyon na pribado ang komunikasyon sa pagitan ng mga “magkakatulad” mag-isip. Ikatlo, sinususugan ng ganitong uri ng media ang estiilong kagyat at pabugso ng pagapahayag na hindi na gaanong pinag-iisipan.

Ang mga post ng mga admin at ang mga susog ng mga troll na nakakatanggap ng maraming reaction at reply ay maituturing na bukod-tanging matagumpay na mga post. Ang mga libo-libong reply at reaction ay lumilikha ng tinatawag sa terminolohiya ng Internet ng “shitstorm” o “bagyo ng tae.” Ang mga admin ng mga pahina at troll ang nagtatanim at nanggagatong sa mga binhi ng mga bagyo na ito. Ngunit hindi nila makakayanan na lumikha ng malalaking mga bagyo kung hindi lumalahok ang ordinaryong mga tagagamit lamang ng social media. Kapansin-pansin ang mga “bagyo ng tae” na nalikha sa paligid nina Sen. Leila de Lima at ng Secretary General ng Bayan na si Renato Reyes.

May mga pananaw na nag-aakalang “ispontanyo” ang mga bagyo ng taeng ito. Totoo naman na may mga ispontanyong bagyo ng tae. Gayunpaman, dapat pag-ibahin ang mga ispontanyo sa di-ispontanyong mga bagyo ng tae. Malalaking halaga na ngayon ang inilalagak ng mga pulitiko sa social media upang makaimpluwensya ng mga pampulitikang pananaw ng mga tao. Sandatang pulitikal ang bagyo ng tao na mapangwasak, hindi lamang sa mga kalaban sa pulitika ng rehimeng Duterte, kundi sa mismong konsepto ng komunikasyong pampulitika. Nararapat lamang na makahanap ng mga bago at mapanlikhang kontra-sandata ang mga kilusan at pwersang naghahangad ng tunay na pagbabago sa lipunang Pilipino.

DDoS at ang oras ng pagtutuos

$
0
0

Internet traffic, bandwidth, online user, DDoS, VPN, IP address, server logs at kung ano-ano pa.

Masyadong teknikal ang mga termino kaya mahirap maintindihan ng ordinaryong tao. Paano ba ipapaliwanag ang pinagdaraanan ng ilang website ng alternatibong midya? At higit sa lahat, paano ba iuugnay ito sa kalayaan sa pamamahayag?

Noong nakaraang taon, nakaranas ang mga website ng alternatibong midya tulad ng AlterMidya, Bulatlat, Kodao, Pinoy Weekly, Manila Today at Arkibong Bayan ng mataas na Internet traffic sa website nila. Ibig sabihin, maraming bumibisita sa kanila. Sa unang tingin, magandang balita ito dahil, sa wakas, tila nakakaya nang tapatan ng “maliliit” na alternatibong midya ang mga “higante” sa dominanteng midya. Produkto lang pala ito ng maling akala! (Paglilinaw: Ngayon pa lang, nais kong ipaalam na founding member po ako ng AlterMidya, associate editor ng Bulatlat, board secretary ng Kodao at kolumnista ng Pinoy Weekly.)

Napansin lang na tila nagiging abnormal na ang Internet traffic dahil hindi na nakakayanan ng mga website ang sobrang dami ng bisita. Ihalintulad na lang natin ito sa maliit mong bahay na hindi kayang magpapasok ng napakaraming tao. Ano ang mangyayari kung napasobra ang imbitasyon, halimbawa, sa birthday party sa loob ng maliit na bahay mo? Siyempre’y hindi makakapasok ang ilan sa kanila. Ganyan din ang limitasyon ng mga website. May tinatawag na bandwidth na siyang limitasyon sa dami ng mga online user (o gumagamit ng Internet) na nais na magbasa ng nilalaman ng isang website. Sa kaso ng alternatibong midya, binibisita ang mga website nila dahil sa malalim na pagsusuri sa mga isyung kinakaharap ng lipunan.

At dahil sa napakataas na bandwidth, tuluyang nagsara ang mga website at hindi na nakapagpalaganap ng impormasyon ang ilang taga-alternatibong midya. Sa halip na matuwa, tuluyang naluha ang mga patnugot at manunulat dahil wala nang makakabasa ng mga ginawa nila. Bukod sa pinaghirapan at pinagpuyatan nila ang kanilang mga akda, mas malaking panghihinayang ang kawalang idinulot para sa mga naghahanap ng seryoso at malalim na pagsusuri, ilang bagay na mahirap hanapin sa dominanteng midya.
Ito po ay kaso ng atakeng DDoS (o Distributed Denial of Service attack).

Paumanhin sa paggamit ng wikang Ingles, pero ang depenisyon po nito ay “malicious attempt to disrupt normal traffic of a targeted server, service or network by overwhelming the target or its surrounding infrastructure with a flood of Internet traffic.” Sa madaling salita, inaatake ang mga server o pinaglalagyan ng mga website para magmukhang marami ang bumibisita.
Sa konteksto ng peryodismo sa online (online journalism), ang DDoS ay isang atake sa kalayaan sa pamamahayag dahil ang mga publikasyon ay hindi nakakaabot sa mga mambabasa sa Internet. Ang sitwasyong ito ay hindi kakaiba sa kaso ng mga diyaryong ibinibenta sa mga bangketa na posibleng bibilhin o nanakawin nang maramihan para hindi na mabasa ng iba pa.

Nangyayari ang DDoS kung ang website ay hindi na mapuntahan ng isang tunay na online user dahil maraming pekeng online user na nais na bumisita sa parehong website. Kung nais nating isalarawan, isipin na lang natin ang isang estudyanteng hindi makapasok sa isang pampublikong aklatan (public library) dahil napakaraming taong nakaharang sa pinto.

Sa kaso ng atakeng DDoS, gumagamit ang mga may masamang balak ng maraming kompyuter para bumisita sa website.

Maglalagay sila ng program o command sa maraming kompyuter para ang nilalaman ng website ay mapupuntahan nang maraming beses sa loob ng maikling panahon lamang. Kung ang mga command ay mauulit nang maraming beses, posibleng magiging mabagal ang website o magsasara ito nang tuluyan para sa mga tunay na online user.
Kaya ang tanong sa puntong ito, kung alam mong inaatake ka na, bakit hindi mo pigilan yung mga masamang balak na makapunta sa website mo para ang makagamit lang ng nilalaman nito ay ang mga tunay na online user? Opo, posible ito dahil may tinatawag na IP address (o Internet Protocol address) ang lahat ng mga bumibisita sa website. Masasabing ang IP address ang bakas o footprint na iniiwan natin sa Internet. Pero kung gumagamit ng maskara ang mga may masamang balak, naitatago nila ang kanilang IP address. Ang maskarang ito ang tinatawag na VPN (o virtual private network). Kahit na sila, halimbawa, ay mula sa Pilipinas, makakaya nilang palabasing ang mga kompyuter na ginagamit nila sa mga atakeng DDoS ay mula sa ibang bansa.

Nagsimula ang matinding DDoS attacks noong Disyembre 2018 at nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon. Ito ang dahilan kung bakit ang ilan sa mga biktima ay humingi ng suporta noong Enero 2019 sa Qurium Media Foundation, isang NGO mula sa Sweden na tumutulong sa mga “independent media” sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Batay sa imbestigasyon ng Qurium, hindi lang pala daan-daan kundi LIBO-LIBONG kompyuter ang ginamit para ilunsad ang mga atakeng DDoS. Sa kaso ng Bulatlat, masyadong matindi ang pag-atake kaya ang isang segundong “pagbisita” ng mga may masamang balak ay katumbas ng anim na buwang Internet traffic mula sa mga tunay na online user.

Maraming oras ang ginugol ng Qurium para suriin ang ilang gigabyte ng datos ng mga bumisita (o server logs) sa ilang apektadong website. Natunton ng mga taga-Qurium kung saan nanggagaling ang mga atakeng DDoS. Bagama’t maraming paraan ang ginawa para matukoy sila, susing salik sa palagay ko ang pagkakamaling gamitin ang VPN, kahit sa maikling panahon lamang, kaya natukoy ang ilang tunay na IP address ng mga pinanggalingan ng atake.

Nakita rin ang kanilang mga “bakas” sa maraming server log ng mga website. Halatang halata rin ang kanyang “bakas” sa website ng Qurium, at nakakaintrigang mabilis niyang binabasa ang lahat ng mga report ng Qurium hinggil sa mga atakeng DDoS sa Pilipinas! Gaya ng nabanggit, patuloy pa rin ang mga atakeng DDoS. Kahit ang Qurium ay naging “biktima” na rin ng serye ng mga atakeng DDoS.

Kung susuriin ang ulat ng Qurium, puno ito ng mga teknikal na jargon na hindi siguro madaling maiintindihan ng ordinaryong mambabasa. Sabi nga ng isang kaibigan, “nosebleed” ang magiging resulta ng sinumang susubukang magbasa ng buong teksto. Nosebleed man o hindi, kailangan lang tandaan ang apat na importanteng punto:

1.Ang mga atakeng DDoS ay pinuntirya ang mga taga-alternatibong midya sa panahong gumagawa sila ng mga kritikal na ulat sa mga isyu gaya ng usapang pangkapayapaan, karapatang pantao, extra-judicial killings at ang pagpapababa ng minimum age of criminal responsibility;

2.Ang mga atakeng DDoS ay organisado at ginastusan nang malaki dahil sa paggamit ng libo-libong kompyuter sa mahabang panahon mula Disyembre 2018 hanggang sa kasalukuyan;

3.Ang mga pinagmulan ng mga atakeng DDoS ay sinubukang itago ang kanilang “bakas” o IP address pero nabulatlat ang mga ito dahil na rin sa kanilang pagkakamali, kahit sa maikling panahon lang; at

4.Ang server logs ng mga apektadong website, at kahit na website ng Qurium na inatake rin, ay nagpapakita ng tunay na “bakas” o IP address ng mga pinagmulan ng mga atakeng DDoS.

Kaya hindi na siguro kailangang magtanong pa kung bakit nagdesisyon ang apat na intitusyon – Altermidya, Bulatlat, Kodao Productions at Pinoy Weekly – na magsampa ng kaso sa Quezon City Regional Trial Court laban sa pinagmulan ng mga atakeng DDoS noong Marso 29 (ang ika-25 taon ng Internet sa Pilipinas). Tama lang na ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag sa importanteng petsang ito. Importante rin ang naging legal na aksyon dahil ito ang kauna-unahang kaso hinggil sa atakeng DDoS.

Hinihintay namin ngayon ang magiging sagot ng mga idinemanda naming IP Converge Data Services, Inc. at ang Suniway Group of Companies, Inc. Sa ngayon, gusto lang naming kumustahin ang mga taga-IP Converge na sina Ernesto Alberto, Nerissa Ramos, Anabelle Chua, Juan Victor Hernandez, Patrick David De Leon, Sherwin Torres, Christian Villanueva at Cean Archivald Reyes na pinangalanan namin sa aming reklamo. Siguro’y kailangan ding kumustahin sina Rolando Fernando, Julia Mae Celis, Mary Ann Recomono, Jiang Zongye at Jiang Xingzhong ng Suniway. Kasama po kasi silang lahat sa kasong isinampa.

Malinaw na ang mga biktima noon at ngayon ay piniling lumaban at magsampa ng reklamo. Simple lang ang mensahe namin sa puntong ito: Kami po ay mga peryodista mula sa alternatibong midya. Nagbabahagi kami ng makabuluhang istorya at hindi kami dapat sinesensura. Dahil sa ginawa ninyo, naniningil kami hindi ng pera kundi ng hustisya.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

Bangis ni ‘Sauron’

$
0
0

Oplan Sauron. Ito ang katawagan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa operasyong militar-pulis para umano puksain ang ilegal na droga at mga baril (loose firearms) sa rehiyon ng Central Visayas.

Ang Oplan Sauron ay isang “one-time, big-time” na operasyong tinatawag nilang synchronized enhanced managing of police operations (Sempo). Sakop diumano ng Sauron ang buong rehiyon, pero pokus nito ang Negros Oriental, lalo na ang Guihulngan City at ang mga bayan ng Mabinay, Sta. Catalina at La Libertad.

(Lumalabas na ipinangalan ang Oplan Sauron sa kalabang karakter sa nobelang The Lord of the Rings ni JRR Tolkien. Si Sauron ang Dark Lord na gustong sumakop sa buong Middle Earth sa pamamagitan ng pagkuha sa makapangyarihang singsing.)

Sa pag-aaral ng Pinoy Weekly, napag-alamang iniutos ang Oplan Sauron ng Central Command ng AFP. Alinsunod ito sa na inilabas ni Pangulong Duterte noong Nobyembre 22, 2018. Nag-uutos ito sa militar na magpakat ng dagdag na tropa sa mga probinsiya ng Negros Oriental at Occidental, at sa rehiyon ng Bicol para “puksain ang (diumano’y) lawless violence and terror”.

Nagpakilos ang naturang kumand ng 3,000 tropa mula sa 94th Infantry Battalion at 62nd IB ng 302nd Brigade ng Philippine Army. Aktibong nakikipag-koordina ito sa iba’t ibang yunit ng PNP, katulad ng Special Action Force at Regional Mobile Force (Region 7), at Negros Oriental PNP Office o NOPO.

Pero ayon kay Lorna Tecson ng Hustisya! (Pagkakaisa ng mga Biktima para sa Hustisya) – Guihulngan, hindi mga suspek sa ilegal na droga ang naging target ng Oplan Sauron. Sa kanilang pagmomonitor, mga sibilyang lider o miyembro ng mga grupong magsasaka at iba pang asosasyon ang naging target.

Unang pinaputok ang Oplan Sauron noong Disyembre 27, 2018, sa iba’t ibang bahagi ng Guihulngan.

Sa imbestigasyon ng Karapatan-Negros, napagalaman nnilang may anim (6) na di-armadong sibilyan ang napaslang sa magkakasabay at brutal na mga reyd sa kabahayan ng mga lider-magsasaka at ordinaryong mga magsasaka na miyembro ng mga organisasyon na lumalaban para sa karapatan nila sa lupa.

Ilang halimbawa lang:

Noong madaling araw ng Disyembre 27,pinasok ng mga elemento ng pulis at militar ang bahay ni Jimmy Fat, 57, at agad siyang binaril. Pagkatapos, kinaladkad ang katawan ni Jimmy sa bakuran, sa harap ng kanyang mga anak, at tinamnan ng .38 baril at bala sa tabi ng walang-buhay na si Jimmy.

Ganoon din ang nangyari kay Jun Cobol. Alas-5 ng umaga, tatlong tauhan ng PNP, Army at Citizens Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) ang nagreyd sa bahay niya sa Brgy. Trinidad. Tinaas ni Jun ang mga kamay niya, at nagmanikluhod. Kahit pa. Sa harap ng kanyang asawang si Benecia, binaril si Jun. At saka sinakay sa sasakyan ng mga armado.

Ganoon din ang nangyari kina Jaime Revilla at Reneboy Fat, Jesus Isugan at Gabby Alboro. Samantala, may 50 katao ang inaresto noong araw ding iyon.

Noong Marso 30, tinagurian ng PNP at AFP ang mas malaki pang operasyong pulis-militar bilang “Oplan Sauron 2pt0” – pagpapaigting sa dati nang malupit, brutal at ilegal na operasyong paghuli at pagpatay sa mga magsasaka at lider-magsasaka sa ngalan ng giyera kontra insurhensiya.

Pinakamadugong atake sa Negros

$
0
0

Tulog ang kabahayan ng mga magsasaka. Sa iba’t ibang sityo at barangay ng siyudad ng Canlaon at bayan ng Manjuyod at Santa Catalina sa Negros Oriental. Alas dos hanggang alas-kuwatro ng umaga.

Nakahimlay pa sila kapiling ang kanilang mga anak at asawa. Walang pasabi. Winasak ang mga pinto, pumasok ang mga armado.
Agad na kinilala ang mga target. Kinaladkad palabas ng kuwarto, inihiwalay sa kanilang mga anak at asawa, kapatid at magulang. At ang 14 sa kanila, pinagbabaril. Ang iba, hinuli at dinala sa mga kulungan ng pulisya.

Sa ulat ng PNP Negros, sinabi nitong “nanlaban” ang 14 na magsasaka. “May 14 na suspek na nakipagbarilan sa mga elemento ng PNP sa isang shoot out habang pinapatupad ang SW (search warrant) na nagresulta sa pagkamatay nila,” ulat ng PNP.
Ang mga naaresto naman, ayon sa pulisya, ay nakuhaan ng 41 iba’ibang baril. Kabilang dito ang: walong (8) rifle grenades; dalawang (2) granada; pitong (7) kalibre .45 na baril; 17 kalibre .38 baril; isang kalibreng .357 baril; tatlong (3) shotgun; isang (1) homemade na baril; at dalawa (pang) ibang baril.

Nakuhaan din daw sila ng mga bala, magasin, cellphones, “subersibong dokumento”, at iba pa.

Pero sa salaysay ng mga saksi – mga kaanak ng mga pinaslang at hinuli, at mga kapitbahay – ibang iba ang pangyayari. Tinaniman ng baril ang mga pinatay, at ang mga binuhay at hinuli. Pati ang wala sa kanyang bahay (si Eppie Asentista ng Canlaon City), tinaniman ng baril sa bahay na ang 83-anyos na nanay lang niya ang nandoon.

Ito ang pinakahuling yugto ng madugong giyera kontra insurhensiya, o mas dapat tawaging giyera kontra sa mga mamamayan, ng rehimeng Duterte. Basahin ang kuwento ng mga saksi. Tinipon ng Pinoy Weekly mula sa iba’t ibang ulat – ng mga saksi, ng mga grupong aktibista, ng mga mamamhayag.

Edgardo Avelino, 59

Marso 30, lampas hatinggabi, pinalibutan ng 40 hanggang 60 Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police ang kanilang compound. Hindi bababa sa limang SAF ang pumasok sa kanilang bahay matapos wasakin ang pinto.

Ni isa sa kanila, walang maipakitang search warrant. Mula sa kuwarto ng maganak, hinila ang anak ni Edgardo, habang sa kabilang kuwarto naman ay binubugbog siya. Pinalabas ang lahat bukod kay Edgardo. Mula rito, narinig ng asawa at mga anak ang tatlong putok ng baril, nasundan pa ng mga putok sa kabilang bahay kung saan nakatira si Ismael, ang kapatid ni Edgardo.

Nadinig pa ito ng isa pa nilang kapatid, na pinagbantaang patayin ng SAF kung hindi siya babalik sa loob ng kanyang bahay.

Alas sais ng umaga, may dumating na ambulansiya. Ayon sa nagbuhat ng mga katawan, dadalhin daw sa ospital sina Edgardo at Ismael dahil hinimatay. Doon na lang sa mismong ospital nalaman ng mag-anak na patay na ang dalawa, at tatlo ang natamong tama ng bala ni Edgardo: isa sa noo, isa sa dibdib, at isang daplis sa pisngi.

Lider-magsasaka ng lokal na tsapter ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas si Edgardo.

(FB post ng SAKA o Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo)

Ismael Avelino, 53

Nakapagbilin pa si Ismael Avelino, miyembro ng Nagahiusang Mag-uuma sa Panubigan, sa 10-anyos na anak na lalaki: “Alagaan mo ang nanay at kapatid mo.”

Alas-dos y medya ng madaling araw ng Marso 30 nang pasukin ng di-bababa sa anim na armadong kalalakihan ang bahay nina Ismael at Leonora Avelino.

Nakaladkad na palabas sina Leonora at ang dalawang batang na anak. Dito, nakarinig sila ng putok ng baril mula sa loob kung saan natira si Ismael kasama ang armadong grupo.

Sabi ni Cynthia, anak ni Ismael, hindi totoo ang paratang ng PNP na may ilegal na armas o pumatay na ng pulis ang kanyang ama.

“Sakitin ang tatay ko at hindi rin pala-away,” ani Cynthia. Dagdag niya, sa pagsasaka at pagiging pagdadrayb ng habalhabal nakakakuha ng kita ang kanyang ama para sa kanilang apat na magkakapatid.

Pighati at galit ang naramdaman nina Leonora, Cynthia at iba pang anak nang makita nila na walong bala ang tumagos sa katawan ng kanilang ama, at wakwak pa ang tagiliran kaya kita ang bituka.

Philippine Daily Inquirer, FB Page ng National Federation of Sugar Workers (NFSW)

Rogelio Recomono, 52; Ricky Recomono, 28

Pinasok sa kanilang bahay habang nandoon ang maliit niyang apo. May search warrant daw pero hindi ipinakita ng mga unipormadong nakabonet, binaril ang anak at asawa niya. Pagkatapos barilin may pinapipirmahan pang dokumento sa pobreng ina at asawang si Lucia Recomono, 62.

Paulit-ulit ang tanong ng nag-iinterbyu, “May armas ba?”

“Wala uy!” Sagot niya.

“Miyembro ba ng organisasyon?”

“Hindi, mag-uuma lang.” Magsasaka.

Pinatay sa mismong bahay. Ninakaw sa asawa’t anak nila ang buhay.

(FB post ni Mara Marasigan)

Genes Palmares, 54

Iba ang dedikasyon ni Genes Palmares (o Nonong sa mga kakilala) sa kanyang mga magulang, ayon sa mga kamag-anak. Hindi na nga raw ito nakapag-asawa dahil sa tuon sa pag-aalaga sa ina at ama. Kilala bilang palabiro, magaling makisama at mahilig pa nga maglaro ng basketball.

Madaling araw ng Marso 30 nang wakasin ng mga pulis at militar ang pinto at bintana sa bahay ni Palmares at ng kanyang mga magulang. Pinadapa ang dalawang magulang habang binitbit naman ng mga armado palabas si Palmares.

Di nagtagal, narinig na nila ang mga putok ng baril.

Anim na bala ang tumagos sa katawan ni Nonong, na ayon sa mga kapitbahay.

(FB Page ng National Federation of Sugar Workers o NFSW)

Steve Arapoc

Pumatay na, napagkakitaan pa ang alagang baboy ng pamilya. Ganito isinalaysay ni Mc Khillif Arapoc ang pagpatay sa kanyang kapatid na si Steve.

Pinagtutuok ng ripleng M16 ang pamilya ni Mc Khillif at Steve ng mahigit 10 armadong lalaki na hindi nila napangalanan dahli nakatakip ang name plate, bago mag-alas-kuwatro ng madaling araw. Kasama sa kabahayan ang mga anak na aabot sa apat-na-buwang gulang lang ang tanda.

Nang itanggi ng pamilya na mayroon silang itinatagong mga armas, pinosasan si Mc Khallif at ang isa pang lalaking kamag-anak.

Nang bumaba na si Steve na walang dalang anumang armas, agad siyang kinaladkad at pinagbubugbog. Napilitan siyang aminin na lang na mayroon silang armas. Nasilayan pa ng kanyang pamangkin kung papaano siya binaril habang humihingi ng awa si Steve.

Ang isa sa mga balang tumagos kay Steve ay dumaan pa sa kanyang tiyan at lumabas sa hita, ayon sa pagsisisyasat ng Karapatan. Matapos ang pamamaril, nagtanim ng baril na kalibre .38 ang mga armadong lalaki, at naglagay pa ng bala malapit kay Steve.

(Inday Espina-Varona, ABS-CBN News Online)

Tangkang pag-aresto, pagtanim ng baril kay Eppie Bargamento Asentista ng Karapatan sa Canlaon City

Kuwento ito ng mga kamag-anak ni Eppie Bargamento Asentista, na isa sa mga hinainan daw ng warrant of arrest ng pulisya at militar. Ayon sa search warrant na pirmado ni Judge Soliver Peras, nagtatago ng hindi rehistradong armas si Eppie, tulad ng isang pistolang kalibre .45.

Ayon sa mga kaanak, dinalhan ng may 100 pulis at militar ng warrant ang bahay ni Asentista, alas-tres ng madaling araw, Marso 30. Pero ang dinatnan lamang nila doon ay ang sakiting ina ni Eppie na si Rosenda Asentista, 83.

Kasama ng warrant of arrest para kay Eppie ang pagtanim ng pulis at militar ng mga armas na kabahayan, tulad ng isang kalibre .38 pistola at dalawang rifle grenade launcher na mayroong live munitions.

(FB Post ni Phoebe Zoe Maria)

Paninira sa progresibo

$
0
0

Muli, sinasangkot ng rehimeng Duterte at militar nito ang sibilyang progresibong kilusan sa giyera kontra insurhensiya nito. Ang ibig sabihin lang nito, kasama sa pangunahing target ng giyera ang mismong mga sibilyang organisasyon na pinakamasugid sa pagtiligsa sa mga polisiya ng rehimen na kontra sa mga mamamayan.

Kamakailan, napagalamang kinasangkapan ng militar ang isang pahayagang tabloid para lang ilathala ang malisyoso at walang batayang pagturing daw sa legal na mga organisasyon bilang “komunista-terorista”. Hayagang paglabag sa batayang mga prinsipyo ng pamamahayag ang mistulang pagbenta ng naturang pahayagan sa paninira at fake news ng militar.

Siyempre, nandiyan din ang pagpunta noong Pebrero ng delegasyon ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at militar sa Europa para hilingin daw sa European Union na itigil ang pagpondo sa mga proyekto ng naturang mga progresibong organisasyon. Ayon sa mga ito, ginagamit lang daw ang pondo para sa “terorismo”.

Hindi lang ang mga organisasyong pinagbabantaan ng rehimen ang apektado sa ganitong mga paninira ng PCOO at militar sa European Union. Apektado nito lalo ang maraming programang kinalalahukan ng progresibong mga organisasyon para mapaglingkuran ang mardyinalisado at ineetsapuwerang mga sektor at lugar sa lipunang Pilipino. Pinakamaliwanag na halimbawa na niyan ang pagpondo sa ilang mga paaralang Lumad. Inamin mismo sa midya ng mga kinatawan ng mga organisasyong Europeo na kumukuha ng pondo sa European Union na para sa mga gawaing pangagrikultura at pangkabuhayan ang pondong ibinibigay nila sa mga paaralang Lumad.

Nakakaalarma na mas ginugusto pa ng militar at rehimeng Duterte na gawing mangmang, sakitin, at wala talagang akses sa iba’t ibang serbisyo dahil una, matagal na silang napabayaan ng gobyerno at, pangalawa, pati ang mga progresibong grupo at non-profit institutions na kumukuha ng pondo sa Europa para magserbisyo sa kanila, pagkakaitan na rin ng serbisyo.

Malinaw ang mensahe ng pag-atake sa mga proyekto ng mga progresibo na pinopondohan diumano ng European Union: Para patahimikin na ang naturang mga organisasyon na pinakamalakas na tumutuligsa sa rehimeng Duterte. Sa pagiisip ng mga ito, kung walang pondo ang mga organisasyon, wala itong kakayahang pumuna.

Hinihikayat ng progresibong mga grupo ang mga nagpopondo mula sa Europa ng mga proyektong ito na maging patas sa pagsusuri, at isaalang-alang na ginagawa lang ito ng rehimeng Duterte dahil di tumatahimik ang mga progresibo sa pagtutol sa pasistang diktadura niya. Katunayan, ang rehimen ang dapat imbestigahan — sa libu-libong pamamaslang at pangaabuso sa giyera kontra droga at kontra insurhensiya.

Hinihikayat ng mga grupo na ibaling sa rehimen ang imbestigasyon.

Trabahador na seasonal

$
0
0

Sa kaso ng Universal Robina Sugar Milling Corporation vs. Nagkahiusang Mamumuo sa URSUMCO – NFL, na denisisyunan ng Korte Suprema nito lamang Nobyembre 28, 2018 ay nilinaw ng Kataastaasang Hukuman kung kailan ang mga seasonal workers ng kompanya ay maaring ituring na permanent o regular employees nito.

Sa nasabing kaso, ang kompanya ay nasa sugar milling business. May mga regular siyang empleyado sa negosyong ito. Ngunit marami rin siyang seasonal employee na nagtatrabaho tuwing milling season.

Pagkatapos ng milling season, ang nasabing mga seasonal employees na ito ay binibigyan pa rin ng trabaho ng kompanya bilang mga taga repair o taga ayos sa mga sirang gamit sa loob ng kompanya.

Ang sahod na tinatanggap ng mga seasonal employees na ito ay mas mababa kung ihambing sa sahod ng mga regular na empleyado.

Dahil dito, hiniling ng unyon sa kompanya na gawing regular ang 78 seasonal employees ng kompanya at taasan ang kanilang mga sweldo.

Tumanggi ang kompanya.

Isinampa ng unyon ang kaso sa Voluntary Arbitration.

Kinatigan ng Voluntary Arbitrator ang unyon at inutos sa kompanya na gawing regular ang mga seasonal workers nito.

Umakyat naman ang kompanya sa Court of Appeals ngunit ganun pa rin ang naging hatol ng Court of Appeals : kinatigan nito ang unyon at inutos sa kompanya na gawing regular ang mga seasonal workers nito.

Hindi pa rin tumigil ang kompanya at umakyat ito sa Korte Suprema.

Sa desisyon ng Korte Suprema ay nilinaw nito na ang isang trabahante ay maituturing lamang na regular kung ang ginagawa niya ay mahalaga o kailangan sa negosyo ng kompanya.

Kapag ganun ang kanyang ginagawa ay hindi siya maaring tanggalin sa kanyang trabaho maliban lamang kung may makatuwirang dahilan para gawin ito.

Sa bahagi naman ng mga seasonal employee, sila ay kailangan lamang ng kompanya sa loob ng isang season (e.g. planting season, milling season, etc.).

Pagkalipas ng season na ito, ay wala na silang trabaho at mag-aantay na naman uli nang pagdating ng bagong season o panahon.

Ngunit hindi ito nangyayari sa mga seasonal workers ng kompanya, sabi ng Korte Suprema.

Pagkalipas ng milling season, ay patuloy pa rin silang nagtatrabaho sa kompanya bilang mga repairmen.

Ang pagiging repairmen ay mahalaga at kailangan sa negosyo ng kompanya sapagkat hindi ito maaring magpatuloy sa kanyang negosyo kung walang magkukumpuni o magsasaayos ng mga sirang piyesa nito.

Kung ganun, ayon sa Korte Suprema, ay dapat lamang ituring na permanent o regular employees ang mga seasonal workers na ito.

Kaya bilang pagsunod sa utos ng Korte Suprema ang 78 na seasonal workers ng kompanya ay ginawa na nitong regular o permanent workers.

Mabuti na lamang at may unyon na nagtatanggol sa kanilang karapatan.

Isang pagsipat sa Araw ng Kagitingan

$
0
0

Suriin natin ang nakaraan para mas maintindihan ang kahulugan ng kabayanihan.

Ano nga ba ang nangyari noong Abril 9, 1942 na siyang batayan ng tinaguriang Araw ng Kagitingan? Sa konteksto ng kolonisasyon, pinilit ng mga sundalong Hapon na sakupin ang Pilipinas kahit na nasakop na tayo ng mga Amerikano. Bago ang mga Amerikano, matatandaang umalis ang mga Kastila noong 1898 matapos ang mahigit 300 taong pananakop.

Ang partikular na komemorasyon 77 taon na ang nakaraan ay ang pagsuko ni Major General Edward King sa 76,000 sundalong Pilipino, Amerikano at Tsino sa mga Hapon. Pinilit silang paglakarin mula Mariveles, Bataan hanggang Camp O’Donnell, San Fernando. Tinawag itong Bataan Death March hindi lang dahil sa distansyang 145 kilometro na inabot ng limang araw ang paglalakad kundi dahil sa libo-libo ang namatay dahil sa gutom at sakit, bukod pa sa pagmamalupit ng mga sundalong Hapon.

Ang tanong marahil sa puntong ito: Nasaan ang kagitingan sa tinaguriang pagbagsak ng Bataan (Fall of Bataan)? Bakit kailangan pang alalahanin ang trahedyang pinagdaanan ng libo-libong namatay sa Bataan Death March?

Kung susuriin ang ilang interpretasyon sa nangyari, ang mga nahuli’t sumukong sundalong Pilipino noong panahong iyon ay magigiting. Kahit na ang pagsuko sa Bataan ay nagresulta sa pagbagsak ng Corregidor, hindi naging madali para sa mga Hapon na gapiin ang mga baseng militar ng mga Amerikano sa buong Pasipiko. Napilitan kasi ang mga Hapon na maging mas maingat at magdahan-dahan dahil sa karanasan nila sa Bataan. Dahil dito, nagkaroon ng oras ang Estados Unidos at ang mga alyado nito para maghanda sa mga susunod pang laban tulad ng Battle of the Coral Sea (Mayo 4-8, 1942) at Battle of Midway (Hunyo 4-7, 1942).

Kasaysayan din ang magpapatunay na nakuhang muli ng pinagsamang puwersa ng mga Amerikano at Pilipino ang Bataan noong Pebrero 8, 1945. Sa pagtatapos naman ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nilitis ng isang Amerikanong military tribunal si Lieutenant General Homma Masaharu, ang kumander ng mga sundalong Hapon na sumakop sa Pilipinas. Dahil napatunayang responsable sa Bataan Death March, pinatay siya sa pamamagitan ng firing squad noong Abril 3, 1946 (o anim na araw bago ang ika-apat na taong komemorasyon ng tinatawag natin ngayong Araw ng Kagitingan).

Totoo naman ang sakripisyong ipinakita ng mga Pilipinong sundalong lumaban sa mga Hapon. Pero tandaan sana nating nagmistulang lunsaran lang ang Pilipinas ng mga giyera ng agresyon ng Amerika at ng mga alyadong bansa nito tulad ng Gran Britanya, Unyong Sobyet at Pransya. Sila ang bumubuo sa tinaguriang Big Four ng Allied Powers. Kasama sa iba pang bansang alyado ng Amerika noon ang Tsina, at ito ang magpapaliwanag kung bakit may mga Tsinong sundalo ring kasama sa Bataan Death March.

Ang kasaysayan ng Pilipinas ay kasaysayan ng paglaban sa mga mananakop. Nasa proseso na tayo ng pagkamit ng tunay na kalayaan noong huling dekada ng ika-19 na siglo pero inagaw ng Amerika ang tagumpay na ito sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa mga Kastila. Nagmistulang kasangkapan ang Pilipinas na ibinigay ng mga Kastila sa mga Amerikano sa pamamagitan ng Treaty of Paris na pinirmahan noong Disyembre 10, 1898. Sa katunayan, nagbayad ng US$20 milyon ang Amerika sa Espanya para sa Pilipinas. Kung ang populasyon ng Pilipinas ay 7.8 milyon noong 1898, mistulang binili ng Amerika ang Pilipinas mula sa Espanya sa halagang $2.55 bawat Pilipino.

Ano ba ang mayroon sa Pilipinas at sinakop ito ng mga Kastila, Amerikano at Hapon? Kung susuriin ang isang sikat na kanta tungkol sa ating bayan, tayo ay lupain ng ginto’t bulaklak. Sa madaling salita, nariyan ang mga yamang lupa at yamang dagat, bukod pa sa lakas paggawa ng mga ninuno natin.

Ito rin ang magpapaliwanag kung bakit patuloy ang pagpasok ng mga mananakop sa kasalukuyang panahon. Kahit na sabihing hindi na dayuhan ang mga nasa gobyerno, mistulang dayuhan pa rin ang kanilang perspektiba lalo na sa usapin ng proteksyon ng ating pambansang soberanya.

Totoong dapat isakonteksto ang komemorasyon ng mga makasaysayang pangyayari tulad ng nangyari noong Abril 9, 1942. Hindi po ito simpleng usapin ng kanya-kanyang opinyon o interpretasyon ng nakaraan. Higit sa lahat, ito ay ang pagkakaroon ng perspektibang ipagpatuloy ang sinimulan ng ating mga ninuno para tunay tayong maging malaya sa mga mananakop na dayuhan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

Marcos sa Negros

$
0
0

Sa “Challenges for Cultural Studies Under the Rule of Global War,” sanaysay na nalathala noong 2004, tumanggi si Neferti Xina M. Tadiar, kritikong pangkultura, na magbigay ng prediksyon tungkol sa hinaharap.

Aniya, hindi makakatulong ang paglingon sa nakaraan para maunawaan ang hinaharap dahil ang huli ay hindi bunga ng “abstraktong lohika na ang mga tendensya ay pwedeng mabanaag sa maraming historikal na panahon.” Sa halip, ang hinaharap, sabi niya, ay “resulta… ng mapagpalayang pakikibakang panlipunan ng mga mamamayan at ng mga pagsisikap ng mga naghaharing elite na hadlangan at talunin sila.”

Pero lumalabas na makabuluhan ang sanaysay sa hinaharap nito, sa ating kasalukuyan sa partikular. Sa sulating iyun, at sa iba pa, pinalutang ni Tadiar ang hamon, na sinikap din niyang tugunan, na ipakita ang gamit ng kultura sa pasismo — na ramdam na reyalidad ngayon.

Paglalarawan pa niya sa sitwasyon noon: “Gera sa terorismo, gera sa droga, gera sa krimen, gera sa kahirapan” — lahat, halimbawa ng tinawag niyang “paghahari ng gera.” At maidadagdag ang “gera sa Kaliwa” at “gera sa korupsyon” ni Rodrigo Duterte, bahagi ng tunguhin ng “maka-Kanang populismo” na isa sa sumunod at humalili sa tunguhing “paghahari ng gera” ng imperyalismong US.

Madiin si Tadiar na sa panahong sagad at lantad ang paggamit ng rehimen ng dahas, lalong mahalagang larangan ng labanan ang kultura. Ipinapaalala niya na ang mga nangungunang halimbawa ng pasismo sa kasaysayan ay humalaw ng lakas sa iba’t ibang aspeto ng kultura ng kanilang bansa at umani hindi lang ng pagpayag ng mga mamamayan kundi ng aktibong pagsuporta.

Matapos ang pagpaslang sa 14 na magsasaka at pagdakip sa 15 pa sa Negros Oriental nitong Marso 30 ng pinagsamang pwersa ng pulisya at militar, makikita ang tangka ng gobyerno sa pagbibigay-katwiran.

Malinaw ang Philippine News Agency: mga miyembro ng New People’s Army ang pinaslang, hinainan sila ng warrant of arrest at “nanlaban,” at nakarekober mula sa kanila ng mga baril, granada at iba pang kagamitan. Paalala rin ng “balita,” itinuturing ng US at European Union na grupong “terorista” ang NPA at Communist Party of the Philippines.

Inulit ito ni Salvador Panelo, tagapagsalita ng pangulo, at inulit pang muli. Aniya, batayan ng paglalabas ng warrant of arrest ang pagkatukoy sa mga pinaslang at mga dinakip bilang “suspek sa partikular na mga ambush, tangkang pananambang.”

Ginawa nang kalakaran ng Oplan Tokhang, ng “gera kontra-droga” ni Duterte, ang ganito: binabanggit ang mga ligal na batayan para sikaping bigyang-katwiran ang iligal na hakbangin, ang pagpatay sa mga “nanlaban” diumano. Sinasabi ng rehimen ang mga argumentong ligal hindi pangunahin para itulak ang paglilitis at paghatol sa mga pinagbibintangan; wala nang punto dahil patay na sila. Ginagamit ng rehimen ang mga ito para pakilusin ang madidilim na nosyon tungkol sa mga rebelde, Komunista, terorista, kriminal at kaaway ng gobyerno — at agad idugtong sila sa kamatayan.

Isang antas ang igiit ang kawalan ng legal na batayan para patayin ang sinumang pinagbibintangan o may warrant of arrest. Isang antas din ang pabulaanan ang akusasyon sa mga pinaslang, at patunayang nagsisinungaling ang gobyerno; katunayan, sinungaling ang gobyerno. Isa pang antas ang ipakita ang tunay na adhikain at gawain ng mga NPA, at ng suporta sa kanila ng mahihirap sa kanayunan.

Pero dapat tumbukin ang nagpapabilis ng hatol na kamatayan sa kanila: ang pagsusuri-panawagan na karapat-dapat silang patayin. Pinapaalingawngaw ang mga ito ng rehimeng ito, mula sa presidenteng walang bukambibig kundi “Patayin!” hanggang sa iba’t ibang tagapagsalita ng gobyerno, hanggang sa mga trolls na ang panawagan ay “Obosen!” Ang hinahangad, instant na lunas sa pinalaking problema ng droga at kriminalidad, pagtuligsa sa gobyerno at rebelyon; bukod pa sa pekeng pakiramdam ng seguridad.

Ang napapatahimik, napapasang-ayon, o napagsasalita pa nga katono ng ng rehimen ng mga paliwanag ng Palasyo: iyung seksyon ng masa kung saan malakas na ang hatak ng rehimen at ng gusto nitong kaisipan. Sila iyung matabang lupa para sa kaisipang “Kung wala kang ginagawang masama, wala kang dapat ikatakot,” dahil wala silang ginagawang masama para sa rehimen.

Sa ganitong paraan sinisikap ng gobyerno na ihiwalay ang mga mapanuri o kritikal mag-isip sa hanay ng mamamayan, iyung hindi madaling makumbinsi sa pagpatay sa 14 na magsasaka, at malawak ang hanay na ito lampas sa mga aktibista at progresibo. Laban sa kanila, ang armas ng gobyerno ay pananakot at aktwal na dahas. Mula pagbabanta ng panggagahasa hanggang sa pagbabansag na bakla sa social media, mula sa mga komentong galit hanggang sa mga komentong anti-intelektwal, at mula sa babala ng mga opisyal ng barangay hanggang sa aktwal na paniniktik — ang gusto ay patahimikin ang mga mapanuri at aktwal na nagsasalita laban sa gobyerno.

Mahalagang pansinin, habang tumatagal ang rehimeng Duterte, nagiging mas manipis ang mga pagbibigay-katwiran nito habang nagiging malawak at masinsin ang pananakot nito.

Nitong dulo ng Marso, lumabas sa balita ang pahayag ni Duterte mismo: lumala raw ang sitwasyon ng iligal na droga sa bansa. Bilyun-bilyong pisong halaga ng droga ang nasasabat ng kapulisan nitong mga nakaraang araw at pumasok na raw ang iba’t ibang sindikato ng droga sa bansa. Panakot niya: ang Pilipinas, posibleng maging katulad ng Mexico na kontrolado ng mga kartel ng droga.

Sa isang banda, pinapatunayan nito ang matagal nang sinasabi ng mga progresibo: hindi matatapos ang suliranin sa droga at kriminalidad sa pamamagitan ng pagpaslang. Ang kailangan: tapusin ang malaganap na kahirapan, kagutuman at kawalang-trabaho. Gayundin, papanagutin ang mga druglord na nasa hanay ng mga naghaharing uri at ang mga kasabwat nila sa gobyerno, pulisya at militar.

Sa kabilang banda, totoo ba ito? Magulo ang mga datos ng gobyerno sa usaping ito, at maipagpapalagay na sinasadyang guluhin. Totoo bang matapos patayin ang libu-libong maralitang suspek sa droga ay napalitan sila, nadagdagan pa, at agad-agad? Hindi kapani-paniwala.

Maaalala ang ilang taon nang mga pahayag ng militar tungkol sa “pagtapos” sa insurhensya — at maging sa batas militar sa Mindanao. Laging mga pahayag na may deadline na panahon ng pagtapos at puno ng kapasyahan. Pagkatapos, pagtanggap na hindi nagtagumpay at kailangan pang palawigin ang programa. Ang kongkretong resulta: tuluy-tuloy na panunupil, hindi pagkwestyon sa pagharap ng gobyerno sa insurhensya.

Matatandaan din ang pagbalewala ni Inday Sara Duterte sa pagiging matapat sa mga pulitiko; isinasapuso ito ng kanyang ama. Ang habol niya, hindi katapatan o integridad sa mata ng sambayanan o paghusga ng kasaysayan. Ang mga pahayag niya, mas may layuning taktikal, mainam suriin hindi lang ang nilalamang katotohanan kundi ang gustong makuhang reaksyon. Halimbawa: ang bigyang-katwiran ang pag-alis sa International Criminal Court at pagpapatuloy ng “gera kontra-droga.”

Batay sa ikinikilos ng rehimeng Duterte, ang gusto nito ay gawing kalakaran, “new normal,” ang pamamaslang. Gagamitin na itong pamalagiang instrumento ng panlipunang kontrol — para patahimikin ang lahat ng itinuturing na kalaban ng gobyerno. Maraming pampulitikang layunin ang paglilingkuran: depensahan ang naghaharing sistema at panatilihin ang rehimen sa kapangyarihan. Paglingkuran ang interes ng US at China, at ng mga naghaharing uri sa bansa, lalo na ng paksyong pulitikal ng mga Marcos at Macapagal-Arroyo.

Bagamat lutang ang pagiging bago ng pasismo ni Duterte, makikitang pagpapaigting din ito ng panunupil ng mga naunang rehimen. Ang Mindanao na pinadalhan ni Noynoy Aquino ng 60 porsyento ng militar, ipinailalim na sa batas militar. Gayundin halos ang mga rehiyong Negros, Bicol at Samar na paboritong target ng mga programang kontra-insurhensya. Ang pamamaslang at pagdukot na ginawa ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila, pinaabot na sa sentro ng bansa.

Ang magkakasunod na pangulong humalaw sa Kaliwa para maupo sa pwesto, laging nagsisikap higitan ang nauna sa pag-atake sa Kaliwa kapag nakaupo na. Bukod sa pagpapatuloy ng mga patakarang pang-ekonomiya, ipinagpatuloy rin nila sa esensya ang programang kontra-insurhensya na tulak ng US at militar.

Syempre pa, paglaban ang magiging tugon ng mga nagsusulong ng karapatang pantao, at buhay ng mga maralita’t magsasaka, laban sa rehimeng Duterte. Tiyak, aabutin ng mga aktibista at progresibo ang pinakamaraming mamamayang mapanuri sa isyu, sa mga pahayag, at sa mga hakbangin ng rehimeng Duterte. Tiyak, bubuuin ang kapasyahan nilang kumilos at lumaban sa pamamagitan ng mga solidong talakayan, gamit ang mga praymer, at pag-aalabin ang kagustuhan nilang magprotesta at lumaban sa rehimen.

Sa kongklusyon ng libro kung saan sinuri niya ang iba’t ibang porma ng paggana ng ideolohiya, sinabi ni Terry Eagleton, teoristang pangkultura: “may isang lugar higit sa lahat kung saan ang gayung mga porma ng kamalayan ay pwedeng matransporma nang halos literal na overnight, at iyan ay sa aktibong pampulitikang pakikibaka.”

Paliwanag niya: “Hindi ito paniniwalang di-kritikal na tinatanganan ng Kaliwa kundi empirikal na datos. Kapag ang mga kalalakihan at kababaihan na sangkot sa payak, lokal na porma ng pampulitikang paglaban ay naitulak ng panloob na momentum ng gayong mga tunggalian sa direktang kumprontasyon sa kapangyarihan ng estado, posible na ang kanilang pampulitikang kamalayan ay mabago nang mapagpasya at nang hindi bumabalik sa dati [Ideology, 1993].”

Pinakahuling nagpatotoo ang Marxistang pilosopong si Alain Badiou, at patungkol sa mas malaking grupo: “Nagsimula ang mga tao ng henerasyon ko ng kanilang pampulitikang paninindigan sa pagposisyon sa mga tunggaliang kolonyal. Una, ang gera sa Algeria at pagkatapos ang gera sa Vietnam…” Nang dahasin ng kapulisan ang kanilang protesta, sabi niya: “Danas din iyun sa dahas na kayang idulot ng mundo kapag malalaking interes ang nakataya.”

Hindi sinasadya ng rehimeng Duterte, pero naghahain ito ng maraming isyu na nagbubukas ng mga pagkakataon sa mga mamamayan hindi lang para labanan ito, kundi para makibaka para baguhin ang bayan at mundo.

09 Abril 2019

Chico River Project: Pabor na pabor sa China

$
0
0

Abril 10 noong nakaraang taon nang lagdaan ng gobyerno ng Pilipinas at kinatawan ng gobyerno ng China ang isang kontrata na napag-alamang magbabaon sa bansa sa malubhang pagkautang, habang magbibigay-panganib sa mga komunidad ng mga katutubo: ang Chico River Pump Irrigation Project.

Tahimik at walang ingay ang lagdaan. Para sa gobyerno ng Pilipinas, dumalo si Carlos Dominguez III, kalihim ng Department of Finance. Para sa gobyerno ng China, dumalo si Zhaojian Hua, Ambasaddor Extraordinary and Plenipotenciary of China. Kinakatawan naman ni Zhaojian ang Export-Import Bank of China.

Ang kasunduan, magpapautang ang China ng P3.6-Bilyon para sa pagpapatayo ng naturang proyekto. Magseserbisyo diumano ito para sa irigasyon ng mga sakahan at taniman sa Luzon. Kailangang bayaran ang utang na ito sa loob ng 20 taon.

Pero dalawa ang problema ng proyekto. Una, tulad ng isiniwalat ng kandidato sa pagkasenador na si Neri Colmenares, lamang na lamang ang China sa kontrata. Pangalawa, tulad naman ng sinasabi ng mga grupong maka-kalikasan, may matinding epekto ang naturang proyekto sa kalikasan, at sa komunidad ng mga katutubo sa Kordilyera.

Pagsampa ni Neri Colmenares, kasama ang mga kinatawan sa Kamara ng blokeng Makabayan, sa Korte Suprema para hilingin sa korte na itigil ang pagpapatupad ng proyektong pautang ng China sa gobyernong Duterte para itayo ang Chico River Pump Irrigation Project. <b>Kontribusyon</b>

Pagsampa ni Neri Colmenares, kasama ang mga kinatawan sa Kamara ng blokeng Makabayan, sa Korte Suprema para hilingin sa korte na itigil ang pagpapatupad ng proyektong pautang ng China sa gobyernong Duterte para itayo ang Chico River Pump Irrigation Project. Kontribusyon

Isiniwalat

Si Colmenares ang unang nag-ingay sa “onerous” o di-pantay na katangian ng kasunduang ito na pinasok ng rehimeng Duterte sa China.

Noong Marso, sa isang press conference kasama si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, inanunsiyo niyang nakakuha siya ng kopya ng kasunduan. At nakikita rito ang napakataas na interes na hinihingi ng China sa pautang na ito.

May taunang interest rate na 2 porsiyento ang utang. Napakataas nito, ayon kay Colmenares, kumpara sa kadalasang pautang ng ibang bansa, na may 0.25 porsiyento lang na interest rates. Maliban sa dagdag-bayad sa interes, nakasaad din sa Section 1.8 ng kasunduan ang taunang “commitment fee” na 0.3 porsiyento ng utang (Section 2.6) at mayroon pang “management fee” na 0.3 porsiyento o $186,260 na taunang kailangang bayaran ng gobyerno sa China.

Habang nag-ooperasyon sa Pilipinas, hindi rin kailangang magbayad ng China ng buwis o anumang singil para sa interes na kinikita nito sa transaksiyon.

“Dinidikta pa ng China ang magiging nilalaman ng ating mga batas sa badyet sa pamamagitan ng paggiit (sa kontrata) na ang bayad ay awtomatikong maging bahagi ng General Appropriations Law…(M)istulang pagsalaula ito sa kapangyarihang konstitusyonal ng Kongreso na tanging magdesisyon sa nilalaman ng ating taunang badyet,” sabi pa ni Colmenares.

Ang malupit pa, bahagi ng kondisyon sa kontra na kailangang kompanyang Tsino ang kontraktor ng proyekto.

“Mabuti sana kung binigay ’yung pera, pero utang naman ’yon na babayaran natin sa mataas na interes. Bakit required na China CAMC Engineering Co. Ltd , ang contractor ng China ang gagawa, eh marami namang Pilipino ang kayang gawin ang proyekto?” tanong pa niya.

Tulad ng nasaksihan sa mga proyektong Tsino sa bansa, malamang na kumuha pa ang kontraktor na ito ng mga manggagawang Tsino para magtrabaho.

“Habang sa batas ng Pilipinas, kailangang sumailalim ang mga kontraktor sa proseso ng procurement o bidding, nagtakda lang ang China ng sarili nitong kontraktor. Para na tayong probinsya ng Tsina na kaya nilang diktahan. Nakakahiya ang mga kasunduang ganito at dapat na itigil,” sabi pa ni Colmenares.

Ang Chico River, at ang itinatayong imprastraktura para sa pump irrigation project na itinatayo mula sa utang sa China. Larawan mula kay <b>Windel Bolinget</b>

Ang Chico River, at ang itinatayong imprastraktura para sa pump irrigation project na itinatayo mula sa utang sa China. Larawan mula kay Windel Bolinget

Pag-ilit sa likas na yaman ng Pilipinas

Pero ang pinakakontrobersiyal na bahagi ng kontrata: ang Section 8.1 na hindi kumikilala sa karapatang soberanya ng bansa at nagpapayag sa China na kontrolin ang “patrimonial properties” o mga likas na yaman ng bansa kung sakaling di makapagbayad ng utang ang Pilipinas.

At kung magrereklamo naman ang Pilipinas, nakapaloob ang naturang usapin sa batas daw ng China. Ang magreresolba sa anumang reklamo ng Pilipinas kung sakaling magreklamo ito sa pagtrato rito ng China? Isang ahensiya rin ng China – ang China International Economic and Trade Arbitration Commission (Cietac). Kung makikita ng Cietac na may gamit-komersiyal ang naturang “asset”, maaari nitong gamitin at pagkakitaan.

Nakita umano ito sa bansang Sri Lanka, kung saan sinakop ng China ang Hambatota Port matapos mabigong makapagbayad ang naturang bansa dahil sa mga delay sa pagbubukas sa komersiyo.

“Bago pa lang nagsimula ang loan, talo na tayo kahit China pa ang nag-delay o breach of contract,” sabi naman ni Zarate. “Madali tayong kasuhan ng China sa tribunal nila, habang tayo hindi maaaring i-question ang agreement sa sarili nating korte.”

Kataka-taka, sabi ni Zarate, na pumayag pa ang gobyerno sa confidentiality clause o deklarasyong hindi maaaring isiwalat sa publiko ang nilalaman ng naturang kontrata.

Hinamon noong Marso nina Zarate at Colmenares ang DOF at National Economic Development Authority (NEDA) na isapubliko ang Chico River loan agreement, gayundin ang iba pang sikretong kasunduang nilagdaan nito sa China, tulad ng P12-B Kaliwa Dam at P17-B Davao Bridge Project.

Noong Abril 4, nagsumite si Colmenares ng petisyon sa Korte Suprema para ideklarang labag sa Saligang Batas ang kasunduan. Pangunahing dahilan nito ang confidentiality clause na labag sa karapatan ng mga mamamayan na malaman ang mga utang panlabas na sila mismo, sa pamamagitan ng kanilang mga buwis, ang magbabayad.

Sinabi rin nila na inaprubahan na lang ng Monetary Board ng gobyerno ang kasunduan after-the-fact o matapos ang paglagda ng dalawang panig. Labag umano ito sa rekisito sa batas na kailangang may prior concurrence o naunang pagpayag sa papasukang kasunduan.

Labag naman sa polisiyang Filipino First, o pag-uuna sa interes ng mga Pilipino, ang pagtitiyak ng kontrata na kontratistang Tsino ang gagawa ng proyekto.

“Patuloy na babayaran ng ating mga anak ang utang na itong labis na di-pabor sa atin habang nasasangkot tayo sa debt trap (patibong na utang) sa halagang daan-daang bilyong dolyar sa China,” pagtatapos ni Colmenares.

Rep. France Castro ng ACT Teachers, gagawaran ng Svensson Prize sa Norway

$
0
0

Gagawaran ng Arthur Svensson Prize para sa taong 2019 ang lider-guro at mambabatas na si ACT Teachers Rep. France Castro sa kanyang pamumuno sa pag-oorganisa ng mga guro at paggiit ng karapatang akademiko sa Pilipinas.

Imbitado si Castro na tanggapin ang gantimpala sa Oslo, Norway sa Hunyo 12. Makakatanggap din siya ng NOK 500,000 o humigit-kumulang P3-Milyon.

“Nagpapasalamat ako sa Svensson Foundation sa pagbigay sa akin ng pagkilalang ito. Dakila at napapanahong parangal ito, lalo na sa kasalukuyang pampulitika, pang-ekonomiya at pangkarapatang pantaong sitwasyon sa ating bansa na malupit na nakakaapekto sa mga mardyinalisado tulad ng mga guro at mga unyon,” pahayag ni Castro (isinalin mula sa Ingles).

Umaasa umano si Castro na makakatulong ang gantimpala na mabigyang pansin sa mundo ang mga pakikibaka ng mga mamamayang Pilipino, at mahihikayat ang mga guro na lumaban, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Ayon sa Svensson Foundation (salin mula sa Ingles), “Sa maikling panahon, sa ilalim ng pamumuno ni Castro, lumaki ang ACT (Alliance of Concerned Teachers) hanggang maging isa sa pinakamalaking unyon sa Pilipinas. Lumagda ang naturang alyansa sa unang collective bargaining agreement noong 2016 para sa mga guro sa pampublikong mga paaralan sa Pilipinas – isang kasunduang kumikilala sa karapatang magwelga.”

Kinilala rin ng Svensson Foundation ang naging gawain ni Castro bilang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng bansa. Kabilang sa nabanggit na ipinaglaban niya ang pagsasabatas ng Expanded Maternity Leave tungo sa 105 araw.

“Bilang kinatawan ng mga guro, nilabanan niya ang mga repormang neoliberal sa sektor ng edukasyon at (ipinaglaban ang) mas mabuting kalagayan sa trabaho para sa mga guro. Naging sangkot din siya sa paglaban sa pagbaba sa edad ng kriminal na reponsabilidad ng mga bata, pagbuwag sa sapilitang pagsasanay-militar (sa kolehiyo) at kontra sa pamamaslang ng libu-libong kabataan sa ilalim ng giyera kontra-droga ni Duterte,” sabi pa ng Svensson Foundation.

Malay din ang naturang Foundation sa tangkang panunupil kay Castro nang arestuhin siya at iba pa sa Talaingod, Davao del Norte noong Nobyembre 2018 sa gitna ng tangkang pagsagip sa mga estudyanteng Lumad mula sa militarisasyon.

“Sa kabila ng mga banta at panunupil, may matatapang na mga tao na lumalaban para sa karapatang mag-unyon. Inaatake ng rehimen ang mga aktibista sa trade union sa hanay ng mga guro at mamamahayag. May ibang napaslang at nakulong. Hindi na kaiba ang mga banta sa buhay. Naglunsad din ang mga pulis ng organisadong kampanya para siraan ang unyonisadong mga guro,” ayon sa Svensson Foundation.

Sinabi naman ni Castro na mahalaga ang pagkilala sa kabila ng matinding paninira ng militar at pulisya sa lumalabang mga guro para sa mga karapatan nila at makataong kondisyon sa trabaho.

Ambag din umano ito sa laban ng mga mamamayang Lumad para sa karapatan nila sa edukasyon at lupaing ninuno, at gayundin sa mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor para sa nakabubuhay na sahod.

Sa tropeo ng Svensson Prize, nakalagay na iginagawad ang premyo sa tao o organisasyon na nagtrabaho para itaguyod ang karapatang mag-unyon o nagpalakas sa pag-oorganisa ng mga unyon sa mundo.

Nagsimula umano ang pandaigdigang gantimpalang ito ng Industri Energi at taunang iginagawad ng Committee for Arthur Svensson International Prize for Trade Rights

Ipinangalan ang naturang gantimpala sa dating lider ng Chemical Union na si Arthur Svensson na nakilala sa kanyang adbokasya para sa mga manggagawa sa buong mundo.

Featured Image: Mula sa Svensson Foundation

Tungkulin ng isang guro ng peryodismo

$
0
0

Mula pa noong dekada 90, nagtuturo na ako. Ang part-time sa simula ay naging full-time din nang magkaroon ng bakanteng posisyon sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Marami sa mga itinuring kong “anak” sa loob ng klasrum ay may mga sariling anak na rin. Kaya nga sa pagputi ng buhok ko sa pagtuturo, mistulang “lolo” na talaga ako!

Bagama’t pangunahin kong pinagkakakitaan ang pagtuturo, hindi ko kailanman tinalikuran ang peryodismo na siyang kurso ko noon sa kolehiyo. Sa katunayan, ang mga nauna kong trabaho sa mga non-government organization (NGO) ay may kinalaman sa tinapos kong kurso. Naging manunulat at patnugot ako ng iba’t ibang publikasyong inilimbag ng Council for People’s Development (CPD) at IBON Foundation. At sa kasalukuyan kong pagtuturo sa UP Diliman, kasabay nito ang pagtulong ko sa mga alternatibong organisasyong pang-midya tulad ng Bulatlat, Pinoy Weekly at Kodao Productions.

Kung mayroon man akong natutuhan sa mahigit dalawang dekadang pagtuturo ng peryodismo, ito ay ang pangangailangang pumaloob sa mismong propesyon para direktang maibahagi sa mga estudyante ang kalagayan ng midya. Mas nagiging makatotohanan ang mga diskusyon sa klase kung naibabahagi ng guro ang kanyang karanasan. Hindi lang kasi natatali sa teorya ang mga pinagninilayan dahil may naihahalo ring praktika.

Paano ba sumulat ng isang balita o editoryal? Ano ba ang kailangang gawin para makumbinsi ang mga nais mainterbyu na magbigay ng pahayag? Saan kaya pinakamainam magtrabaho bilang peryodista?

Paano. Ano. Saan. Ilang praktikal na tanong para mapahusay ang kakayahan sa peryodismo. Pero higit pa sa mga importanteng tanong na ito, kailangan ding sagutin ang pundamental na usapin sa peryodismo: Bakit ba natin ginagawa ito?

Bakit nga ba? Patuloy pa rin kasi ang pagtatrabaho sa kabila ng mga banta sa buhay at kabuhayan. Hindi natatapos ang trabaho sa pagsusumite ng mga ginawang akda dahil kailangan pang makipag-ugnayan (o makipagbangayan kung kinakailangan) sa ilang social media user (o trolls) na may mga tanong (o patutsada) tungkol sa mga nangyayari sa lipunan. Paminsan-minsan, kinakailangan ding literal na lumabas ng opisina o bahay para magmartsa’t ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag na patuloy na sinisikil ng mga nasa kapangyarihan.

Sa aking palagay, mas epektibong nasasagot ang tanong na “Bakit?” hindi ng salita kundi ng gawa. Tungkulin ng sinumang nagtuturo ng peryodismo na magpakita ng tamang halimbawa sa mga estudyante. Patunayan niyang kayang makapag-ulat sa kabila ng kultura ng walang pakundangan (culture of impunity). Ipakita niyang handa siyang lumaban para sa kalayaan sa pamamahayag. Mangako siyang hindi mangingiming manindigan kahit na nangangahulugan ito ng pagbangga sa mga nasa kapangyarihan.

Kung kailangang mataas ang pamantayan ng peryodismo, kailangan ding mataas ang pamantayan ng pagtuturo nito. Tandaan nating ang pag-uulat ay pinagsamang pag-uungkat at pagmumulat. Layunin ng interpretasyon ng datos hindi lang ang pagpapasimple kundi pagpapalalim at pagpapatalas. Hindi biro ang paghuhubog ng opinyong pampubliko lalo na sa panahon ng misimpormasyon at disimpormasyon. Higit na kinakailangan ang peryodismong nagtataguyod ng katotohanan sa sitwasyong ibinabandera ng mga nasa kapangyarihan ang kasinungalingan.

Sa panahon ng kadiliman, etikal na obligasyon ng mga mamamayan ang lumaban. Hindi na uubra ang pagiging “neutral” diumano ng isang peryodista dahil dapat lang na iwaksi ang hindi katanggap-tanggap. Ang pagsisinungaling ay pagsisinungaling. Katotohanan lang ang dapat na iulat para tamang impormasyon lang ang nalalaman ng publiko.

Sa panahon ng kasinungalingan, bahagi na ng trabaho ng peryodista ang manindigan hindi lang para sa katotohanan kundi para sa kalayaan sa pamamahayag. Estudyante pa lang, sadyang kailangan makondisyon ang utak para sa mas matitinding hamon sa hinaharap.

Sana nama’y tugunan ng mga guro ng peryodismo ang ganitong hamon.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

Halalan at pasismo

$
0
0

Ituring na bahagi ng laban kontra pasismo ang halalan.

Hindi itinatago maging ng rehimeng Duterte ang pakay nito sa pagpapatakbo ng mga senador sa ilalim ng Hugpong ng Pagbabago: para makontrol ang Senado at mas mabilis at madulas na mailusot ang mga pakay ng rehimen. Kabilang na rito ang pagrepaso sa Saligang Batas at ang (pekeng) Pederalismo na inaasam-asam nito para lalong makopo ng dominanteng mga angkan at pangkat ang mga probinsiya.

Marami na ang nagsasabi, pero kailangang banggitin pa rin: Mahalaga ang eleksiyon sa pagkasenador. Mahalaga ito sa laban para pigilan ang dominasyon o monopolyo ng pangkatin ng rehimen sa kapangyarihan ng gobyerno. Kasalukuyang nakalatag na ang kontrol nito sa burukrasya, sa pamamagitan ng pagtatalaga ng retiradong mga militar sa mga poder ng Ehekutibo.

Naipuwesto na rin si dating Hen. Eduardo Ano sa Department of Interior and Local Government para sa kontrol at pagtanaw sa lokal na pamahalaan. Sa Hudikatura, napasipa na nila ang independiyenteng Punong Mahistrado na si Maria Lourder Sereno at nagtalaga ng sariling appointee na may utang na loob sa pangulo.

Sa Lehislatura, halos tagatambol at tagapasa na lang ng Malakanyang ang Mababang Kapulungan sa pangunguna ni Gloria Macapagal-Arroyo sa mga batas na gusto nitong maisabatas. Pero di pa nito kopo ang Senado. Marami na itong tao, pero malakas pa rin ang oposisyon (kahit hindi kasing-ingay o tapang ng gusto natin).

Pero maaaring di tumagal ang kalagayang ito. Malinaw na desidido si Duterte na agawin ang Senado. Ilang beses na nagpakalat sa social media ng pekeng resulta ng sarbey, nagsasabing kopo ng HNP ang mayorya sa mga puwesto. Nang lumabas ang kumpirmadong resulta ng sarbey, aba’y nakalalamang nga sina Bong Go at Cynthia Villar, pasok ang mga angkan ng mga korap at pinatalsik na mga pangulo na sina Imee Marcos at Jinggoy Estrada, at pati ang berdugong si Bato dela Rosa at balimbing na si Francis Tolentino.

Maraming dahilan para kuwestiyunin ang sarbey na ito. Pero ang malinaw, nagtatagumpay ang propaganda ng naghaharing pangkatin kontra sa oposisyon.

Samantala , walang pakundangan ang paninira, pananakot at panghaharas sa militanteng oposisyon. Walang duda na mga elemento ng rehimen ang nagpapakalat ng mga black propaganda laban sa mga party-list ng blokeng Makabayan (Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis, ACT Teachers, Kabataan) at sa kandidato sa pagkasenador na si Neri Colmenares.

Sa loob ng burukrasya ng gobyerno, pinakilos ng rehimen ang militar at pulis para magpatawag ng mga pagtitipon (mga seminar, oryentasyon, kuno) para ideklarang ang mga partylist, ang progresibong mga organisasyon at kandidatong ito ay mga “prente” ng “komunistang terorista” na target ngayon ng pagbuwag ng gobyerno. Tinatakot nito ang mga umaalyado sa mga progresibo, ang mga komunidad na todo ang pagsuporta sa Makabayan, at nilalason ang social media ng kung anu-anong pekeng balita at paninira.

Kailangang ipakita ng mga progresibo, ng organisadong mga komunidad at sektor, ang tapag at pagka-malikhain nito sa pagsalag sa mga atake ng rehimen. Mabangis si Duterte, pero bangkarote ang ipinagtatanggol niyang naghaharing mga uri at sistema. Ramdam at batid ng taumbayan, kung ipapakita at ipapaliwanag, ang pakay ni Duterte na kopohin ang kapangyarihan.

Kailangang ituring na bahagi ng paglaban sa pasismo ang eleksiyon. Kailangang tipunan ang pinakamalaking bilang ng mga mamamayan, ng mga kapanalig, ng mga alyado, na sumusuporta sa progresibong programa, plataporma at paninindigan ng Makabayan. Ito ang pinaka-epektibong paraan para mabigo ang masasamang plano ng rehimen.

Dahil ito ang palaging nasa harapan ng mga laban ng mga mamamayan, mula sa paglaban sa taas-presyo ng mga bilihin at serbisyo, hanggang makabuluhang dagdag-sahod, pagbasura sa Train Law, pagpigil sa taas-singil sa SSS, at iba pa, kinikilala ang mga progresibo bilang pinuno ng oposisyon laban sa rehimeng Duterte. Kailangang pagkaisahin ang lahat ng puwersa ng oposisyon para mapalakas ang hanay laban sa rehimeng kumukuha naman ng lakas mula sa padrinong mga naghaharing uri, at imperyalistang US at Tsino.

Kung lumakas ang boses ng oposisyon sa halalan, mahihirapang dayain ng rehimen ang halalan nang di mawawalan lalo ng kredibilidad sa sambayanang Pilipino at sa mundo. At kung mandadaya pa rin, tiyak ang galit na sasalubong dito.

Di lang labag sa soberanya, mapanira rin sa kalikasan

$
0
0

Hindi binigyang pansin sa Chico River Pump Irrigation Project (CRPIP) Environmental Impact Statement (EIS) ang epekto ng climate change dito.

Ayon ito sa Cordillera People’s Alliance (CPA), organisasyong kauna-unahang ginawaran ng Gawad Bayani ng Kalikasan mula sa Center for Environmental Concerns Philippines.

EIS ang pananalaksik na kailangang magawa ng kompanya para mapag-aralan ang magiging epekto ng isang proyekto sa kalikasan at sa maaaring maging tugon dito.

Giit ni Windel Bolinget, tagapangulo ng CPA, lumalabas sa EIS na hindi na inusisa pa ng gobyerno kung papaano makakaapekto ang matinding tagtuyot sa lebel na tubig ng ilog.

“Sa kasalukuyan, dagok para sa mga magsasaka sa Kalinga ang kawalan ng tubig na gagamitin sa irigasyon tuwing taginit dahil sa bumababang lebel ng tubig sa Chico River,” ani Bolinget.

Tinuturing ang Chico River bilang ilog ng buhay ng mga komunidad sa Kalinga at Bontoc. Dahil sa ilog, nagiging posible ang wet at rice farming. Dahil naman sa siyam na aprubadong hydropower projects sa bahagi ng Chico River sa Kalinga, manganganib na ang kabuhayan at kaligtasan ng mga komunidad.

“Maiistorbo ng mga proyekto ang natural na daloy ng Chico River at kapag dumating ang tagtuyot at kalakhan ng tubig ay nakaimbak sa dam reservoirs, lalala ang kakulangan ng tubig sa bahaging downstream, kung saan binabalak mag-operate ng CRPIP,” paliwanag ni Bolinget.

Sinubukan pang tuligsain ni dating National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Kalinga provincial officer Natividad Sugguiyao ang pahayag ni Bolinget at ng CPA na may siyam na proyekto. Sa kaalaman daw ni Sugguiyao, dalawang proyekto lang sa Kalinga ang nagsasagawa ng free, prior and informed consent process (FPIC).

Pero makikita sa website ng Department of Energy na tunay ngang may siyam na awarded projects sa Kalinga. Kung tutuusin, aabot pa ito ng 18 kung isasama ang mga proyekto sa Mountain Province.

“May katotohanan mang dalawang proyekto ang sumasailalim sa FPIC, hindi natin puwedeng talikdan ang katotohanang naaprubahan na ang marami pang proyekto sa ilog at sa mga sanga nito,” sabi pa ni Bolinget.

Konstruksiyon sa Chico River Pump Irrigation Project. Windel Bolinget

Bahagi rin itong FPIC, o ang pahintulot na hinihingi mula sa komunidad na maapektuhan ng mga proyekto, sa mga bahagi ng CRPIP na hindi nakitang nasagawa nang maayos ng mga miyembro ng pambansang minorya.

“Hindi hiningi ang FPIC, o pahintulot, ng mga indigenous people bago nagkapirmahan sa loan,” giit ni Sarah Dekdeken, tagapagsalita ng CPA, “at hindi na rin binigyang halaga ang pahintulot na ito bago simulant ang konstruksyon para sa proyekto.”

Nagsimula na ang “earth-moving” ng National Irrigation Administration (NIA) Region 2 habang sinasagawa pa lamang ang FPIC, pahayag ni Kalinga NCIP Director Catherin Gayagay-Apaling sa Northern Dispatch (Nordis). Sa ulat ng Nordis, pinaliwanag ni Gayagay-Apaling ang ginawa ng NIA na diretsong pakikipagtalakayan sa mga may-ari ng lote.

Ang mga lupang ninuno sa Pinukpuk at Magaogao ang maaktuhan ng proyekto. Ganoon na rin ang mga komunidad ng katutubo at magsasakang umaasa sa tubig mula sa Chico River.

Tugma at talim

$
0
0

Tinipon sa Usapang Kanto ang halos 200 tula ng makata’t kompositor na si Jesus Manuel “Koyang Jess” Santiago na nalathala sa pagitan ng huling bahagi ng dekada ’90 hanggang 2005. Koleksiyon ito ng mga tinawag niyang “kolumberso” sa mga diyaryong Pinoy Weekly, Taliba, Archipelago, Truth Forum, Hoy, Bagong Umaga, Pinas, at Planet Philippines.

Koyang Jess, sa lunsad-aklat ng Usapang Kanto noong nakaraang taon. <b>Lito Ocampo</b>

Koyang Jess, sa lunsad-aklat ng Usapang Kanto noong nakaraang taon. Lito Ocampo

Mahalagang sipatin ang mga tula sa koleksiyon bilang istorikal na pagtatala ng mga naganap sa isang partikular na panahon. Matatalas ang komentaryo ni Koyang Jess, (para sa marami), sa pangaraw-araw na mga balita’t pangyayari sa panahon nina Estrada at Macapagal-Arroyo. Ang totoo, ilang taon na rin ang nakalilipas subali’t naririyan pa rin ang mga isyung tinalakay sa kanyang mga akda: pagtaas ng presyo ng mga bilihi’t serbisyo, buwis, mababang pasahod, kawalan ng lupa, masaker sa mga magsasaka, korupsiyon, konsumisyon sa eleksiyon, same sex marriage, o kahit sina FPJ at Dolphy, maging ang kumpisal ni Kris Aquino sa kanyang pagkakaroon ng STD, hanggang sa usapin ng globalisasyon at imperyalismo.

May karisma ang tula ni Santiago sa paraang tinatalakay nito ang tila pangkaraniwan tulad ng texting, spaghetti’t pizza, sunog, perya, usapang lasing, prey-ober at iba pa, pero may pitik na komentaryo sa loob ng kanyang mga berso. Sa mga mahilig sa pambeberso’t pananalinghaga, di sasala ang tugma’t sukat ni Santiago na aniya’y iniaalay niya bilang pagpupugay kina Huseng Batute, Amado V. Hernandez at Sisong Kantanod, na pawang mga nagsulat rin ng mga patulang kolum sa kanilang panahon, at gayundin, may angking talim sa pagsisiwalat ng mga sakit ng lipunan.

Kapansin-pansin din ang siste sa mga tula na nakaugat sa tradisyong pusong, na tila nagpapatawa gayong matalas na pumupuna sa mga maling sistema tulad ng ginawa ng kapwa niya Bulakenyong Marcelo del Pilar na ginawang katatawanan ang pagpuna sa mga fraile.

Usapang kanto kaya magaan ang wika kaya tiyak na maiintindihan ng masa sapagkat ito naman ang gustong kausapin ng kanyang mga berso. Mula sa kanila, para sa kanila, kumbaga. Gayunma’y hindi naiwaglit ni Santiago ang kasiningan ng tugma at sukat habang pinananatili ang matalas na komentaryong nilalaman ng mga tula.

Sa “Luv Txt,” na tumatalakay sa pagiibigan, makikita ang mga salitang, cell phone, texting, ring tone, screen, cell card (noong hindi pa uso ang tingi-tinging prepaid), na itinatampok sa long distance na relasyon. Sa dulo ng tula, binabatikos ang napipintong pagpataw ng buwis sa texting ng “bwisit na pamahalaan.” Sa mga linyang “Pangako, mahal ko, tiyak na bubukol/ panggadgad ng yelong ipupukol!”, mahihiwatigan ang akto ng pagtutol at paglaban.

Itinampok naman sa tulang “Bagahe” ang panghihingi ng “congresswoman ng Ilocos Norte” ng second chance, na sinagot ng bulyaw ng aleng naaasar ng “Magtigiltigil ka’t ‘wag magpaandar/ Sa batas militar, kami’y nabusabos!/ Taglayin mong sumpa ang pangalang Marcos!”

May panukala ang tulang “Kuryente” hinggil sa muling hindi makatwirang pagtataas ng Meralco sa singil ng kuteyente, sa pamamagitan ng mga linyang “Di baleng sinaing natin ay magtutong/ Poste’t electric bills ang gawing panggatong!

Makikita naman sa “Pinangos na Tubo” ang kutsabahan ng gobyerno ni Arroyo, ng Department of Labor and Employment (Pat Sto. Tomas), at ng mga Cojuangco-Aquino (Noynoy at Cory) ang pagtatakip sa malagim na sinapit ng 14 na manggagawang bukid sa Hacienda Luisita massacre.

Epekto ng globalisasyon sa mga maggugulay sa Benguet ang paksa ng “Gulayisasyon.” Isang simpleng pagpapaliwanag kung paanong ang isang tila kumplikadong konsepto ay naipapaliwanag gamit ang imahen ng mga gulay.

“Nakatagong taba” ang pork barrel sa “Taba ng Baboy,” at ang masisteng payo ng tula ay “Maging ang Pangulo ay dapat maglahad/ ng lahat ng pondong siya ang may hawak./ Ipaliposuction ang budget ng bansa/ Kung gustong lusawin ang lahat ng taba.”

Sa “Palasyo’y Tahimik” inilahad ang malaganap na extrajudicial killings sa panahon ni Macapagal-Arroyo at sinabi nitong sa pagtatanong ng oposisyon sa mga pagpaslang, “Walang sumasagot sa pukol na tanong;/ Palasyo’y tahimik, hindi tumutugon./ Sa hindi pag-imik, para nang inamin/ ang terosrismo’y doon nanggagaling.

Ilan lang ito sa mga mga tulang nasa kolekisyon at tiyak na hindi mabibigo sa kasiningan at talas ng nilalaman ang sinumang babasa sa halos 200 tula pa na nasa Usapang Kanto ni Koyang Jess Santiago.


Kasambahay ba o hindi?

$
0
0

Hindi maitatwa ang kanilang kahalagahan sa araw-araw nating pamumuhay. Kung wala sila, maaaring mapilay ang ating pang-araw- araw na mga gawaing bahay.

Ang aking tinutukoy mga kasama’y ang mga kasambahay.

Dangan lang at marami sa kanila ang inaabuso at tinuturing na walang karapatan.

Kaya malaking tulong sa kanila ang paglabas ng Republic Act No. 10361 o Batas Kasambahay noong 2013 para ilinaw ang karapatan ng mga kasambahay.

Sa ilalim ng batas na ito ang isang kasambay ay isang taong gumagawa ng mga gawaing pambahay katulad ng pagiging katulong, yaya, taga luto, hardinero, o taga laba. Hindi kasama rito iyong mga driver ng pamilya at iyong mga nagbibigay ng serbisyong pambahay paminsan-minsan lang at hindi permanente. Nililinaw ng batas na ito na may karapatan sa minimum wage ang isang kasambahay.

Ang buwanang minimum wage na ito noong 2013 ay P2,500 sa mga kasambahay na nagtatrabaho sa National Capital Region; P2,000 sa nagtatrabaho sa mga lungsod at first class municipalities; at P1,500 na nagtatrabaho sa iba pang munisipyo.

Ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board ay binibigyan ng karapatan para dagdagan o i-adjust ang buwanang minimum wage ng mga kasambahay.

Nitong Disyembre 2017, ginawa nang P3,500 tuwing buwan ang minimum na sahod ng mga kasambahay sa National Capital Region. Nagkaroon din ng dagdag ang sa ibang regions.

Dapat bayaran nang hindi tatagal sa minsan sa isang buwan ang sahod ng isang kasambahay.

Bukod dito, dapat ding bigyan ng daily at weekly rest day, service incentive leave, at 13th month pay ang kasambahay.

Dapat bigyan ng pahinga nang hindi bababa sa 8 oras bawat araw ang isang kasambahay.

Sa loob ng isang linggo, karapatan din niyang magpahinga sa loob ng hindi bababa sa 24 oras.

May karapatan din siyang masakop ng SSS, Pag-ibig at PhilHealth.

May karapatan din siya sa board, lodging at medical attendance, bukod pa karapatan sa education at training.

Hindi rin puwedeng pakialaman kung paano niya gagamitin ang kanyang sahod.

Karapatan din niyang tumanggap ng outside communication, at mabigyan ng kanyang employment contract pati na ’yung certificate of employment.

At higit sa lahat, may karapatan din siyang sumali o magbuo ng unyon o anumang labor organization.

Sa kaso ng Remington Industrial Sales Corporation vs. Erlinda Castaneda (GR No. 169295- 96) na hinatulan ng Korte Suprema noong Nob. 20, 2006, nilinaw ng Mataas na Hukuman kung kailan dapat ituring na regular na empleyado ng kompanya at hindi bilang isang domestic worker ang isang manggagawa.

Sa nasabing kaso ay nagsampa ng kasong illegal dismissal, underpayment of wages, non-payment of 13th month pay at non-payment of service incentive leave itong si Erlinda laban sa kompanya.

Sinabi niyang kinuha siya bilang company cook ng kompanya, pero simula nang lumipat ang kompanya mula sa Quezon City tungo sa bago nitong lokasyon sa Caloocan, sinabihan siya ng kompanya na hindi na kailangan ang kanyang trabaho at tinatanggal na siya ng kompanya.

Simple lang ang depensa ng kompanya sa nasabing kaso.

Sinabi ng kompanya na isang domestic helper at hindi isang regular na empleyado itong si Erlinda. Diumano, nang lumipat sa Caloocan ang kompanya ay tumangging sumama itong si Erlinda at hindi totoong tinanggal ito sa trabaho.

Nagdesisyon pabor kay Erlinda ang Labor Arbiter. Nag-apela sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang kompanya at ang kompanya naman ang pinanalo ng NLRC. Nakarating ang kaso sa Korte Suprema matapos magdesisyon ang Court of Appeals ng pabor dito kay Erlinda.

Sa desisyon ng Korte Suprema, pinanigan nito si Erlinda. Siya ay isang regyular sa empleyado ng kompanya at hindi isang domestic worker dahil napatunayan ng Korte Suprema na ang kanyang gawain na pagluluto ng pagkain ay hindi lang para sa pamilya ng mayari ng kompanya bukod pa sa ginagawa niya ang nasabing gawain sa lugar ng kompanya.

Binanggit ng Korte Suprema na ang isang empleyado ay maituturing lang na domestic helper kung ang kanyang gawain ay nakalaan lang para sa kapakanan ng pamilya ng may-ari ng kompanya at doon nagtatrabaho sa bahay ng may-ari.

Sa panig ni Erlinda, ang kanyang pagluluto hindi lang para sa pamilya ng mayari kundi para rin sa ibang empleyado nito.

Kaya, ang hatol ng Korte Suprema ay hindi isang domestic helper itong si Erlinda, kundi isang regular employee ng kompanya.

Bukas na liham kay Dante Ang

$
0
0

Sino po ba kayo?

Nagsusumigaw po ang headline ng The Manila Times kahapon (Agosto 22): OUST DUTERTE PLOT BARED. At para mas lalo pang ipakita ang importansya ng “balita,” kayo pa mismo ang nagsulat. Ginawa n’yo po ba ito sa pag-aakalang ang pagiging chairman emeritus ng The Manila Times ay sapat nang kwalipikasyon para maging peryodista?

Paumanhin sa prangkang tanong ng isang guro ng peryodismo. Huwag n’yo na lang pong sagutin ito dahil hindi naman ito masyadong importante, lalo na’t kayo ay mas kilala sa larangan ng public relations. Hindi ba’t bukod sa mataas ninyong posisyon sa The Manila Times, kayo rin po ang itinalagang “special envoy for international public relations” ng administrasyong Duterte noong Mayo 3, 2017? Siyanga pala, alam n’yo po bang ang May 3 ay World Press Freedom Day?

Muli, paumanhin po sa mga tanong ng isang peryodista mula sa alternatibong midya. Kung sabagay, hindi na rin bago sa inyo ang magtrabaho para sa Pangulo ng Pilipinas. Alam naman nating lahat na kayo po ang senior publicist ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Hindi rin natin dapat kalimutang sa panahon ni Macapagal-Arroyo ninyo binili ang The Manila Times mula kay Mark Jimenez noong 2001. Makalipas ang apat na taon (Disyembre 2005), kayo po ay naging tagapangulo ng Commission on Filipinos Overseas hanggang sa huling araw ng panunungkulan ni Macapagal-Arroyo noong Hunyo 2010.

Malinaw ang karanasan ninyo sa gobyerno at public relations. May ideya naman siguro kayo sa normatibong pamantayan ng peryodismo bilang may-ari ng isang diyaryo. Higit sa lahat, matalino naman po siguro kayo para malaman kung bakit kayo mismo ang paksa ng sanaysay na ito.

Ayoko nang dagdagan pa ang maraming puntong binanggit ng mga abogado’t mamamahayag na idinawit po ninyo sa planong patalsikin diumano si Pangulong Duterte. Binatikos nila hindi lang ang nilalaman ng inyong sinulat kundi pati ang pamamaraan ng panulat. Maling datos, maling pagsusuri, maling pagsusulat ng balita, komentaryo, imbestigasyon o kung anumang klasipikasyon ang gusto mong gamitin sa “akda” mo – mahahalagang puntong lumalabag sa peryodismo. Sa kaso ng The Manila Times, medyo nakakahiya po ang mga ito dahil bukod sa ginagamit na sanggunian ang The Manila Times Handbook of Journalism ni Jose Luna Castro, mayroon din kayong The Manila Times School of Journalism na dapat na nagtuturo ng responsableng peryodismo. Anong klaseng halimbawa ang ipinapakita ng isang chairman emeritus kung ang isang “screaming headline” na sinulat niya ay hindi pumapasa sa mataas na normatibong pamantayan.

Ang artikulo po ninyong “OUST DUTERTE” ay may isang diagram na pinamagatang “Association Matrix between BIKOY and ELLEN TORDESILLAS.” Bukod kay Tordesillas, nakalagay ang ilang mamamahayag at abogado mula sa Vera Files, Rappler, Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at National Union of People’s Lawyers (NUPL). Lumalabas na lima sa kanila ay mula sa Vera Files, pito sa Rappler, 18 sa PCIJ at 28 sa NUPL. Nakakakilabot lang na ang kabuuang bilang pala ng mga diumanong sangkot ay 58. Hindi ba’t ito rin ang bilang ng mga namasaker sa Ampatuan noong Nobyembre 23, 2009?

Maraming pangalang pamilyar, may mangilan-ngilang hindi pamilyar para sa akin. Kung susuriin ang listahan ng mga diumanong sangkot sa NUPL na siyang may pinakamalaking bilang, may isang pangalang nais ko pong itanong sa inyo dahil medyo naguguluhan po ako: Sino po ba si Danilo Arao? Abogado po ba siya? Sa pagkakaalam ko po kasi, walang Danilo Arao na bahagi diumano ng NUPL batay sa diagram.

Napansin ko rin pong tila isiningit ang pangalang ito sa diagram dahil napatungan nito ang buong pangalan ng isa pang abogado. Kapansin-pansin din ang binilugang avatar sa itaas ng pangalang Danilo Arao, isang klase na avatar na makikita lamang sa mga pangalang Ellen Tordesillas, Maria A. Ressa, Inday Espina-Varona, Atty. Neri Javier Colmenares at Frank Lloyd Tiongson. Ano po ba ang ibig sabihin nito?

Siguro’y kailangan kong maging mas direkta sa punto. Ako po ba ang tinutukoy ninyong bahagi ng NUPL? Alam po ba ninyong hindi po ako abogado? Anong klaseng “intel report” po ba ang pinagbatayan ninyo sa inyong “balita”? Bagama’t nagawa na ito ng iba’t ibang grupo (pati na ang Bulatlat na kinabibilangan kong organisasyong pang-midya), kailangan kong ulit-ulitin na hindi po ako bahagi ng NUPL bagama’t kinikilala ko ang magandang ginagawa ng mga miyembro nito para sa iba’t ibang sektor, pati na sa midya. (Kung wala po kayong konsepto ng “people’s lawyering,” responsibilidad po ng peryodistang magsaliksik sa paksang tulad nito.)

Gugunitain ng The Manila Times ang ika-121 anibersaryo nito sa Oktubre 11. May dahilan ba para ipagdiwang ang araw na ito? Sayang lang ang makulay na tradisyon nito kung kayo pa rin ang mananatiling may-ari ng diyaryo. Kung may napatunayan kasi ang inyong desisyong magsulat ng isang “balita” kahapon, ito po ay ang katotohanang kahit hindi kayo karapat-dapat na tawaging peryodista.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

Mga tulang lumilikha ng makata

$
0
0

Sa panahong tumitindi ang pag-atake sa mga kritikal at progresibo hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, tiyak lalo pang tumataas ang interes ng kabataan sa mga tinig na pilit pinatatahimik. Dumarami ang gustong unawain ang mga radikal na alternatibo. Kaya kahit mag-iisang taon na ngayong Mayo 2019 mula nang ilabas ng High Chair ang Pag-aaral sa Oras: Mga Lumang Tula Tungkol sa Bago ni Kerima Lorena Tariman, bago pa rin ito. Kahit may dalawang dekada na ang nakalipas nang isulat ang mga tula, mahirap itong maluma dahil pagbabago mismo, rebolusyon ang paksa nito.

Naglalaman ng ilampung orihinal na tula ang koleksiyon na nahahati sa mga seksiyong “Multo,” mga tula sa lungsod; at “Mutya,” mga tula sa kanayunan. Mayroon ding ikatlong naglalaman naman ng “Mga Salin.”

Makapangyarihan na sa kanilang sarili ang mga tula (ang ilan ay nauna nang nailimbag) subalit sa pagkakatipon ng mga ito sa isang koleksiyon, ito’y nagiging isang mas makapangyarihan pang paglalakbay. Naglalahad ito ng kuwento ng transpormasyon ng kamulatan at praktika ng isang estudyanteng tagalungsod na sa huli’y magpapasyang lumahok sa rebolusyon sa kanayunan. Malamang maraming kabataang naghahanap ng kanilang papel sa lipunan ang makikita ang kanilang sarili sa mga tula sa koleksiyon. Kundiman, makatutulong itong magpaliwanag kung bakit pinipili ng iba ang ganitong “pagbabahagi ng sarili sa sambayanan” (mula sa “Pag-aari ko ang ang aking Sarili”).

Kagaya ng mga rebolusyon, kritikal at mapanlikha ang mga tula ni Tariman. Sa isang banda’y binabasag ang mga pinagpipitagan at establisadong institusyon gaya ng pormal na edukasyon, mataas na sining/panitikan, at tradisyunal na pamilya; sa kabila’y itinataguyod ang alternatibo at bagong pagkatuto at pagtuturo, bagong panitikan at sining, at bagong pamilya at pag-ibig. Kinikritika ang pagmamataas ng mga lumang institusyon para bigyang-pugay ang karunungan ng maralita.

Sa tulang “Serye ng Sobresaliente,” ipinagtapat ang edukasyong pangkolehiyo sa panunulisan:

Wala akong diploma.
Naisip kong magpapeke
Sa Recto-Avenida
Ngunit ginawa kong magpatunay
Sa pasya ng Kabesa.

Sa pamamagitan naman ng mga simpleng tugma at mga kongkretong imahe, dalubhasang naisasakapsula sa mga tulang “Aralin sa Ekonomyang Pampulitika,” “Muni-muni ng Mandirigma,” “Pag-aaral sa Oras,” “Natural,” at “Kalikasan/Lipunan,” ang mga komplikadong Marxistang konsepto ng batas ng halaga, diyalektika, materyalismo, pagpuna at pagpuna-sa-sarili, digmang bayan, at tunggalian ng uri. Pagpapatotoo itong maaari ring matuto at magturo sa mga “alapaw” (maliliit na kubo), kaklase ang mga magsasaka.

Habang may mga tula ng pag-ibig para sa indibidwal, sa Bikolanong tulang “Paglaum” ay ipinanguna ang pag-ibig para sa rebolusyon:

Kaya hindi na ako umaasa
Na matatawag kitang “asawa,”

Ang hiling ko lang:

Ang lagi ka lamang
tawaging “kasama.”

Samantalang ang natatanging tula ng ina (“kuliglig”) ay isa ring tula ng “pagtanggi sa pagiging maternal” (mula sa “Kuwatro Kantos”). 

Tampok din ang relasyon ng kalagayang obhetibo at elementong suhetibo, parehong salik sa mga rebolusyon. Malinaw ang mga imahen ng materyal na realidad ng kahirapan pareho sa lunsod at kanayunan. Sa seksiyong “Mutya,” isinalarawan ang pagragasa ng “kalamidad ng malapyudalismo” at “operasyon ng mga asong ulol” (mula sa “Dalawang Tula”) sa mga “lugar na nakaligtaan ng oras” (mula sa “Taisan”).

Kasabay nito, binibigyang-diin ang usapin ng pagkamulat at pagpili. Ipinupuntong ang pakikibaka ay hindi sapilitan, bulag, o desperadong tulak – isa itong mahaba, hindi basta-basta, at paulit-ulit na pagpapasya. Ang tulang “Mutya” ay tula ng pag-ibig para sa pagtangang ito:

Ang aking mutya ay ang pasya ng bawat api,
Na tanganan ang kapalaran at palayain ang uri!

Mapaglaro rin sa wika at porma ang mga tula. Ang pag-unlad ng kamulatan ng persona ay nasasalamin sa pagbabago sa bokabularyo mula sa seksyong “Multo” tungo sa “Mutya.” Mapapansin ito halimbawa sa unti-unting paggamit sa wikang Bikalano at Ilokano habang nagbabago ang mga tagpuan mula “Cubao” at “Quiapo” tungong “Lambak Cagayan” at “Ragay Golpo.” Gayundin, ang paminsang paglalaro sa pagkasalansan ng mga salita sa pahina, na makikita sa mga unang tula (“bugtong,” “hungkag,” “Gusali,” “Kasalo”), ay mapapalitan sa ikalawang seksyon ng mga simple at kumportableng tugmaan. Nilipat ang diin mula sa biswalidad tungo sa katangiang oral ng tula. Tugma ito sa temang pagtungo sa kanayunan, kung saan mas kaunti ang may kasanayang magbasa.

Sa pagtatampok sa mga makatang mula sa iba’t ibang panahon, rehiyon, at bayan, tila ipinaaalala naman sa seksiyong “Mga Salin” ang katangiang inter-henerasyunal, inter-rehiyunal, at internasyunal ng rebolusyon.

Sa huli, tapat ang koleksiyon sa panatang “tula ang siyang dapat na lumikha sa makata” (mula sa “introduksyon”). Sa paglalahad mismo sa masalimuot na proseso ng pagkalikha sa isang makata, gamit ang wikang pinakamauunawaan ng mga makata mismo – mga tula – nag-aambag ang koleksyon sa aktwal na paglikha hindi lang ng basta-bastang mga makata, kundi ng mga makatang, ayon sa tulang “Hukbo ng Maralita,” naghahangad:

Maging matigas
Sa pagkapit sa teorya at sa armas.

Pulitika ng pagmamaneho

$
0
0

Mahigit isang dekada ko nang minamaneho ang sasakyang mahigit dalawang dekada na ang edad.

Kinaiinisan tuwing nasisiraan noon pero maaasahan kahit luma na ngayon. Iba pa rin ang pagkakagawa ng mga sasakyan kasi noon dahil sadyang matibay pa rin ngayon. Tulad ng malalim na pagsusuri sa pambansang kalagayan, kailangan lang ng ibayong pagbabantay para masiguradong maihahatid ka sa patutunguhan.

Sa gitna ng karumihan at kaguluhan sa ating politika, tayo’y magnilay-nilay sa kalinisan at kaayusan ng aking Vitara.

Suzuki. JLX. 1.6L engine. 4 cylinders. 4WD on demand. ABS. 4 speed. Matic. Sa gitna ng sangkatutak na spesipikasyon, isang bagay lang ang dapat malaman: Nakakaya pa nitong makabiyahe mula Maynila hanggang Bikol.

Nitong nakaraang Semana Santa, umalis kami ng Malate, Maynila ng bandang 4:00 ng hapon at dumating kami sa Tabaco, Albay bandang 10:00 ng umaga kinabukasan. Opo, mga 18 oras ang biyahe pero siyempre nama’y may pahinga – tatlong oras na pagkain ng hapunan at almusal, tatlong oras na pansamantalang pag-idlip, ilang minutong paghinto para magpakarga ng gasolina.

Mainam na nasa kondisyon ang sasakyan para sa ganitong “pamatay” na biyahe. Biro nga ng may-ari ng talyer na pinagdalhan ko ng Vitara para linisin ang aircon at palitan ang fan belt at alternator belt, “Penitensya na ang pagmamaneho mo sa Bikol!”

Totoo namang kalbaryo ang mahabang pagmamaneho. Hindi lang ito dahil sa biyaheng 500 kilometro. Nariyan din ang maraming lubak at sirang lansangan. Kailangan pa bang ipaalala ang matinding trapik sa ilang lugar kahit na dis-oras ng gabi? Ah, Semana Santa kasi! Mas lalo pang tumindi ang dati nang nakakainis na trapik.

Tandaan rin natin ang mga kalsadang hindi naiilawang mabuti sa pagsapit ng gabi kaya kailangang maging maingat at baka makasagasa. Makikipot na rin ang ilang bahagi ng naturingang “national highways.” Ginawa kasing paradahan ng ilang residenteng sa sobrang dami ng pera ay ginawa nang garahe ang kalye. Alam kaya nilang ang lansangan ay hindi ekstensyon ng bahay nila?

Sa probinsya, kapansin-pansin din ang maraming magsasakang nagbibilad ng palay sa kalye. Siyempre, kailangang iwasan ang mga nakabilad kaya ibayo pang pag-iingat ang ginagawa ng mga motorista. Pero hindi tulad ng mga walang konsiderasyong may-ari ng sasakyan na wagas kung makaparada sa kalye, alam nating lahat na napagkakaitan ang mga magsasaka ng suporta mula sa gobyerno.

Kung walang pasilidad para sa kanilang gawain sa pagsasaka tulad ng pagbibilad ng palay, ano pa ang gagawin nila? Kung tutuusin pa nga, ayaw nilang magbilad ng palay sa kalye dahil siguradong durog ang mga ito kapag nadaanan. Hindi na nga nila kontrolado ang matinding ulan o init na puwedeng makasira sa kanilang ani, siyempre’y ayaw nilang mawala sa kanilang kontrol ang kanilang pinagkakaingatang palay.

Ito marahil ang magpapaliwanag kung bakit may mga pagkakataong literal na dinadala sa kalye ng mga magsasaka ang kanilang sigaw para sa makabuluhang pagbabago. Nagmamartsa sila para ilantad ang mga pangarap nilang dinurog ng mga polisiya’t programang nagsisilbi dapat sa kanila pero pinapakinabangan ng iba pa. Ang mga politikong nagsasabing kakampi nila sa oras ng elektoral na kampanya ay nagiging kaaway kapag nasa puwesto na. Posible ngang ang magagara nilang sasakyan ang dumudurog sa mga nakabilad na palay habang papunta sa upuan ng kapangyarihan.

Pawisang dumarating ang mga magsasaka sa kilos-protesta para hilinging makausap ang mataas na opisyal na nasa loob ng malamig na opisina. Kadalasan, hindi sila haharapin kaya hanggang sa kalye lang sila nakakapagpahayag ng kanilang saloobin. At may mga pagkakataon pang ang mismong kalye ay pinagkakaitan. Puwersahan po kasi silang pinapaalis.

Tunay na kalbaryo ang pagmamaneho pero mas matindi ang problema ng mga magsasaka. Sinisimbolo ng mga nakabilad na palay sa kalye ang kanilang abang kalagayan – kinaiinisan ng mga hindi makaintindi sa kanilang pinagdaraanan, basta lang sinasagasaan ng mga makasariling walang pakialam.

Mainam na makapagbiyahe gamit ang luma pero nasa kondisyon pang sasakyan para makita ang mga produkto ng daan-taong sakahan. Sa isang banda, pisikal na iniiwasang madurog ang mga nakabilid na palay. Sa kabilang banda, naaalalang may mga magsasaka pa pala.

Sa isang bansang agrikultural, dapat na pinapahalagahan sila. Pero ano ang nangyayari? Literal silang pinagkakaitan ng espasyo mula sa lupang sinasakang dapat na kanila hanggang sa kalyeng dapat na lunsaran ng protesta pero nagiging lugar ng mas matinding pagpaparusa.

Tapos na ang Semana Santa pero tuloy pa rin ang kalbaryo. Magsilbi sana itong mahalagang aral sa araw-araw na pagmamaneho.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

Manggagawa, naniningil na

$
0
0

Nanggagalaiti ang mga manggagawa sa deklarasyon ng Philippine Statistics Authority – at sinegunduhan ng Malakanyang – na kailangan lang ng isang pamilyang may limang miyembro ng P10,481 kada buwan para mabuhay.

“Isang malaking biro, at hindi nakakatawa!” sabi ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

“Pinamumukha nitong ‘OK lang ang lahat’ kaya di na kailangan ng taas-sahod dahil mas mataas naman ang minimum na mga sahod sa minimum threshold (na P10,481),” sabi naman ni Raymond Mendoza, tagapangulo ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP).

Nagkakaisa ang mga grupo ng mga manggagawa na hindi makatotohanan ang inilabas ng PSA na pag-aaral kuno hinggil sa poverty threshold o hangganan ng kahirapan sa Pilipinas ngayon. Para sa kanila, pulitikal ang motibo ng paglabas ng naturang “pag-aaral”: Para kontrahin ang lumalakas na panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor, at ang panawagan para sa pambansang minimum na sahod o National Minimum Wage na P750 kada araw sa pribadong sektor at P16,000 buwanan sa lahat.

Anila, madali lang ipakitang hindi malayo sa sapat ang P10,481 na buwanang sahod para sa pamilyang may limang miyembro: Pumunta lang sa palengke, at mamili ng pagkain ng limang katao sa halagang di-tataas sa P350 o P70 para sa isang tao sa isang araw. Wala pa riyan ang nonfood items, o mga gastusting hindi pagkain, tulad ng pamasahe, bayad sa mga serbisyo (pag-aaral, pagpapagamot, pabahay, at iba pa).

Walang duda, anila, malayo sa sapat ang naturang halaga para sa mga manggagawa at pamilya nila.

Jerome Adonis ng KMU: Kailangan ng dagdga-sahod para man lang makaagapay sa tumataas na mga bilihin at serbisyo. <b>KR Guda</b>

Jerome Adonis ng KMU: Kailangan ng dagdag-sahod para man lang makaagapay sa tumataas na mga bilihin at serbisyo. KR Guda

Pambansang minimum na sahod

Kaya naman, pinaiigting na ng KMU ang kampanya nito kaugnay ng dagdag-sahod, bago ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Mayo 1.

“Nagbigay ng pabuya si Pangulong Duterte sa mga negosyo ng US at Tsino, pero hindi pa siya nagbibigay ng makabuluhang dagdag sahod bago ang Araw ng Paggawa sa ilalim ng kanyang termino,” sabi pa ni Adonis.

Malayo pa sa iginigiit ng PSA, ang panukala nilang pagtakda ng P750 na pambansang minimum na sahod mula sa P537 (sa National Capital Region) ang signipikanteng makakaangat sa kakayahan ng mga manggagawa na makaagapay sa pang-araw-araw na gastusin.

Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, umaabot ang tinatawag nitong family living wage (o nakabubuhay na sahod ng isang pamilyang may limang miyembro), sa P1,004 sa isang araw. Sa 22 araw na may sahod sa isang buwan, kailangang kumita ang isang manggagawa ng P22,088 kada buwan para mabuhay ang pamilya nang disente.

“Kailangan ng isang pamilyang may limang miyembro ng P1,004 (sa isang araw) para mabuhay nang disente. Humihingi lang kami ng 75 porsiyento ng halagang ito. Mapapakain lang ng P750 (kada araw) ang mga manggagawa nang tatlong beses sa isang araw,” sabi pa ni Adonis.

Wala umanong dahilan para hindi obligahin ng gobyerno ang mga kapitalista na umayon sa dagdag-sahod. Tutal, tumaas naman ang produktibidad ng mga manggagawa. Sa Metro Manila lang, mula 2009 hanggang 2017, tumaas mula P456,059 tungong P614,297 kada manggagawa ang produktibidad ng bawat manggagawa.

Ibig sabihin, umaabot ng 35 porsiyento ang iniangat ng produktibidad ng mga manggagawa sa NCR. Pero 11 porsiyento lang ang itinaas ng minimum na sahod sa parehong panahon. Suma total, kumita ang mga negosyo sa NCR noong 2015 ng P905-Bilyon.

“Kalakhan ng yaman na nalilikha natin ay napupunta sa kaban ng malalaking negosyo, samantalang mumo lang ang nakukuha ng mga manggagawa. Hindi lang sa makakatulong ang hiling nating P750 pambansang minimum na sahod sa pagtugon sa matataas na presyo ng batayang mga bilihin, makakalapit din ito kahit papaano sa makatarungang bahagi ng produkto ng aming paggawa,” sabi naman ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

Isa pa, paliwanag pa ni Labog, halos hindi naman nasasaling ng naturang dagdag-sahod ang kita ng mga employer. Ang P750 minimum na sahod ay nangangahulugan lang ng P132-B sa mga employer, o 14.6 porsiyento ng kinikita nila, sabi pa niya.

“Kumpara sa 35 porsiyentong labor productivity growth, napakaliit lang ng 14.6 porsiyento sa kanilang kita na ibibigay sa talagang nagtrabaho para lumago ang kanilang negosyo,” paliwanag pa ni Labog.

Kontraktuwalisasyon

Mahigpit na kaugnay ng panawagan para sa pambansang minimum na sahod ang matagal nang ipinaglalaban ng mga manggagawa na pagbasura sa kontraktuwalisasyon.

Ito ang isa sa mga susing pangako ni Pangulong Duterte sa mga manggagawa noong maupo sa poder noong 2016: ang ibasura ang lahat ng porma ng kontraktuwalisasyon, hindi lang ang labor-only contracting, na ilegal na sa kasalukuyang Labor Code.

Ito rin ang nagbigkis sa mga grupo ng mga manggagawa tulad ng KMU at Nagkaisa! (kung saan miyembro ang TUCP, Sentro at Federation of Free Workers) para maglunsad ng mga aktibidad para ipresyur ang rehimeng Duterte na tupdin ang pangako.

Susi ang pagbasura sa lahat ng porma ng kontraktuwalisasyon sa pag-angat sa kabuhayan ng mga manggagawa. Sa pamamagitan umano ng pagtitiyak ng security of tenure ng mga manggagawa, mas may tsansang marerespeto ang karapatan nitong magkaroon ng di-bababa sa minimum na sahod, magkaroon ng mga benepsiyong kinikilala sa batas, lumahok sa mga unyon para igiit ang mga karapatang ito, at iba pa.

Pero halos tatlong taon sa poder, hindi pa rin tinupad ni Duterte ang mga pangako niya sa mga manggagawa.

“Hanggang ngayon, hindi pa tinutupad ni Duterte ang mga pangako nito sa mga manggagawa, (at) nagpokus pa sa pakikipagmabutihan sa malalaking negosyo, lalo na sa Chinese investors at lokal na mga partner nito,” sabi ni Labog. “Napapanahon na para gumawa ng hakbang si Duterte para sa mga manggagawang Pilipino at mga pamilya nila – hindi niya ibinasura ang lahat ng porma ng kontraktuwalisasyon; ang pinakaminimum na puwede niyang gawin ay mag-utos ng makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa.”

Batay sa hiling na ito, muling magkakaisa ang mga grupo ng mga manggagawa para magprotesta sa Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa sa Mayo 1. Ipagpapatuloy nila ang makasaysayang pagkakaisa ng mga manggagawa na nasimulan noong nakaraang taon para itulak ang pagkakaroon ng isang batas na papawi sa kontraktuwalisasyon. Nasa proseso na rin para mabuo ang pagkakaisa ng mga grupo para manawagan ng makabuluhang dagdag-sahod.

Anila, kung hindi pa rin tupdin ni Duterte ang pangako niya, tiyak na makakatikim siya ng matinding galit ng mga manggagawa at mamamayan.

Viewing all 2319 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>